Inday TrendingInday Trending
Madalas Mawalan ng Gamit ang Dalagang ito sa Inuupahang Kwarto, Nagalit ang Kaniyang Kasamahan nang Tanungin Niya Ito

Madalas Mawalan ng Gamit ang Dalagang ito sa Inuupahang Kwarto, Nagalit ang Kaniyang Kasamahan nang Tanungin Niya Ito

“Ate, nakita mo ba ‘yong iniwan kong pera rito sa ibabaw ng lamesa ko? Kakalapag ko lang kasi rito, eh, bumili lang ako saglit ng de lata sa labas, pagkabalik ko, wala na agad ‘yong pera ko,” wika ni Isha sa kaniyang kasama sa silid habang ito’y abala sa pag-aayos ng kama, isang umaga matapos niyang bumalik galing tindahan.

“Aba, malay ko, Emma! Pinagbibintangan mo ba ako, ha?” galit na tanong nito saka pumamewang sa harap niya.

“Ay, hindi po, ate, tinatanong ko lang naman po baka napansin niyo po,” magalang niyang tugon habang hinahanap ang nawawala niyang pera sa ilalim ng kaniyang kama.

“Anong hindi? Eh, tayo lang naman ang magkasama sa kwartong ‘to! Sino pa ang pwede mong pagbintangan, ha?” sigaw nito dahilan upang bahagya na siyang kabahan.

“Hindi po talaga, ate, natanong ko lang naman po,” paliwanag niya ngunit imbis na kumalma, lalo pa itong nagalit sa kaniya.

“Naku, alam mo, kung ayaw mong may mawala sa’yo, mag-imis ka ng gamit mo! Hindi ‘yong nakakalat kung saan-saan ang mga gamit mo! Tapos kapag nawala, magbibintang ka! Kung hindi mo naman kayang maging maimis sa gamit, humanap ka na ng ibang matutulugan! Ayoko nang may kasama sa kwarto na bintangera!” bulyaw nito sa kaniya habang padabog na inaayos ang higaan at dahil ayaw niyang masaktan, dali-dali niyang kinuha ang kaniyang bag at minabuting umalis muna.

Nangungupahan lamang sa isang dorm sa Maynila ang dalagang si Isha. Dahil nga tubong Cavite at walang sariling bahay malapit sa kaniyang kumpanyang pinagtatrababuhan, napilitan siyang mangupahan kahit lingid sa kaniyang kagustuhan dahil siya’y may pagkaburara.

Laking tuwa niya dahil nakatiyempo siya ng isang silid na wala pa ni isang nangungupahan dahilan upang payapa siyang mamuhay dito nang humigit kumulang limang buwan habang abala sa kaniyang trabaho.

Ngunit nitong nakaraang buwan lamang, may isang babaeng halos limang taon ang tanda sa kaniya ang nangupahan. Sa makatuwid, naging kasama niya ito sa iisang kwarto.

Naging maayos naman ang pakikisama niya rito. Sa katunayan, binibigyan niya pa ito ng makakain sa tuwing dumadaing ito ng gutom, minsan pa, pinapagamit niya rin ito ng kaniyang mga personal na gamit katulad ng suklay, make-up at pabango.

Wala naman talaga itong problema sa kaniya noong una, ngunit nang mapansin niyang kada hihiram ito ng gamit sa kaniya, lalo na ang kaniyang make-up, madalas na may nawawala o kulang tuwing isasauli na ito sa kaniya at sa tuwing hahanapin na niya, magagalit ito at sasabing, “Huwag mo akong pagbintangan, Isha!” dahilan upang palampasin niya na lamang ang pagkawala ng mga gamit niya.

Ngunit nitong mga nakaraang araw, napansin niyang ang mga baryang iniiwan niya lang sa kaniyang lamesa, lahat ay nasimot. Pilit niyang inaalala kung kinuha niya ba ang mga ito, ngunit hindi talaga dahil ayaw niyang may barya sa bulsa o bag dahil ito’y mabigat.

Noong araw na ‘yon, halos limang daang piso ang nawala sa lamesa niya dahilan upang labis na siyang magtaka at tuluyang magtanong sa kasamahan ngunit ito’y nagalit pa dahilan upang siya’y umiwas muna.

Pagkauwi niya, hindi niya inakalang mga galit na nangungupahan sa gusaling iyon ang bubungad sa kaniya at doon niya napag-alamanang tsinismis na pala siya ng naturang dalaga.

“Akala ko pa naman mabait ka, Isha, burara ka na nga, bintangera ka pa!” sigaw ng isang dalaga mula sa katapat nilang silid dahilan upang magtawanan ang ibang nangungupahan doon at siya’y mabilis na pumasok sa tinutuluyang kwarto.

Doon niya napag-isip-isip na umalis na sa kwartong iyon. ‘Ika niya, “Mas mabuti nang maghanap na lang ako ng bagong matutuluyan kaysa maubos ang gamit ko at masira ako sa mga tao.”

Sa kabutihang palad, tinulungan siyang maghanap ng bagong matutuluyan ng kaniyang boss at maswerte siyang nakatagpo ng isang upahan sa tapat ng kanilang kumpanya. Bilin nito, “Bukod sa pakikisama ng ayos, dapat matuto ka ring maging masinop, para walang aberyang mangyari sa’yo,” dahilan upang mangako siya sa sarili na pipilitin niyang maging masinop.

Ilang buwan pa ang lumipas, nakatanggap siya ng balitang ang babaeng kasama niya sa silid ay sapilitang pinalayas ng may-ari ng paupahang tinutuluyan nila noon. Ito ay dahil bukod sa hindi ito nagbabayad ng upa, halos lahat ng mga tao roon, nakuhanan na nito ng gamit at ibinebenta sa bangketa dahilan upang siya’y mapailing na lang at mapasabing, “Buti pala umalis na ako roon!”

Advertisement