Pinakamakulit sa Tropa at Pinakamapagmahal ang Batang Ito; Isang Nakatutuwang Supresa ang Sasalubong sa Kaniya

“Ako ‘pag bertdey ko, gusto ko may malaking-malaking cake hanggang langit!” sabi ni Chimoy.

“Ah ako basta maraming hatdog, pwede na ‘yon!” sabi naman ni Menggay. 

“Eh Ikaw Jonjon, anong pangarap mo sa bertdey mo?” tanong naman nila sa ikatlong miyembro ng kanilang maliit na grupo. 

Katatapos lang mangalakal ng tatlong bata at ngayon ay nagpapahinga habang kumakain ng candy sa gilid ng daan.

“‘Sus! Edi pupunta na lang ako sa bertdey niyo! Gusto ko rin ng cake at saka hatdog eh!” nagpapatawang sabi ng sampung taong gulang na batang si Jonjon. Ayaw na sana niyang pag-usapan iyon dahil ang totoo ay hindi niya alam kung kailan ang birthday niya. Matapos daw siyang ipanganak ng ina ay iniwan lang siya sa ampunan. Nagsara ang ampunan limang taon na ang makalipas kaya’t sa kalye silang tatlo napunta. Mabuti pa si Chimoy at Menggay ay alam ang kaarawan ng mga ito, siya ay hindi. Gusto niya rin sana na batiin at may handa ngunit imposible iyon. Sa mga palabas sa TV niya lang iyon nakikita eh.

“Hay naku! Halina nga kayo! Baka may mauna pa sa tulugan natin sa ilalim ng tulay, sige kayo,” sabi ni Jonjon sa dalawang batang ka-edad lang.

Nang gabing iyon, habang nakahiga sa matigas na karton, hindi maiwasang malungkot ni Jonjon. Oo nga ‘no? Ni kaarawan niya ay hindi niya alam. Sabagay hindi niya naman kailangan malaman dahil wala naman siyang handa at wala namang may pakialam doon. Napabuntong-hininga na lang siya. Bata pa siya ngunit hindi na ganoon kabata ang isip niya. Sa kanilang tatlo, siya ang palaging nag-iisip ng paraan paano makadiskarte. Siya ang lubos na nagsisikap dahil pakiramdam niya’y siya ang kuya. Parang tunay na kapatid niya na ang turing niya sa mga ito. Ano nga bang gusto niya sa bertdey niya? Wala siyang maisip. Siguro basta busog silang tatlo ay ayos na iyon.

Lumipas ang mga araw, hanggang sa sumapit nga ang kaarawan ni Menggay. Nagkaroon sila ng maliit na pagdiriwang para dito.

Advertisement

“Oh eto mga bata, dinagdagan ko na ‘yang isang order niyo ng spaghetti, pabertdey ko na kay Menggay!” magiliw na sabi ni Aling Tess. Simple lang iyon pero tuwang-tuwa ang tatlong bata. Minsan lang kasi sila makakain nang masarap kaya ganoon. Nilabas ni Jonjon ang regalo niyang plastik na hikaw para sa kaibigan. Tali naman sa buhok ang regalo ni Chimoy. Natutuwa si Aling Tess sa tatlong bata dahil mabubuti ang mga ito sa isa’t isa. Minsan naiisip niyang daig pa ng mga ito sa ugali ang maraming batang kilala niya na may mga magulang at masayang pamilya.

Nalalapit na rin ang kaarawan ni Chimoy kaya naman todo ipon na rin si Jonjon para sa kaniyang bespren. Nang araw na iyon nagulat siya nang makitang bihis na bihis at naligo pa ang mga ito. Inabutan siya ni Chimoy ng isang malinis na polo.

“Chimoy, saan mo ‘to nakuha? Huwag mo sabihing ninakaw mo ‘to?” sabi ni Jonjon.

“Hindi ‘no! Bigay ‘yan ni Aling Tess. Edi baka binatukan mo ‘ko kapag nagnakaw ako,” sabi nito sabay kamot sa ulo.

“Huwag ka na ngang maraming tanong Jonjon, magbihis ka na at may pa-feeding sa kabilang barangay, doon tayo kakain bilang selebrasyon sa kaarawan ni Chimoy,” sabi ni Menggay.

Nagbihis naman si Jonjon at sumama sa mga kaibigan. Ngunit nagtaka siya dahil imbes na sa kabilang barangay ay dinala siya ng mga ito sa karinderya ni Aling Tess.

“Sarado pa si Aling Tess, bakit tayo nandito?” nagtatakang tanong ni Jonjon. 

“Surprise!” sigaw ng mga ito nang buksan ang pinto sa karinderya. Tumambad sa paningin niya ang isang maliit na cake. May spaghetti at hatdog pa nga!

Advertisement

“Happy birthday, Chimoy! Grabe Menggay may ganitong plano pala, ‘di ko alam. Oh eto regalo ko sa’yo Chimoy,” abot ni Jonjon ng isang supot. Pagbukas ay isa iyong lalagyan ng tubig. 

“Iyan lang ang nakayanin ng ipon ko eh, bakit kasi magkasunod kayo ng bertdey ni Menggay? Ayan tuloy,” nahihiyang sabi ni Jonjon. Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ng dalawang kaibigan.

“Pudpod na ang tsinelas mo at tatlong piraso lang ang damit mo, pero mas inuuna mo pa kaming regaluhan. Maraming salamat Jonjon!” sabi ni Menggay.

“Sa totoo lang, para sa’yo talaga ang handaang ito, Jonjon! Salamat, bespren, sa lahat!” naiiyak na sabi ni Chimoy.

“Anong para sa akin? Eh hindi ba ikaw ang may bertdey ngayon?”

“Bakit bawal ba na sabay tayo ng bertdey? Simula ngayon, lagi na tayong sabay magdiriwang ng bertdey! Happy bertdey!” Pinipigilan ni Jonjon maiyak pero tuluyan siyang napahikbi. Sa loob-loob niya ay gustong-gusto niya rin talaga magdiwang ng kaarawan. Kaya siya naiiyak sa tuwa dahil sa ginawa ng mga kaibigan. Para sa kaniya pala ang sorpresang iyon.

“Ang babata niyo pa ay kadadrama niyo na. Halika na’t magsikain na kayo. Naku, sige kayo, may bayad na ‘to mamaya kapag bukas na ang karinderya ko,” sabi ni Aling Tess na siyang nagluto ng lahat. Magaang ang loob niya sa tatlong batang ito kaya’t nang makiusap si Menggay at Chimoy sa kaniya ay hindi siya nagdalawang-isip na tulungan ang mga ito. Ano ba naman ang isang kilo ng spaghetti, ilang pirasong hatdog, at maliit na cake sa kaniya? Ang mahalaga ay gusto niyang magawan nang mabuti ang mga batang ito na iniwan ng mga magulang at pinipilit mamuhay nang marangal kahit sila-sila lang. Hangang-hanga siya sa mga ito. 

Simula nga noon ay laging magkakasamang nagdiwang ng kaarawan sina Jonjon, Chimoy, at Menggay. Mga sawing-palad sila at ulila ngunit hindi maitatangging sila ay larawan pa rin ng pagmamahal ng parang sa tunay na magkakapatid. Sa isa’t isa nila natagpuan ang pamilyang ipinagkait ng tadhana sa kanila. Basta’t sama-sama at nagtutulungan, sigurado silang makakaahon din sila sa hirap na kinasasadlakan.