Pinilit Iginapang ng Isang Amang ang Pag-aaral ng Anak; Ito Lamang ang Naging Sukli Nito
“Rene, kakauwi mo lang, ha. Saan na naman ang tungo mo?” tanong ni Aling Rosa sa kaniyang asawa.
“Sasama ko kay Pareng Domeng, eekstra kami sa construction. Sayang kasi pandagdag kita na rin,” tugon naman ni Mang Rene sa kaniyang misis.
“Wala ka pang tulog, Rene, mula sa pagbabatilyo mo sa konsignasyon. Tapos ay umeekstra ka pa sa gaasan. Baka mamaya kung ano ang mangyari sa iyo niyan,” pag-aalala ng maybahay.
“Hindi pa naman kami isasalang kaagad sa gawain. Kailangan lang namin magreport daw muna doon. Pagbigyan mo na ako, Rosa. Alam mo namang nasa kolehiyo na ang anak natin. Ayaw kong matigil siya ng pag-aaral. Lahat ay gagawin ko para sa kaniya,” saad muli ni Mang Rene.
Kahit na nag-aalala si Rosa ay wala na siyang nagawa pa sa pagpupumilit ng asawa. Alam niyang hindi rin iro makikinig. Kaya sa halip na pigilan pa ay ipinagdasal na lamang niyang huwag mapano ang kaniyang mister.
Mayroon isang anak sina Rosa at Rene, ang dalagang si Mandy. Nasa kolehiyo na ito at dalawang taon na lamang ay matutupad na rin ng mag-asawa ang kanilang pangarap na mapagtapos ang kanilang anak. Kaya ganoon na lamang ang pagkayod ng ginoo. Alam kasi niyang ang edukasyon lamang ang tanging maipapamana nilang mag-asawa kay Mandy.
“Anak, narito ka na pala. Kumusta naman ang eskwela?” tanong ni Aling Rosa sa dalaga.
“Ayos naman po, ‘nay. Kaso may kailangan daw pong bilhin na libro at mga proyekto. Kaya kung p’wede sana ay makahingi ako kahit po tatlong daang piso,” sambit ni Mandy sa ina.
“Hintayin natin ang tatay mo. Pag-uwi niya ay tiyak kong nakasweldo na iyon. Ang natitira na lang kasi dito ay ang pambili natin ng pagkain para ngayong araw,” sambit ng ginang.
Tamang pagdating naman ni Mang Rene mula sa kaniyang pagtatrabaho.
“O, heto na pala ang tatay mo,” sabi ni Aling Rosa.
“Rene, nanghihingi ang anak mo sa akin ng pambili ng libro at proyekto. Wala akong maibigay, e.,” dagdag pa ng maybahay.
“‘Wag kang mag-alala, anak, at may pera ang tatay. Basta tungkol sa pag-aaral mo ay gagawin lahat ng tatay. Alam kong nag-aaral ng mabuti itong anak ko kaya kailangan ay h’wag mamroblema sa mga bagay na ganiyan,” magiliw na sambit ng ama.
Agad nagbigay si Mang Rene ng kailangang pera sa kaniyang anak.
Kinabukasan sa eskwelahan ay sinalubong si Mandy ng kaniyang mga barkada.
“Ano? Kumusta? Sasama ka ba sa amin mamaya sa inuman?” tanong ng kaibigan ng dalaga.
“Ako pa ba ang mawawala? Nakapagpaalam na rin ako sa mga magulang ko. Sabi ko ay bukas na ako uuwi. Hindi na ako makapaghintay pa! Tiyak ko ay masaya ang inuman mamaya. Lahat ba ay dadalo?” pahayag ni Mandy.
“Aba, siyempre. Kung hindi ka na makapaghintay ay ‘wag na tayong pumasok. Dumeretso na tayo sa inuman. May mga iba pang kasama ang ilang tropa. Mamaya ay may ipapakilala kami sa iyo,” saad ng babae.
Hindi na pumasok pa si Mandy at tuluyang sumama na sa kaibigan.
Habang halos hatiin na ng ama ang kaniyang katawan sa iba’t ibang trabahong pinasukan ay heto naman si Mandy at walang ginawa kung hindi makipagsaya sa kaniyang mga kaibigan.
Langong-lango sa alak si Mandy hanggang sa hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari. Nang magising siya kinabuksan ay wala na siyang saplot. Agad siyang nagbihis at umuwi sa kanilang bahay.
“Ano kaya ang nangyari sa akin kagabi? Ni hindi rin sinasagot ng mga kaibigan ko ang tawag ko sa kanila,” pag-aalala niya sa sarili.
Nang makauwi sa bahay ay naroon ang kaniyang ina na ipinagluto siya ng paborito niyang piritong manok.
“Alam kong napuyat ka kakaaral, anak. Tara na at kumain na tayo,” paanyaya ng ina.
“Asan po si tatay?” pagtataka ni Mandy.
