Nagpatulong sa Kaniya sa Panliligaw ang Matalik Niyang Kaibigan; Nagulat Siya nang Malamang Iisa pala ang Babaeng Napupusuan Nila

Binulabog ng sunod-sunod na pagtunog ng doorbell ang masarap at mahimbing noong pagtulog ng binatang si Clark. Mag-isa lang siya sa kaniyang tinutuluyang condo unit na ipinagamit sa kaniya ng kaniyang matalik na kaibigang si Andrew, kaya naman napilitan siyang tumayo sa kaniyang kinahihigaan upang pagbuksan ng pintuan ang kung sino mang nasa labas ng kaniyang tinutuluyan.

Sa pagmamadali’y pupungas-pungas na lamang si Clark sa kaniyang mga mata nang pagbuksan niya ang kaniyang panauhin. Doon niya nalamang si Andrew pala ang kaniyang bisita.

“O, pare! Himala’t ang aga pa, pero nandito ka na?” nabibiglang ani Clark sa kaibigan.

“Nandito ako para manligaw, pare. Tulungan mo naman ako, o! Dito kasi nakatira sa building na ito ’yong babaeng napupusuan ko, e,” sagot naman ni Andrew sa kaniya. Agad na dumako ang tingin ni Clark sa hawak nitong bungkos ng mga bulaklak at mga mamahaling tsokolate.

Napangisi si Clark. “Aba, nagbibinata na itong best friend ko, a! O siya, tara. Pumasok ka muna nang makapagbihis ako. Gagawan natin ng paraang makilala mo si Miss Right!” pabiro pang aniya saka niluwangan ang pagkakabukas ng pintuan upang makapasok ang kaibigan na siyang may-ari ng naturang condo unit.

Naligo muna si Clark at nagbihis bago niya inaya si Andrew na puntahan na nila ang babaeng sinasabi nito. Ngunit ganoon na lang ang pagkagimbal ng binata nang malaman niya kung sino ang babaeng iniibig ng kaibigan.

Si Daphne! Ang babaeng magdadalawang taon na rin niyang hinahangaan at minamahal sa malayo dahil natatakot siyang kausapin ito!

Gulat na gulat si Clark. Halos hindi siya agad nakapagsalita nang lumabas si Daphne sa pintuan nito at tinanong kung sino sila. Pagkatapos ay nakilala nito si Andrew na narerekognisa nitong may-ari ng coffee shop na paborito raw puntahan ng dalaga.

Advertisement

Pakiramdam ni Clark ay tinarakan ng milyon-milyong karayom ang kaniyang puso. Napakasakit na agad niyang napansin ang malagkit na tinginan ng dalawa lalo na nang malaman ni Daphne na balak siyang ligawan ni Andrew.

“Sa totoo lang, hindi ko alam kung papaano kita lalapitan kaya kinailangan ko ng moral support mula rito sa best friend kong si Clark, e,” nahihiyang pag-amin ni Andrew sa dalaga na agad namang pinamulahan ng mga pisngi.

“Salamat sa flowers and chocolates, ha?” tila kinikilig namang sagot ni Daphne.

Ramdam ni Clark sa kaniyang sarili na totoong may paghanga rin ang dalaga sa kaniyang matalik na kaibigang si Andrew. Paano’y ni hindi siya nito pinapansin. Kung pagandahang lalaki lang ay lamang na lamang naman si Clark kay Andrew ngunit hindi iyon alintana ng dalaga. Tila si Andrew lang ang nakikita nito.

Matapos mag-usap ng dalawa, na nauwi sa pagiging opisyal ng panliligaw ni Andrew kay Daphne ay dumiretso ulit silang magkaibigan sa condo unit. Tila nakokonsensya si Clark na maglihim sa kaniyang best friend.

“Pare, pasensya ka na… pero tingin ko, dapat mong malaman ’to…” Huminga nang malalim si Clark. “Pare, si Daphne ’yong babaeng ikinukuwento ko sa ’yo noon pa. Siya ang babaeng minamahal ko sa malayo sa loob ng dalawang taon.”

Nanlaki ang mga mata ni Andrew sa narinig mula sa kaniya at biglang bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. “P-pare, sorry! Hindi ko sinasad—”

Ngunit pinutol ni Clark ang sana’y sasabihin ng kaibigan sa pamamagitan ng isang ngiti at tapik sa balikat. “Wala kang kasalanan, pare. Alam kong talo ako, dahil halata naman sa mga mata ni Daphne na gusto ka rin niya. Wala akong balak na makipagkompitensya sa ’yo, pare, hindi lang dahil malaki ang utang na loob ko sa ’yo, kundi dahil na rin sa itinuturing na kitang kakampi. Marami pang babae d’yan, pare. Pero wala na akong mahahanap na kaibigang katulad mo. Kaya susuportahan kita.”

Advertisement

Totoo ang sinabi ni Clark sa kaibigan. Mahal niya si Daphne ngunit mas mahalaga ang pagkakaibigan nila ni Andrew. Hindi kailan man maipagpapalit sa anuman ang samahang nabuo nila simula pa lang noong sila ay mga bata pa. Kaya naman simula noon ay minabuti na ni Clark na ibaling sa iba ang kaniyang atensyon.

Kalaunan ay hindi rin naman nagtagal ang relasyon ni Daphne at Andrew. Marami kasi silang pagkakaiba at hindi pinagkakasunduan. At nang maghiwalay ang mga ito ay nagsimulang magbigay ng motibo kay Clark ang dalaga. Ganoon pa man ay pinili ni Clark na hindi na lamang ito pansinin bilang respeto sa pagkakaibigan nila ni Andrew.