Nagulat ang Lalaki sa Ugali ng Pamilya ng Mapapangasawa; ‘Di Siya Makapaniwalang Mayroon Pa Rin Palang mga Taong Ganoon
“Oo, nandito kami sa harapan ng airport, susunduin ka namin,” masayang sabi ni Mina, ang babaeng mapapangasawa ni Lorenz sa susunod na linggo. Magkahalong kaba at pagkasabik ang naramdaman niya na ngayon ay magkikita na sila. Kinailangan niya kasing tumira sa ibang bansa ng anim na buwan para sa kaniyang trabaho roon. Sa pag-uwi niya, magkakatagpo ulit sila ng pamilya ni Mina. Sa pagliligawan nila noon ay ang ina lang nito ang lagi niyang nakakahalubilo, ngunit sa pagkakataong ito ay doon siya tutuloy ng dalawang araw sa probinsya ng mga ito upang opisyal na hingin ang kamay ng dalaga.
Agad siyang nagmano sa ama at ina ni Mina pagkakakita sa mga ito, saka niyakap ang nobya. Nag-aalangan siya dahil wala siya masyadong naiuwing pasalubong dahil lubos siyang naging abala.
“Ay naku ano ka ba hijo, huwag kang mag-alala, ang pagbisita mo ay sapat na sa pamilya,” sabi nito. Nagkakamot na tumawa naman si Lorenz. Inaasahan niya kasi na katulad ang mga ito ng mga kamag-anak niya na magtatampo dahil wala siyang dalang pasalubong. Paminsan ay parang obligado siyang bigyan ng bagong sapatos, damit, at tsokolate ang mga ito kada makikita niya ang mga ito. Kaya naman ay namangha siya sa ina ni Mina.
Pagdating sa bahay ng mga ito sa probinsya ay sinalubong siya ng yakap at tapik sa balikat ng mga kamag-anak ni Mina. Marami-rami ang mga ito, pero ni isa ay walang nag-usisa sa kaniya kung nasaan ang pasalubong, o kung saan siya galing, kung anong ginagawa niya sa buhay, o tungkol sa kaniyang sahod. Nakita ni Lorenz ang pagkakaiba, sa pamilya kasi nila, kapag kasalo ang mga ito ay walang ibang usapan kung ‘di magkano ang sweldo niya at kung papaaralin niya ba ang mga pamangkin niya. Imbes na ratratin siya ng tanong ay inestima siyang maigi at inutusang matulog at magpahinga muna bago lumabas para maghapunan. Natuwa naman si Lorenz dahil talagang kailangang-kailangan niya niyon.
Kinagabihan ay tinawag siya ni Mang Ambo, ang ama ni Mina. Kinabahan naman siya, ngayon lang niya ito makakausap nang masinsinan. Ayaw niya talaga ng alak ngunit nagdala pa rin siya para sigurado.
“Oh, sabi ni Mina ay hindi ka raw umiinom, aba’t bakit may dala kang wine?” sabi ni Mang Ambo.
Napapahiya namang itinabi ni Lorenz ang wine. Akala niya kasi ay tulad ito ng ibang ama na kailangan ng alak sa mga “usapang lalaki”.
“Hijo, komportable ka ba dito?” tanong nito. Oo naman kaagad ang sagot ni Lorenz saka nagpasalamat.
Advertisement“Nais naming pakitaan ka ng kabutihan dahil magiging pamilya ka na kapag pinakasalan mo ang anak ko. Sana ay ganoong kabutihan din ang ipakita mo sa kaniya. Bilang lalaki, ikaw ang magiging sandalan niya. Huwag kayong matakot humingi ng tulong at nandito lang kami lagi para sa inyo,” sabi ni Mang Ambo sabay tapik ng balikat niya. Lubos siyang nagpapasalamat sa tiwalang binigay nito sa kaniya at nangakong gagawin niya ang nais nito. Mamahalin niya si Mina tulad ng pagmamahal dito ng pamilya nito.
Sa salo-salo ay kitang-kita ni Lorenz ang paggalang at pagmamahalan ng buong pamilya. Ang mga tiyahin ay imbes na mag-usisa ay nagpayo pa sa kanilang dalawa patungkol sa buhay mag-asawa. Ang mga lalaking pinsan at kamag-anak ni Mina ay tuwang-tuwa at nagpakita ng interes sa kaniyang trabaho bilang engineer. Ang iba ay business-minded at ang iba naman ay interesado lang sa masayang usapan. Wala siyang narinig na bastos na pag-uusap, hindi rin paglalango sa alak ang interes ng mga ito. Hindi mapigilan ni Lorenz na magkumpara, sa kanila kasi ay kapag ganitong may mga family reunion ay inggitan, parinigan, o utangan ang ganapan.
Kinabukasan, kinakabahan si Lorenz dahil dadating din ang kaniyang pamilya para magsalo-salo bago ang kasal bukas. Hindi niya maiwasang bantayan ang bawat kilos ng kaniyang ina at mga tiyahin, na alam niyang may pagka-laitera at pintasera. Ngunit pati ang mga ito ay namangha sa magandang ugali at pakikisama ng buong pamilya ni Mina.
“Ang saya silang makitang nagkakasundo, ano?” sabi ni Mina na pumukaw sa atensyon ni Lorenz. Ngumiti siya dito at hinawakan ang kamay nito.
“Tinuro sa akin nina mama at papa na ang pinakamahalagang sangkap sa pagbuo ng masayang pamilya ay pagmamahalan at pagkakaisa. At iyon ang pinakita nila sa akin,” sabi nito.
“Nakakamangha nga sila, Mina. Ngayon mas nasasabik na kong bumuo ng pamilya na katulad ng sa inyo, yung puno ng pagmamahalan,” sabi ni Lorenz.
Kinabukasan, tuluyan nang nag-isang dibdib ang dalawa. Tuwang-tuwa ang lahat at ang pamilya nang dalawa ay nagsalo sa selebrasyon. Manaka-naka ay may naririnig si Lorenz na mga salitang namumuna o namimintas ngunit nabura ang kaniyang mga alalahanin dahil sa sinabi ng asawa.
“Hayaan mo na hon, wala namang perpektong pamilya eh. Huwag mo silang ikahiya, tanggap na tanggap ko sila,” sabi nito. Doon lang napagtanto ni Lorenz ang katotohanan. Oo nga ‘no? Bakit tila kinakahiya niya ang pamilya? Kahit naman ganoon ang mga iyon ay inaruga at minahal pa rin naman siya ng mga ito sa paraang alam ng mga ito. Nagpapasalamat talaga siya sa asawa. Ito ang magiging perpektong ilaw sa tahanan na nais niyang buuin simula sa araw na iyon.