Imbes na Huminto ay Ginamit ng Dalaga ang Masasakit na Salitang Kaniyang Natanggap Upang mas Maging Magaling; Nagulat Siya sa Naging Resulta

Hayskul pa lamang ay inaambisyon na ni Mika ang maging isang manunulat. Kaya naman nang siya ay magkaroon na ng sapat na pinagkukunan ng kabuhayan, sa wakas ay nagpasya na siyang subukang tahakin ang landas tungo sa pagtupad ng kaniyang mithiin. Matagal na niyang pinag-isipan at pinaghandaan ang kaniyang gagawing pag-abot sa pangarap niyang ito.

Kaharap ni Mika ang kaniyang laptop. Bumuntong hininga siya bago niya binuksan ang naturang aparato. Nagsimulang mag-sign up sa isang writing platform si Mika. Tutal ay ilang taon na rin ang iginugol niya upang magkaroon ng kaalaman sa pagsusulat, sa kabila ng pagiging abala niya sa trabaho noon. Doon ay kaniyang inilathala ang unang nobelang isinulat niya noon sa tuwing siya ay magkakaroon ng libreng oras.

Sabik na binuksan ni Mika ang kaniyang account sa naturang writing platform kinabukasan matapos niyang i-post doon ang kaniyang kuwento. Lalo pa ngang nadagdagan ang kaniyang pagkasabik nang makita niyang may mga nagbigay na ng komento sa kaniyang nobela.

“Maganda sana itong kwento, kaya lang, napakarami pang dapat i-improve. Suggest ko sa writer, research ka pa. Sa tingin ko naman may potential ito.”

“Ang daming errors. Sana i-edit ito ng writer. Nakakatamad kasing basahin kapag ganito, e. Wala na bang igaganda ’to?”

“Hindi maayos ang paggamit ng ibang salita. Mali rin ang paggamit ng bantas. May butas ang kwento. Mag-aral pa sana ang writer.”

Nang mabasa ni Mika ang mga komentong iyon ay hindi niya napigilang hindi masaktan sa kanilang mga sinabi. Ganoon pa man, mas pinili niyang tumingin sa positibong bahagi ng mga komentong iyon. Inisip niya na makakatulong sa kaniya ang mga sinabi nila lalo na at karamihan sa mga ito ay pinupuna lamang naman ang nakikita nilang mali sa kwento. Dahil doon ay mabilis na nanumbalik ang ningning sa mga mata ni Mika, pati na rin ang kaniyang pagkasabik.

Simula nang araw na iyon, bawat negatibong komento na kaniyang natatanggap ay kaniyang ginagamit upang lalong magsipag at matuto. Ibinubuhos niya ang kaniyang atensyon sa pagsasaliksik at natutunan din niyang pulutin ang lahat ng mga suhestiyong nakakatulong sa kaniya upang siya ay mas gumaling pa, habang hindi naman niya pinapansin iyong mga hindi niya pakikinabangan.

Advertisement

Dahil doon ay lalo pang gumaling si Mika sa kaniyang ginagawa, habang siya ay unti-unti na ring nakikilala.

Nagkaroon na siya ng mga supporters na talagang nakatutok sa bawat kwentong ginagawa niya. Nagkaroon na rin siya ng iba’t ibang parangal at pagkilala habang ngayon ay inuulan na rin siya ng napakaraming offers mula sa iba’t ibang sikat na mga publishing houses sa bansa!

Dumating din sa punto na pati ilang mga international publishers ay napansin ang kaniyang mga gawa! Dahil doon ay lalo pang umingay ang pangalan ni Mika sa industriya ng pagsusulat!

“Grabe, Mika! Hindi ko akalain na magkakaroon ng movie adaptation ang dalawa sa mga nobelang isinulat mo! Sa kabila ng matinding panunuri ng ibang tao noong ikaw ay nag-uumpisa pa lang, paano ka nagpatuloy?” tanong ng kaniyang kaibigan na isa rin sa pinakamasugid niyang tagasuporta noon pa man, nang ibalita niya rito iyon.

“Sa totoo lang, sa isip ko kasi, hindi naman dahil hindi nagustuhan ng isang tao ang gawa ko ay hindi na rin ito magugustuhan ng lahat. Para sa akin, palagi tayong mayroong room for improvement. Iyon ang dahilan kung bakit ako nagpatuloy. Naniniwala kasi akong kaya kong mag-improve,” sagot naman niya sa kaibigan.

Dahil sa sagot niya ay mas lalo siyang hinangaan ng kaibigan. Para sa kaniya ay salamin ng isang tunay na manunulat si Mika. Hindi siya nagsisisi na ito ang kaniyang iniidolo, lalo pa ngayon na gusto na rin niyang mag-umpisa sa larangang ito.

Nagpatuloy sa pagbibigay ng inspirasyon si Mika sa pamamagitan ng kaniyang mga akda. Mga kuwentong nabuo man sa kaniyang mga kathang-isip ay sumasalamin naman sa buhay ng maraming tao at nagbibigay ng magagandang leksyon sa mga mambabasa. Pinatunayan ni Mika na hindi lamang puro papuri ang kailangan natin upang tayo ay magtagumpay sa buhay o sa larangang gusto nating tahakin. Kadalasan pa nga, kapag ginamit mo bilang motibasyon ang mga ito ay mas iaangat ka nito.

Ngayong naabot na ni Mika ang kaniyang mga pangarap, ipinangako niya sa sarili na ituturo niya rin sa ibang mga nangangarap na manunulat ang kaniyang mga natutunan upang ibalik ang mga biyayang kaniyang natanggap.