Matagal nang Naghahanap ng Hustisya ang Pamilyang Ito sa Pagkawala ng Kanilang Ina; Isang Manghuhula Pala ang sa Kanila ay Makatutulong

“Kuya, wala namang mawawala kung hihingi tayo ng tulong sa kaniya, e!”

“Baliw ka na ba, Beverly? Bakit n’yo iaasa sa isang manghuhula ang hustisyang hinahanap natin para sa mama?!”

Nagsisigawan na ang magkapatid na Beverly at Banjo nang mga sandaling ’yon. Pilit kasing ipinaglalaban ni Beverly na sundin nila ang payo ng ina ng kaniyang matalik na kaibigan na lumapit na sa isang manghuhula upang malaman nila ang tunay na naging dahilan kung bakit nawala ang kanilang ina. Ngunit hindi nagugustuhan ni Banjo ang ideyang ’yon. Hindi talaga siya naniniwala sa mga ganitong klaseng gawain. Sa tingin niya ay mag-aakasaya lang sila ng oras ng kaniyang kapatid.

“Kuya, please! Susubukan lang naman natin. P’wede namang hindi ka maniwala, pagkatapos. Subok lang, kuya, nakikiusap ako sa ’yo,” halos maglumuhod pang ani Beverly sa kaniyang kuya.

Sa nakikitang reaksyon ng kapatid ay tila nanlambot si Banjo. Napabuntong-hininga na lamang siya at wala nang ibang nagawa pa kundi ang mapatango. Nilapitan niya ang kaniyang kapatid at niyakap ito nang mahigpit. Mahal na mahal niya ito at ayaw niyang nakikitang nahihirapan pa rin ito sa nangyari sa kanilang ina, kaya naman pagbibigyan niya na ito.

Halos tatlong taon nang naghahanap ng hustisya ang kanilang pamilya. Tatlong taon na rin silang nangungulila sa biglaang pagkawala ng kanilang ina nang pasukin ito ng masasamang loob sa kanilang tahanan habang pareho silang wala noon sa bahay. Nagtatrabaho na noon si Banjo sa Maynila, samantalang si Beverly ay nag-aaral pa sa kolehiyo nang mga panahong iyon. Hindi nila akalain na sa kanilang pag-uwi sa kanilang tahanan ay matatagpuan na lamang nila ang kanilang ina na nakahandusay sa sahig at wala nang buhay.

Walang ideya ang pulisya kung ano ang naging motibo sa ginawa sa kanilang ina. Kung sino man ang may sala ay sinigurado nitong malinis ang kaniyang pagkakagawa. Humingi na sila ng tulong sa noon ay nobyo ng kanilang ina na si Tito Ed, ngunit wala rin itong nagawa kahit pa nga napakalawak ng koneksyon nito dahil isa itong magaling na abogado.

Nang mga panahong nawala ang kanilang ina ay labis din ang naging paghihirap ng kanilang Tito Ed. Malapit na kasing ikasal ang mga ito nang mangyari ang naturang trahedya. Sa kaibuturan ng puso ni Banjo, kahit papaano ay umaasa rin siya na sa gagawin nilang ito ng kaniyang kapatid, sana, kahit papaano ay may makuha rin sila kahit na katiting lamang na sagot sa kanilang mga katanungan.

Advertisement

Hindi na nag-aksaya pa ng panahon sina Beverly at Banjo. Kinabukasan ay agad silang nagtungo sa tanggapan ng manghuhulang inirekomenda sa kanila ng ina ng kaibigan ni Beverly.

Pagpasok pa lang ng dalawa sa pintuan ng manghuhula ay halos gusto nang umurong ni Beverly. Tila may nadarama siyang kakaibang aura sa lugar na iyon na maging ang kaniyang Kuya Banjo ay nararamdaman din naman. Iyon nga lang, dahil doon ay mas nakumbinsi si Banjo na ituloy ang kanilang binabalak lalo pa at narito na rin lang naman sila.

“Maupo kayo,” anang manghuhula habang iginigiya ang mga upuan sa kaniyang harapan.

“M-magpapahula po sana kami—”

“Alam ko kung ano ang ipinunta n’yo rito,” putol ng manghuhulang si Madam Pilar sa sasabihin sana ni Beverly. “Hinintay ko talaga ang pagdating n’yo ngayong araw,” dagdag pa nito. Kunot-noo namang nagkatinginan ang magkapatid dahil sa pagtataka at pagdududa ngunit muling nagsalita si Madam Pilar.

“Isang lalaking malapit sa inyong pamilya ang gumawa niyon sa inyong ina. Isang lalaking umasang pag-aalayan niya ng kaniyang sarili. Isang lalaking ganid na naghangad na mapunta sa kaniya ang lahat ng pinaghirapan ng inyong ama!” walang pakundangang bulalas pa ng manghuhula!

Nanlaki ang mga mata ng magkapatid nang wala pa mang binabanggit na pangalan ay alam na nila kung sino ang tinutukoy nito! Ang kanilang Tito Ed!

“Papaano po namin patutunayan ’yang sinabi mo? Ano ang gagawin namin?” litong-litong sabi naman ni Banjo nang siya ay makabawi.

Advertisement

“Anak, naging handa ang iyong ina dahil alam niyang mangyayari ito sa kaniya. Pumunta kayo sa kwarto niya at hanapin n’yo ang maliit na baul sa ibabaw ng kaniyang cabinet. Naroon ang isang recorder kung saan siya nag-iwan ng pagsasalaysay tungkol sa balak na pagkamkam ng taong ’yon sa ari-arian ng iyong yumaong ama na siyang dahilan kung bakit gusto niyang pakasalan ang inyong ina. Naroon din ang isang video ng pagtatalo nila kung saan nakikipaghiwalay na ang nanay n’yo sa taong ’yon.”

Matapos sabihin iyon ng manghuhula, lalo pang nanlaki ang mga mata ng magkapatid.

“Paano n’yo nalaman ang lahat ng ito?” tanong ni Beverly.

“Dahil narito siya ngayon. Kasama n’yo siyang nagpunta rito dahil gusto niya kayong gabayan.”

Nang malaman iyon ay napuno ng iyakan ang tanggapan ng manghuhulang si Madam Pilar. Ngunit pagkatapos ng araw na iyon, sa wakas, pagkalipas ng ilang taon ay gumulong na ang hustisyang matagal na nilang hinihiling. Nakulong at nagbayad ang taong gumawa nito sa kanilang ina sa tulong ng isang manghuhula!