“Hindi tayo masasaluhan ng tatay mo ngayon kasi dumeretso na siya sa construction site pagkagaling sa punduhan. Nag-aalala nga ako at baka mamaya ay bumigay ang katawan niya. Pero hindi mo naman mapagsabihan at nag-aalala siya baka mamaya ay magipit tayo at mamroblema sa pag-aaral mo. Alam mo naman ang tatay mo basta sa pag-aaral mo,” pahayag pa ni Aling Rosa.
Medyo natigilan si Mandy sa sinabi ng kaniyang ina. Nakukunsensya siya kaniyang ginagawa. Hindi tama na sinisira niya ang tiwala sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Sa puntong iyon ay nagdesisyon siya na kailanman ay hindi na sasama sa mga barkada at itutuwid na ang kaniyang pag-aaral.
Ngunit kinabuksan ay usap-usapan si Mandy sa kanilang paaralan. Lahat ay nakatingin sa kaniya at nagbubulungan.
‘A-anong nangyayari drto?” tanong ng dalaga sa kaniyang kaklase.
“Mandy, pinagkakaguluhan nila ang bidyo mo. Hindi ko alam kung paano kumalat pero mala*swa ang nasa bidyo,” tugon ng kaklase.
Agad niyang naalala ang gabi ng inuman. Nang makita niya ang bidyo ay lubos ang kahihiyan na kaniyang nadarama. Nanlalambot ang kaniyang mga tuhod habang napapanood niya kung paano siya pinagsamantalahan ng grupo ng kalalakihan.
Ang iba dito ay hindi niya kilala at ang iba naman ay ang mga tinuturing niyang kaibigan. Hindi niya alam kung paano ito sasabihin sa kaniyang mga magulang. Alam niyang hindi makakayanan ng mga ito ang nangyari sa kaniya.
Ilang araw na itinago ng dalaga sa kaniyang sarili ang nangyari.
Samanatala, habang nasa construction site si Mang Rene ay natawag ang kaniyang pansin ng nag-uumpukang kasamahan.
“Ano na naman ‘yang pinagkakaguluhan niyo?” tanong ng ginoo.
“Naku, itong isang kasamahan natin nagpasa ng malas*wang bidyo. Pagkakita namin ay kawawang babaeng pinagsasamantalahan pala. Siguro ay kolehiya ang babaeng nasa bidyo!” saad ng isang lalaki.
Hindi alam ni Mang Mando kung bakit bigla na lang siyang kinabahan nang marinig niya na isang kolehiyala ang nasa bidyo. Nang mapanood niya ang naturang bidyo ay laking gulat niya nang makita na ang kaisa-isang anak ang pinagsasamantalahan doon.
Nanlambot ang kaniyang mga tuhod at sumikip ang dibdib. Pagkatapos ay bigla na lamang nawalan ng malay ang ama.
Mabuti na lamang ay agad na naisugod si Mang Rene sa ospital.
“Anak, bakit hindi mo sinabi sa amin ang nangyari?” saad ni Mang Rene sa anak nang makita ito.
Hindi na napigilan pa ni Mandy ang lumuha.
“Patawad po, tatay. Hindi ko po kasi alam kung paano po sasabihin sa ito ang matinding kahihiyan na ito. Kasalanan ko rin po kasi dahil sumama ako sa kanila. Hindi ko po alam na ganiyan ang gagawin nila sa akin! Patawarin niyo po ako!” pagsusumamo ng anak.
Nang bumuti na ang kalagayan ni Mang Rene ay agad silang nagsampa ng kaso laban sa mga lalaking nanamantala sa dalaga. Ang masakit pa kay Mandy ay ang malaman na ang mismong kaibigan pala ang nagpakalat ng kaniyang bidyo.
“Nanay, tatay patawarin po ninyo ako sa lahat ng ginawa kong mali. Hindi ko pinahalagahan ang mga sakripisyo ninyo sa akin. Pangako po sa pagkakataong ito ay gagawin ko na po kung ano ang tama,” pagtangis ng Mandy.
“Alam mo, anak. Wala namang magulang na nakatitiis sa kanilang anak. Ang mga anak lang talaga ang kayang gumawa ng ganoon sa kanilang magulang,” sambit ni Mang Rene.
“Hindi naman kami galit sa iyo ng nanay mo. Pero hindi ibig sabihin noon ay sang-ayon kami sa ginawa mo. Pinapatawad ka na namin. Alam naming mabait kang bata at matalino. At naniniwala kami ng nanay mo na sa pagkakataong ito ay babangon ka mula sa pagkakadapa mo,” dagdag pa ng ama.
Isang yakap na mahigpit bilang pasasalamat ang naitugon ni Mandy sa kaniyang mga magulang.
Simula ng araw na iyon ay itinama na ni Mandy ang kaniyang landas. Nangako siya sa kaniyang sarili na hindi na susuway pa sa kaniyang mga magulang at hindi na niya sisirain ang tiwala ng mga ito. Pinagbutihan niya ang kaniyang pag-aaral at nagtapos siya ng may karangalan.
Lubos na ipinagmamalaki ni mang Rene at Aling Rosa ang kanilang anak. Ibinaon na nila sa nakaraan ang mga nangyari at buong pag-asa nilang hinarap ang kinabukasan.