Minamaliit ng isang Mayamang Ginang ang Kayang Ibigay na Buhay ng Binata sa Kaniyang Anak; Paglipas ng Panahon ay Pinatuyan Nito ang Kaniyang Pag-Ibig
“Hindi ko alam, Carla, kung nasiraan ka na ng ulo o talagang ginayuma ka ng lalaking ‘yan! Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Anong magpapakasal? Nii wala siya sa kalingkingan ng ating pamilya. Ni hindi mo nga alam baka yaman mo lang ang habol ng taga-pusali na iyan! Tigilan mo ako! Walang ikakasal!” sambit ng galit na galit na ina ng dalaga na si Theresa.
“Ma, tapat po ang pagmamahalan namin ni Angelo. Saka nasa tamang edad na ako para magdesisyon sa sarili ko. Mahal ko si Angelo, ma, at kahit ano pa ang sabihin niyo ay hindi na magbabago ang desisyon ko!” tugon naman ng anak.
“Sige, gawin mo ang gusto mo. Pero wala kang mahihita sa amin ng ama mo. Tandaan mo sa oras na sumama ka sa lalaking iyan ay putol na rin ang ugnayan nating bilang mag-ina,” banta ni Theresa sa anak.
“Darating din ang panahon, ma. Mapapatunayan ko sa iyo na tapat ang pag-ibig sa akin ni Angelo. Nalulungkot lamang ako sapagkat sarili kong mga magulang ay hindi naniniwala sa kakayahan ko na magdesisyon para sa aking sarili,” saad muli ni Carla.
Nag-iisang anak kasi si Carla at tanging tagapagmana ng lahat ng ari-arian at kumpanya ng pamilya Salcedo. Mariing tinututulan ng kaniyang mga magulang ang relasyon niya sa anak ng kanilang hardinero na si Angelo. Ang tingin ng mga ito ay oportunista ang lalaki at yaman lamang ng anak ang tanging hangad nito.
Dahil sa pag-ibig ay tinalikuran ni Carla ang yaman na kaniyang nakagisnan at tuluyang sumama sa kasintahan.
“Hindi tama na suwayin mo ang mga magulang mo, Carla, para lamang sa akin,” sambit ng binata.
“Pero mahal kita. Kaya kong talikuran ang lahat para lamang sa iyo,” saad naman ng dalaga.
“Mahal din kita. Makakaasa ka na gagawin ko ang lahat para magtagumpay tayo sa buhay. Darating ang panahon na haharap ka sa kanila at muli ka nilang tatanggapin,” wika ni Angelo.
Naging tapat si Angelo sa kaniyang pangako. Pinakasalan niya ang nobya. Ang kaunti niyang ipon ay ginamit niya upang makapagsimula sila. Lumipat mula sa ekslusibong unibersidad patungong pampublikong kolehiyo si Carla. Tinustusan ni Angelo ang pag-aaral ng kaniyang asawa. Ayaw kasi niyang mahinto ito ng pag-aaral.
“Mahal, p’wede naman akong tumigil muna sa pag-aaral para makatulong sa’yo para sa mga gastusin natin,” saad ni Carla.
“Hindi ka hihinto ng pag-aaral, mahal. Magkabali-bali man ang katawan ko ay hindi ako titigil sa paghahanapbuhay para lamang makatapos ka,” wika ni Angelo.
Bilang ganti ay nagpakadalubhasa sa pag-aaral si Carla para hindi mapunta sa wala ang pinaghirapan ng asawa. Hanggang sa tuluyan siyang makapagtapos. Nang makahanap siya ng trabaho ay si Angelo naman ang kaniyang pinag-aral.
Mataas ang pangarap ng dalawa. Nais nila na makapagtayo ng kahit isang maliit na grocery lamang bilang panimula.
Hindi sila naging maluho at nag-impok sila upang mabilis na makaipon. Hanggang sa isang araw ay nakakita sila ng isang magandang pwesto upang magtayo ng isang tindahan.
“Maliit lamang ito, mahal, pero sa galing mo ay alam kong mapapalago mo ito,” sambit ni Angelo sa kaniyang misis.
Hindi nga nagkamali si Angelo. Mabilis na napalago ni Carla ang kanilang maliit na tindahan. Unti-unti ay nakamit nila ang pangarap na makapagtayo ng isang maliit na grocery.
Kahit na kumikita na sila mula sa negosyo ay hindi pa rin tumigil si Angelo sa pag-aaral at si Carla sa pagtatrabaho. Hindi naglaon ay lumaki unti-unti ang kanilang grocery hanggang sa nagkaroon na sila ng pangalawang tindahan.
Nakatapos na ng pag-aaral si Angelo at si Carla ay tumigil na sa pagtatrabaho upang tutukan ang kanilang negosyo. Hindi naging madali ang pag-angat sa buhay ng dalawa. Pero dahil sa pagsisikap, tiyaga at dedikasyon ng dalawa ay nakamit na rin nila ang kanilang pangarap. Ngayon ay nagmamay-ari na sila ng sampung branches ng malalaking grocery stores.
Nakilala ang kanilang pangalan sa kanilang larangan.
Isang araw ay nagulat na lamang si Carla nang makita ang kaniyang ina sa tapat ng kaniyang tanggapan.
“Hindi ako makapaniwala na sa loob ng maiksing panahon ay ito na ang iyong narating, Carla,” saad ng ina. “Magaling ka talaga, anak,” dagdag pa nito.
“Hindi lang ako ang dahilan ng lahat ng ito, ma. Wala ang lahat ng ito kung wala ang asawa ko na nagsumikap para matupad ang lahat ng nakikita niyo ngayon,” sambit ni Carla sa ina.
“Nagkamali ako sa asawa mo at pinagsisihan ko iyon. Ngayon ay napatunayan niyo na sa akin na tunay ang inyong pag-ibig. Narito ako ngayon upang bigyan kayo ng basbas para magpakasal muli. At sana sa pagkakataong ito ay maimbitahan mo kami ng iyong ama,” wika ni Theresa.
Niyakap ni Carla ang kaniyang ina.
“Hindi mo alam, ma, kung gaano ako nangungulila sa inyo. Maraming salamat sapagkat ngayon ay narito na kayo,” pagtangis ng anak.
“Napatunayan niyo sa amin na tama ang lalaking minahal mo, anak. Hindi dahil sa yaman na mayroon kayo ngayon kung hindi sa paniniwala niyo sa inyong kakayahan bilang isa. Tunay nga na may mga bagay sa mundo na hindi natutumbasan ng salapi tulad ng pagmamahalan ninyo ni Angelo,” saad ng mayamang ginang sa anak.
Hindi na humadlang ang mga magulang ni Carla sa pag-iibigan nila ni Angelo. Muli silang ikinasal at sa pagkakataong iyon ay naroon na ang mga magulang ni Carla upang maging saksi sa kanilang muling pag-iisang dibdib.