Nadala na sa Relasyong Walang Kasal ang Babaeng Ito; Kasal Nga ba ang Susi sa Matibay na Pagsasama?

Sabik si Ameh na lumipat ng bahay matapos nilang makaipon ni Almond ng sapat na pera para humiwalay na sa pamilya ng lalaki. Nahihirapan kasi siyang makisama sa mga magulang lalo na sa nanay ni Almond. Lahat na lang kasi ay pinapakialaman nito pati na buhay nilang mag-asawa. Kaya para wala nang away, nagsarili na sila ng bahay. 

Maganda ang nakuhang paupahan ng mag-asawa. Sabik siyang lagyan ng dekorasyon ang buong bahay at magluto sa magandang kusina nila. Marami siyang plano na masaya niyang inihayag sa kaniyang asawa na suportado naman siya.

Sa bawat araw, lagi siyang nagpapapunta ng kaibigang babae para tulungan siya sa pagdidisenyo ng kanilang bahay. Kahalili niya rin kasi ito sa pagbili ng mga gamit sa bahay at gamit ng kanilang sanggol na anak. Dito rin niya inilalabas ang mga sama ng loob niya.

Kada araw rin ay walang lumilipas na gabi na hindi niya nababanggit kay Almond ang pagpapakasal. Pangalawang asawa na kasi niya ito. Ang una ay iniwan siya at sumama sa ibang babae. Para sa kaniya, wala siyang naging habol dahil hindi naman sila kasal. Ito ang naging aral sa kaniya na kailangang kasal sila para hindi na siya iwan pa. 

Sa tuwing babanggitin niya ang usapang kasal kay Almond, wala itong ibang tugon kundi ¨oo, alam ko, dadating din tayo diyan.¨ Kung minsan pa nga ay kinaiinisan na ito ni Ameh na nagsisimula ng kanilang away. Ayaw na niya kasing maulit ang nangyari sa kaniya noon lalo pa at mayroon na silang anak. Tiyak na mas mahihirapan siya kung mauulit pa ulit ang ginawang pagkawasak sa kaniya noong iniwan siya ng dating kinakasama. 

Isang umaga, nagpupusod pa lamang ng buhok si Ameh nang biglang dumating ang ina ni Almond. Dala nito ang dalawang malalaking bag na naglalaman ng mga damit niya. Napakunot noo siya noong una ngunit ipinaskil niya sa mukha na masaya siyang nakita itong muli. Tinanong niya si Almond kung alam niyang darating ito at sinabi naman nitong alam daw niya. Nakaramdam si Ameh ng pagkainis dahil hindi man lang binanggit sa kaniya na darating ito. Isa pa, alam ni Almond na hindi sila magkasundo ng nanay nito ngunit pumayag pa rin siyang tumigil ito sa kanilang bahay.

Nagpatuloy ng pagdidisenyo si Ameh hanggang sa dumating ang kaniyang kaibigan na tumutulong sa kaniya. Pinatugtog niya muli ang kanilang speaker ng mga makabagong kanta at halos rinig ito ng mga kapitbahay sa sobrang lakas. Nagtatawanan pa sila ng kaniyang kaibigan hanggang sa bigla na lamang namatay ang tugtog. Pinatay iyon ng ina ni Almond dahil hindi raw ito makakabuti sa tainga ng kaniyang apo dahil sanggol pa lamang ito. Muling kumunot ang noo ni Ameh dahil sa ginawang iyon ng kaniyang biyenan.

Pinagsawalang-bahala ni Ameh ang maliliit na bagay na ito. Ngunit pumutok na ang kaniyang galit nang pauwiin ng biyenan niya ang kaibigan niya dahil lamang ito ay inuubo. Mahirap daw kasi baka mahawa ang mga tao sa bahay. Napuno ng inis at galit si Ameh na sa unang pagkakataon ay sinagot na niya ang reklamong ito.

Advertisement

¨Lahat na lang pinapansin mo ultimo tugtog pati pagdidisenyo ng bahay namin. Kaya nga lumipat na kami tapos heto’t sumunod ka pa rin!¨ pagmamataas ni Ameh sa kaniyang biyenan na nagulat sa kaniyang naging reaksiyon.

Walang masabi ang matanda sa mga sinabi ni Ameh. Nang gabing umuwi si Almond, nagpatuloy ang sagutan sa pagitan niya at ni Ameh. Mahal na mahal kasi ng lalaki ang kaniyang ina. Kung ilalarawan nga raw ay mama’s boy itong si Almond. Subalit ang kanilang away ay napunta na naman sa usapang kasal.

Pilit na sinasabi ni Ameh na kaya raw ayaw siyang pakasalan ni Almond ay dahil ayaw sa kaniya ng kaniyang ina. Na hindi naman itinanggi ng lalaki dahil iyon naman ang totoo. Sa huli, pinapili ni Ameh si Almond kung siya ba o ang ina niyang walang ginawa kundi ang kumontra sa lahat ng ginagawa at desisyon niya sa buhay. Napayuko na lang si Almond hudyat na hindi nito kayang paalisin ang ina.

Dahil buhos ang emosyon ni Ameh, kinuha niya ang kaniyang mga gamit at nang gabing iyon ay umalis sa kanilang bahay na umaatungal. Akala niya’y susunduin siya ni Almond nang gabi ring iyon subalit ilang linggo ang lumipas at walang Almond na dumating para sunduin siya.

Isang buwan na ang nakakalipas, hindi pa rin siya tinatawagan o mensahe man lang ng kaniyang asawa. Inipon ni Ameh ang lahat ng lakas ng loob upang kausapin sa huling pagkakataon si Almond. Sa kanilang pagkikita, bakas kay Ameh ang kalungkutan ngunit wala ito kay Almond na napansin pa niyang magaganda ang suot at mga gamit nito sa katawan. Sa halip na humingi ng tawad, sinisi ni Almond si Ameh at sinabihang huwag nang babalik pa.

Kinuha ni Ameh ang kaniyang anak na siyang tanging pinagkukunan niya ng lakas. Iniwan niya ang asawa na akala niya’y kayang manindigan para sa kaniya. Kahit siguro kasal sila, kung ganoong hindi nito siya kayang pakinggan ay mauuwi lang din iyon sa hiwalayan. Kasal ang nagbubuklod sa dalawang tao ngunit tunay na pagmamahal pa rin ang nagpapanatili sa isang relasyon, kaya’t hindi tamang gawin panapal sa isang nabubulok nang relasyon ang kasal.