Parang Anghel sa Bait ang Nobyo na Parehong Ikinatutuwa at Ikinaiinis ng Dalaga; Kailan Niya Kaya Ito Maiintindihan?

Nakasimangot si Angela habang winawalis ang mga balahibo ng aso na nakakalat sa sahig. Pawis na siya, sayang at todo make-up at ayos pa naman siya ngayong araw dahil may date sila ng nobyo at ikatlong anibersaryo na nila. Ngunit hindi niya inasahang sa animal shelter siya nito dadalhin at magvovolunteer sila doon. Napalingon siya nang marinig ang pamilyar na halakhak ni Jiro. Nakita niya itong bitbit ang paborito nitong askal habang pinapaliguan iyon. Tila ba napawi na rin ang inis at pagod ni Angela nang makitang mukhang masayang-masaya naman ang nobyo sa ginagawa.

Noon pa man ay talagang mala-anghel na sa bait ang kaniyang nobyo. Likas itong matulungin sa kahit kanino. Palagi siya nitong sinasama sa mga ampunan, charity organizations, at ngayon nga ay animal shelters para magvolunteer. Sa katunayan, bukod sa kakisigan nito ay iyon din talaga ang minahal ng dalaga sa binata. Sanay siyang maraming lalaki sa buhay niya noon at madalas ding nababastos at nauuto. Ngunit si Jiro ang kauna-unahang lalaki na talagang pinaramdam sa kaniya na karespe-respeto siya. Imbes na kunsintihin ang kaniyang masasamang ugali ay tinulungan siya ni Jiro na mas maging mabuting tao.

Matapos nilang tumulong sa animal shelter ay dinala siya ni Jiro sa isang kainan. Masaya silang nag-uusap nang makatanggap ito ng isang tawag. Nang tanungin niya ay mula raw iyon sa tiyahin nito. Kinabahan pa si Angela dahil tila namasa ang mata ng kasintahan at napayuko.

“Nasa ospital daw ang pamangkin ko at kailangan ng tulong dahil naaksidente…” iyon lang ang nasambit nito. Inalo naman ni Angela ang binata at niyakap ito. Lagi itong nilalapitan ng mga kamag-anak nito upang humingi ng tulong kaya’t hindi na bago sa kaniya iyon.

Ilang araw ang lumipas at naging matumal silang mag-usap. Iniintindi naman ni Angela dahil baka mahirap ang sitwasyon nito. Kahit na may kaunting tampo sa puso niya dahil sa katunayan ay inaasahan niyang aalukin na siya nito ng kasal dahil ikatlong anibersaryo na nila, ngunit heto’t halos hindi siya nito mapadalhan kahit isang text. Kinabukasan, talagang nadismaya si Angela sa sinabi ng nobyo.

“Hon… nais na sana kitang yayain na magpakasal, ngunit dahil sa nangyari kina Tiya Mely ay kinailangan kong isangla ang singsing na binili ko para sa iyo,” sabi nito. Hindi malaman ni Angela kung anong nangyari basta’t naramdaman niyang nag-init ang kaniyang ulo. Nakapagsalita siya nang hindi maganda at sumambulat lahat ng tampo niya kasabay ang mga luha, na ikinagulat naman ng nobyo.

Sa mga sumunod na araw ay lalong naghinanakit si Angela dahil matapos ng matindi nilang away ay ‘di man lang siya tinawagan ni Jiro. Hanggang ang hinanakit ay naging lungkot. Miss na miss niya na ito. Pumupunta siya sa ampunan at animal shelter kung saan sila nagvovolunteer sa pagbabakasakaling makita ito, ngunit wala. Napansin siya ni Sister Rhina na tagapangasiwa ng ampunang iyon.

“Hindi mo yata kasama si Jiro, hija,” puna nito. Ewan ba ni Angela ngunit bigla na lang siyang napakwento at napaluha sa madre.

Advertisement

“Hindi ko po alam bakit siya ganon! Sobrang bait niya baka kuhanin na siya ni Lord,” naiinis at naiiyak na sabi ni Angela.

“Ang tiyahin niyang si Mely kasi ang kumuha sa kaniya dito sa ampunan. Kaya siguro ganoon na lang ang sakripisyo niya para makapagbalik ng tulong sa pinakamamahal na tiya na tinuturing niya na ring ina,” sabi ni Sister Rhina. Nagulantang naman si Angela sa isiniwalat ng madre. Kaya pala kahit engagement ring niya ay kaya nitong ibenta, ganoon pala kalaki ang utang na loob ni Jiro kay Tiya Mely!

Nang hapon din iyon ay nagpasya siyang humingi ng tawad sa Tiya at sa nobyo. Dala ang bulaklak at prutas ay pinuntahan niya ang bahay nina Tiya Mely. Akala niya ay tapos na ang surpresa, ngunit nagulat siya sa naabutang tagpo sa bahay ng tiyahin ni Jiro. Pinagmamalupitan ng anak nitong binata si Tiya Mely. Nagkalat ang basyo ng alak at maraming pasa sa mukha ang tiyahin. Nang akmang susuntukin ito ng binatang anak ay nagpasyang tumawag ng pulis si Angela. Mabuti na lang tumulong ang mga kapitbahay at mabilis na rumesponde ang mga pulis. Humahangos na dumating din si Jiro dahil tinawagan niya. Agad silang niyakap nito.

Nalaman sa imbestigasyon na matagal nang ganoon ang trato ng anak kay Tiya Mely ngunit ‘di lang nagsusumbong ang babae dahil nga umaasang magbabago ang anak. Ang pera pala na sinabing pampaospital ay ideya rin ng binata para may mapang-inom. Napaluha din si Angela dala ng awa.

Nang lumipas ang mga araw, laging binibisita ni Angela si Tiya Mely upang alagaan din ito. Isang araw nga ay nadatnan niya doon si Jiro.

“Gusto ko sanang humingi ng tawad sa iyo, Angela, dahil hindi kaagad kita nakausap matapos ang away natin. Sa katunayan niyan nahihiya kasi ako sa’yo. Sabi ko sa sarili ko haharap lang ako sa’yo kapag natubos ko na ang singsing mo. Kaya heto,” sabi nito sabay luhod. Napaluha si Angela at matamis na oo ang sagot sa alok na kasal ni Jiro.

“Patawarin mo rin ako. Nahihiya rin ako sa inakto ko, imbes na suportahan at intindihin kita ay nag-astang bata ako. Wala pala akong alam sa mga tunay na pangyayari,” iyon lang at nagyakapan ang dalawa.

Tuwang-tuwa naman si Tiya Mely para sa kanilang dalawa. Napatunayan nila na tunay ngang pag-ibig ang mayroon sila dahil natuto silang pahalagahan ang mga bagay na mahalaga din sa bawat isa sa kanila. Hindi man sila perpekto, nandoon naman ang pagpapatawad at pagtanggap sa kahinaan ng bawat isa.