Ipinagtapat ng Kaniyang Kinilalang Ina ang Katotohanang Siya ay Isang Ampon Lamang; Babaguhin Pala Nito ang Pakikitungo Nila sa Isa’t Isa

“M-mama?”

Nagdadalawang-isip pa si Gabby nang siya ay sumilip sa pintuan ng kwarto ng kaniyang ina. Paano’y natatakot siyang mapagalitan na naman nito, lalo pa at alam niyang kailangan nito ng dobleng pahinga ngayon.

Ngunit oras na ng pag-inom nito ng gamot, dahil sa hindi na niya mabilang na pagkakataon ay muli na namang nakunan ang kaniyang mama. Ang sabi ng doktor ay talagang hindi na raw nito kakayaning magbuntis dahil manipis na raw ang m@tres nito.

“Ikaw ba ’yan, Gabby? Pumasok ka,” sagot naman sa kaniya ng kaniyang ina.

“Mama, oras na po para uminom ng gamot,” ani Gab sa ina ngunit hindi nito iyon pinansin. Bagkus ay itinaas nito ang kaniyang kamay at sumenyas upang palapitin siya.

“May sasabihin ako sa ’yo, anak,” ani Aling Dolores sa sampung taong gulang noong si Gabby.

Bahagyang ikinagulat naman ng bata ang pagtawag sa kaniya nito ng ‘anak’ dahil hindi naman siya nito madalas na tinatawag nang ganoon. Sa totoo lang ay hindi maganda ang samahan ng mag-ina. Istrikta kasi si Aling Dolores at palagi nitong pinupuna si Gabby lalo na sa tuwing magkakamali ito, kahit na katiting lang. Hindi naman ito nananakit, ngunit titig pa lamang nito ay nanginginig na agad ang tuhod ng bata.

“A-ano po ’yon, mama?” kinakabahang tanong muli ni Gabby sa kaniyang ina. Iniisip kung siya ba ay may nagawang kasalanan ngayong araw. Bukod sa ayaw niyang mapagalitan siya ng ina, ayaw niya rin naman na makadagdag pa siya sa stress na iniinda nito ngayon.

Advertisement

“Maupo ka rito sa tabi ko, Gabby, anak.” Malambing ang tinig ni Aling Dolores, bagay na talagang kaiba sa natural nitong pakikitungo sa kaniya.

“Gabby, gusto kong habang maaga, malaman mo ito mula mismo sa bibig ko. Ayokong sa ibang tao pa ito manggaling…” Sandali itong bumuntong-hininga bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Alam mo naman na hindi ko kayang magkaanak, hindi ba?” Isang tango ang itinugon naman ni Gabby rito.

“Bago ka pa dumating ay matagal na naming hinihiling ng papa mo na magkaroon kami ng sariling anak, ngunit hindi talaga kami nabibiyayaan. Kaya naman nang minsang lumapit sa akin ang pinsan kong si Helga, at inalok niyang ampunin kita ay pinatos ko na…”

Napasinghap si Gabby sa kaniyang narinig. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Gusto niyang magtanong ngunit walang tinig na lumalabas sa kaniyang bibig.

Mabuti na lamang, kahit hindi siya magsalita ay tila naiintindihan naman ng kaniyang kinilalang ina ang nais niyang sabihin.

“Oo, anak, hindi kami ang tunay mong mga magulang,” pagkukumpirma nito. “Ganoon pa man, huwag kang malungkot dahil kadugo pa rin naman kita. Anak ka ng pinsan kong si Helga at nabuntis siya ng kaniyang nobyo na hindi rin naman siya pinanagutan. May sakit nang mga panahong iyon ang ’yong ina kaya naman nang maramdaman niyang hindi na siya magtatagal ay nagpasya na siyang ipaubaya sa akin ang pangangalaga sa ’yo. Iyon ang dahilan kung bakit napakahigpit ko sa ’yo, Gabby, anak. Gusto ko sanang tandaan mo na kahit hindi ka sa akin nanggaling ay mahal pa rin kita. Mahal ka namin ng papa mo,” lumuluhang pagpapaliwanag pa ni Aling Dolores kaya naman hindi na rin napigilan pa ni Gabby na mapaiyak.

Ngunit niyakap niya ito. “Mama, thank you po. Mahal ko rin po kayo. Salamat po sa pagpaparamdam sa akin kung paano magkapamilya!” umiiyak na anang bata na lalo namang nakapagpalakas sa hagulhol ni Aling Dolores.

Simula nang araw na ’yon, tila mas lalong naging malapit sa isa’t isa ang mag-ina na talaga ikinatuwa ng padre de pamilya. Nabawasan na kasi ang pagbubunganga ni Aling Dolores at mas madalas na itong nakangiti, lalo na sa tuwing makikita niya si Gabby. Mas naging bukas ang puso ni Aling Dolores sa pagpaparamdam na mahal niya si Gabby, dahil ayaw niyang dumating ang araw na isipi nitong hindi nila ito minahal dahil nga sa kaniyang pagiging ampon.

Advertisement

Samantala, mas naging bukas naman sa kaniyang mga magulang si Gabby simula nang ipagtapat sa kaniya ng ina ang katotohanan tungkol sa kaniyang pagkatao. Para siyang nagkaroon din ng kaibigan sa katauhan ng mga ito na kumportable niyang mapagkukuwentuhan ng kaniyang mga sikreto, hinanakit, problema, at kasiyahan. Mas naging buklod-buklod ang kanilang pamilya. Marami ang humahanga at naiinggit sa kanilang samahan at dahil iyon sa pagmamahal nila sa isa’t isa.