Inagaw ng Isang Babae ang Asawa ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Ito ang Ganti ng Kapalaran sa Dalawang Traydor

Inagaw ng Isang Babae ang Asawa ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Ito ang Ganti ng Kapalaran sa Dalawang Traydor

HeartbreakingKarmaStories

“Sa tingin mo ba, bes, maibibigay ko pa ang gusto ng asawa ko? Ilang taon na rin kaming sumusubok ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin kaming anak,” sambit ni Kath sa kaniyang matalik na kaibigang si Gracie. 

“Alam mo kung mahal ka talaga ng asawa mo ay tatanggapin niya ang mga bagay na hindi mo maibigay. O kaya kung gusto niyo talaga ay bakit hindi na lang kayo mag-ampon?” pahayag naman ng kaibigan. 

“Naisip na rin namin ‘yan, bes. Pero iba kasi kapag sarili mong anak, ‘di ba? Saka gusto ko rin maranasan ang mabuntis. Hindi ko nga alam kung bakit hanggang ngayon ay hindi ako mabuntis. Sana ay magka-anak na kami ni Rudy,” wika pa ni Kath. 

Tatlong taon na kasing kasal sina Rudy at Kath ngunit hindi pa rin sila binibiyayaan ng anak. Nais sana ni Kath na tuparin na ang pangarap ng mister na magkaroon ng sumpling ngunit kahit ano ang kanilang gawin ay hindi magdalantao ang ginang. Dahilan ito para manlamig ang kaniyang asawa. 

Ang lahat ng sama ng loob na nararanasan si Kath ay sinasabi niya sa kaniyang matalik na kaibigang si Gracie. Ang hindi alam ng ginang ay matindi ang pagnanasa ng kaniyang matalik na kaibigan sa kaniyang asawa. Sa katunayan ay hindi alam ni Kath na mayroong nakaraan itong si Rudy at si Gracie. 

“Kung ako rin sa iyo, Kath, at nararamdaman mong hindi ka na mahal ng asawa mo ay makikipaghiwalay na ako. Hindi ko na ipagsisiksikan ang sarili ko. Aba, maraming ibang lalaki diyan na kaya ka pang tanggapin. Hindi ‘yung ganiyang may pagkukulang ka lang, aayawan ka na,” sulsol ni Gracie. 

“Hindi ganoong kadali iyon, bes. Lalo na at mahal na mahal ko ang asawa ko. Kung p’wede nga lang at ako ang masusunod ay bibigay ko ang lahat ng anak na gusto niya. Kahit ilan pa,” wika pa ng ginang. 

“Kaso nga hindi mo kaya, bes,” saad ng kaibigan. 

Alam na alam ni Gracie ang kahinaan ni Rudy at matagal na niyang pinaplano ang pang-aagaw sa asawa ng kaibigan. Nang magkaroon siya ng tiyempo ay agad niyang inakit si Rudy. 

“Ako na lang ang mahalin mo, Rudy. Kayang-kaya kitang bigyan ng anak,” saad ni Gracie sa asawa ng kaibigan. 

“Hindi ko maintindihan kung bakit mo sinasabi ang lahat ng iyan sa akin. Hindi ba matalik kang kaibigan ng asawa ko?” wika naman ng ginoo. 

“Oo, pero naaawa na kasi ako sa iyo. Ang tagal niyo na pero hindi ka niya magawang mapasaya. Kung sa akin ka ay makakayanan kong ibigay ang kaligayahan mo. Kahit ilang anak, Rudy, ay kaya ko. Hindi naman niya kailangang malaman ang lahat ng ito,” giit ni Gracie. 

Dahil lalaki at mahina si Rudy ay mabilis siyang nahulog sa bitag ni Gracie. Ginawa nila ang hindi dapat lingid sa kaalaman ng kawawang si Kath. 

Hindi nagtagal ay nabuntis nga si Gracie. Dahil alam niyang ito na ang kaniyang sandata para tuluyang maagaw si Rudy. Nang malaman din ni Rudy na nagdadalang tao si Gracie ay agad niyang pinalayas si Kath sa bahay. 

“Wala ka nang silbi pa sa akin. Hindi ikaw ang babaeng tutupad ng gusto ko, Kath. Umalis ka na rito!” pagpapalayas ni Rudy sa asawa. 

“Ganoon na lang ba ang lahat ng ‘yon, Rudy? Ipagpapalit mo na lang ang lahat ng pinagsamahan natin dahil lang sa pagkukulang ko? Nasaan na ang lahat ng ipinangako mo sa akin noong inaya mo akong magpakasal?” lumuluhang pahayag ni Kath. 

“Narinig mo si Rudy, Kath. Malaya ka nang umalis sa bahay na ito. Marami namang iba d’yan. Malay mo ay may tumanggap pang lalaki sa iyo. Isang babaeng inutil ang matres,” wika naman ni Gracie. 

“Ang kapal ng mukha mo! Itinuring kitang kapatid. Ikaw ang nakakaalam ng lahat ng sikreto ko pero ganito ang ginawa mo sa akin! Sana ay hindi kayo makarma at sana nga ay maging masama kayo sa lahat ng ginawa niyong ito sa akin,” pagtangis ng ginang. 

Pinagtabuyan ng dalawa si Kath hanggang sa umalis ang kawawang ginang. 

Pilit na binangon naman ni Kath ang kaniyang sarili at hindi niya hinayaang malugmok sa ginawang pagtataksil sa kaniya ng asawa at ng kaibigan. 

Lubos naman ang saya ni Gracie at Rudy sapagkat magkakaroon na sila ng anak. Ngunit tila maselan ang pagbubuntis ng kalaguyo dahil madalas ang pagsakit ng puson nito. Nang hindi na niya makayanan pa ang sakit ay kumonsulta na sila sa doktor.

Doon ay natuklasang wala pa lang lamang sanggol ang sinapupunan ni Gracie kung hindi ito ay may malalang sakit. Sa laki ng bukol sa kaniyang matres ay kailangan na itong tanggalin agad-agad. 

Labis na ikinaguho ng mundo ni Gracie ito sapagkat hindi na rin pala niya magagawa pang bigyan ng anak si Rudy. Habang si Rudy naman ay matindi ang pagsisisi sa pag-iwan pa niya sa asawa. 

Makalipas ang ilang taon ay naghiwalay rin si Gracie at si Rudy. Naging miserable ang buhay ni Gracie simula nang iwan siya ng ginoo. Hindi kasi magawang mahalin ni Rudy ang kabit sapagkat may kakulangan din ito. 

Nang magkita si Rudy at Kath ay laking saya ng ginoo dahil nais niyang makipagbalikan sa dating asawa. Ngunit nang tangka niyang kakausapin si Kath ay bigla na lamang may batang tumakbo sa paligid nito kasunod ang isang matipunong lalaking agad na humalik kay Kath. 

Habang tinitingnan ni Rudy mula sa malayo ang masayang pamilya ni Kath ay napagtanto niya ang lahat ng nawala sa kaniya. Labis ang kaniyang pagsisisi kung bakit siya nagpabuyo sa mga pang-aakit ni Gracie. 

“Kung hindi ko siya iniwan ay marahil ay ako sana ang lalaking iyon na masayang-masaya habang hinahagkan si Kath at ang kanilang mga anak,” sambit na lamang ni Rudy sa sarili. 

More Stories