Nahuli ng Sundalo ang Matandang Walang Face Mask na Pagala-gala sa Kalsada; Nakaaantig Pala ang Kwento Nito

Kauumpisa pa lamang noon ng lockdown sa lugar na iyon kaya naman mahigpit na ang seguridad sa mga checkpoint na pinangungunahang bantayan ng grupo ng mga sundalo kasama si Felix. Mahigpit nilang ipinatutupad ang pagpapasusuot ng face mask sa mga taong pinapayagan nilang lumabas. Ganoon din ang pagsunod sa curfew at iba pang safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng lumalaganap ngayong virus.

Umaga pa lang ay abala na sina Felix at walang palyang nagbabantay sa mga daanan hanggang nang hapong iyon. Alas sais ng gabi ang itinakdang curfew sa kanilang lugar kaya naman nagsisimula na silang maghapit sa pagpapaalala sa mga taong nananatili pa ring nasa labas. Nasa ganoong tagpo na sina Felix nang mahagip ng kaniyang mga mata ang isang matanda. Wala itong suot na facemask na tila ba hindi nito alintana kung mahawaan ito ng virus dahil sa kaniyang ginagawa. Agad itong nilapitan ni Felix upang komprontahin.

Samantala, tulak-tulak na naman ni Mang Ponse nang mga sandaling ’yon ang kaniyang kariton na siya niyang nagsisilbing katuwang sa hanap-buhay niyang pangangalakal. Ito na rin ang nagsisilbi niyang tahanan dahil si Mang Ponse ay isang palaboy. Simula kasi nang siya ay mawalan na ng trabaho’t pakinabang, nawalan na rin ng pakialam sa kaniya ang kaniyang mga pamangking pinagbuhusan niya ng buong buhay niya. Pinabayaan siya ng mga ito kaya naman napilitan na lamang siyang itaguyod ang kaniyang sarili.

Isang sundalo ang lumapit sa kaniya nang mga sandaling ’yon at tinanong siya kung bakit wala raw siyang suot na face mask.

“Tatang, hindi po ba ninyo alam na bawal po ang magpagala-gala ang seniors ngayon? Pagkatapos, wala pa ho kayong suot na facemask. Nanghuhuli po kami ng mga hindi sumusunod sa patakaran. May multa ho kapag nahuli kayo,” ma-awtoridad na sabi sa kaniya ng sundalo na agad namang ikinagulat ni Mang Ponce. Agad siyang naluha sa narinig.

“S-ser… w-wala po akong bahay, e,” nanginginig pang aniya sabay dampot sa kaniyang improvised face mask na gawa sa bao ng niyog na napulot niya kanina sa basurahan at kinabitan niya ng tali. “I-ito ho, may mask ho ako, ser. Wala po akong pambili, maawa po kayo sa akin!” aniya pa habang nangangatal na isinusuot ang mask sa kaniyang mukha. Kinakabahan si Mang Ponse dahil talagang wala siyang ibabayad kung siya ay pagmumultahin nito kaya’t siguradong himas rehas ang kaniyang aabutin. Napakatinding malas naman ng dumadapo sa kaniya at halos manghina na ang kaniyang mga tuhod dahil doon.

Nabigla si Felix sa nakitang pagkataranta ng matanda. Agad siyang nagsisi sa naging pakitungo niya rito kanina. Halu-halong emosyon ang agad na lumukob sa kaniyang damdamin nang maintindihan ang sitwasyon ng naturang matanda.

“T-tatang, sandali ho, huwag ho kayong mataranta,” pigil niya sa matanda. “Ano ho munang pangalan n’yo, ’tang?” muli ay tanong niya rito sa malambot nang tono.

Advertisement

“Ponse, hijo,” sagot naman nito. Napatango si Felix sa narinig.

Nilingon ng binatang sundalo ang kaniyang mga kasamahan na noon ay nagmamasid sa ’di kalayuan. Agad namang nagsilapit ang mga ito upang alamin kung ano ang nangyayari. Ikinuwento naman ni Felix sa mga kasamahan ang kwento ni Mang Ponse at halos kapareho rin ng kaniyang naramdamdaman ang naging reaksyon ng mga ito.

Sandali munang nagpulong ang grupo nina Felix bago nila napagdesisyunang mag-ambag-ambag upang makapagbigay sila ng ayuda sa kawawang matanda.

“Tatang, ito ho ang face mask at mga face shield. Gamitin ho ninyo ito, ayos po ba, Mang Ponse? Pagkatapos ay bibigyan ho namin kayo ng ayuda ’tulad ng mga relief goods at pera. Bukod po roon, makikipag-coordinate tayo kay Mayor at baka sakaling mabigyan din ho kayo ng kahit na pansamantalang matutuluyan lamang. Huwag na ho kayong mag-alala, tatang. Hindi ho namin kayo huhulihin,” paliwanag pa ni Felix na tila bigla namang naghatid ng ningning sa mga mata ng matanda!

“T-talaga, ser?” Halos malaglag ang panga nito. “M-maraming salamat! Maraming salamat!” Nagtatalon din si Mang Ponse sa sobrang tuwa.

Lingid sa kaalaman ng grupo nina Felix ay may ilang mga motoristang napadaan at nakasaksi sa kanilang mga ginawa at kinuhanan sila ng video. Dahil doon ay mas nadagdagan pa ang nagbigay ng tulong kay Mang Ponse habang ang kabutihan naman nina Felix ay kinikilala at hinahangaan na ngayon sa halos buong Pilipinas!

Iba nga naman ang nagagawa ng kabutihan!