Inday TrendingInday Trending
Sinabunutan ng Isang Ginang ang Babaeng Nakasabay Kumain ng Kaniyang Asawa, Kahihiyan ang Inabot Niya

Sinabunutan ng Isang Ginang ang Babaeng Nakasabay Kumain ng Kaniyang Asawa, Kahihiyan ang Inabot Niya

“Aba, sa wakas, umuwi rin ang buhay binatang asawa ko! Alam mo ba kung anong oras na? Alas diyes na po ng gabi, mister! Hindi ba’t alas singko ang uwi mo? Tapos, ni isang mensahe, wala kang ipinadala sa akin para hindi na kita hinintay!” bulyaw ni Jopay sa kaniyang asawa, isang gabi nang umuwi ng wala sa oras ang asawa.

“Pasensiya na, mahal, hindi na ako na ako nakapagpaalam sa’yo. Wala akong dalang selpon, eh, hindi ba’t sira ang selpon ko? Hindi ko naman saulado ang numero mo para mapadalhan kita ng mensahe gamit ang selpon ng katrabaho ko,” paliwanag nito habang hinuhubad ang kaniyang unipormeng suot saka nagtungo sa kusina.

“Ayan na naman tayo sa mga palusot mo, eh! Hindi ba’t binigyan na kita ng papel na may numero ko?” galit niyang sambit dahilan upang mapakapa sa bulsa ang asawa.

“Ay, oo nga pala, ano? Nawala na isip ko, eh,” kamot-ulong sagot nito saka kinuha ang piraso ng isang papel sa bulsa saka ininom ang kinuhang tubig.

“Ang sabihin mo, may ginagawa ka lang talagang kalokohan! Hindi ka makuntento sa amin ng anak mo! Sino ‘yang babae mo, ha? Kakalbuhin ko ‘yan sa harap mo…” bunganga niya rito dahilan upang bigla itong lumabas ng kanilang bahay, “Hoy, saan ka pupunta, ha?” sigaw niya rito nang makitang lumabas ito ng kanilang gate.

Simula nang magtrabaho ang asawa ng ginang na si Jopay sa isang kumpanya, palagi na siyang naghihinala rito. Bukod kasi sa palagi na lang gabi kung umuwi ang kaniyang asawa nang hindi man lang ito nagpapaalam sa kaniya dahil sa napakaraming dahilang sinasabi nito, labis niya pang pinagtataka ang baba ng sahod na binibigay nito sa kaniya.

Kumbinsihin man niya ang sarili na hindi totoo ang kaniyang mga paghihinala at mga napapansin dahil alam niya kung gaano siya kamahal ng kaniyang asawa noong sila’y nagtitinda pa lamang ng meryenda sa harapan ng isang eskwelahan, hindi niya maalis sa isip ang pangambang baka totoo na ang kaniyang mga paghihinala at iwan sila nito ng kaniyang anak.

Lalo pang lumala ang paghihinala niya rito dahil ngayong buwan, halos araw-araw na tatlo o apat na oras na huli sa pag-uwi ang kaniyang asawa at ang mga rason nito, hindi na talaga kapani-paniwala.

Noong gabing iyon, nang biglang umalis ang kaniyang asawa habang binubungangaan niya, agad siyang nagsuot ng tsinelas upang ito’y sundan.

Nakita niyang pumasok ito sa isang kainan dahilan upang matiyagan niya ito habang nagtatago sa isang sasakyan sa harapan ng naturang kainan.

Kitang-kita niyang kung paano nakisalo ang kaniyang asawa sa isang babaeng naghihintay doon habang bitbit-bitbit nito pagkaing kinuha mula sa counter dahilan upang labis siyang manggigil.

“Sabi na nga ba’t tama ang hinala ko!” nanginginig niyang sambit saka nagmadaling pumasok sa naturang kainan.

Dali-dali siyang nagtungo sa lamesa ng dalawa saka niya agad na hinablot ang buhok ng naturang babae at sumigaw ng, “Nakikita niyo ba ang babaeng ito? Ito ang kabit ng asawa ko!” dahilan upang mataranta ang kaniyang asawa at siya’y awatin habang pilit na kumakawala sa kaniya ang naturang babae.

“Mahal ko, nakiupo lang ako, hindi ko kilala ‘yang babaeng ‘yan! Kita mo, o, wala nang mauupuan dito!” sabi nito habang siya’y inaawat.

“At magdadahilan ka na naman, ha? Huling-huli ka na! Bakit ka kakain dito ng dis oras ng gabi habang nag-aaway tayo sa bahay, ha?” sigaw niya rito dahilan upang makiawat na rin ang ibang kumakain doon.

“Wala naman kasi tayong pagkain, mahal, wala akong lakas na magpaliwanag sa’yo. Pagod ako sa trabaho, tapos uuwi akong bunganga mo ang sasalubong sa akin at wala kahit tutong na kanin. Bitawan mo na siya, nakakahiya na,” nakatungong wika ng kaniyang asawa dahil sa kahihiyan at doon niya napagtantong pati pala siya hindi pa nakain dahil sa labis na pag-iisip sa asawa.

Bukod pa roon, napagtanto niyang naiwan niyang natutulog ang isang taong gulang nilang anak dahilan upang kumaripas siya ng takbo habang labis na humihingi ng tawad ang kaniyang asawa sa mga tao roon, lalo na sa babaeng nasaktan niya. Kahihiyan at labis na inis sa sarili ang kaniyang nararamdaman habang siya’y tumatakbo pauwi sa kanila.

Sa kabutihang palad, mahimbing pa ring natutulog ang kanilang anak dahilan upang agad siyang magsaing at maghanda ng lulutuin niyang ulam upang makabawi sa kahihiyang binigay sa asawa.

Maya maya pa, dumating na ang kaniyang asawa, lugmok na lugmok nitong binagsak ang katawan sa sofa kaya naman agad niya itong pinuntahan at siya’y humingi ng tawad.

“Sa susunod, maniwala ka sa’kin, Jopay. Araw-araw akong pagod at aligaga sa trabaho kaya madalas, nakakalimutan kong magpaalam sa’yo. Pasensiya ka na, pero maniwala ka, hindi ko kayo kayang iwan o ipagpalit ni bunso,” hikbi nito sa kaniya dahilan upang yakapin niya itong maigi.

Advertisement