Kung Ano-anong Bagay ang Ibinebenta ng Guro na Ito sa Loob ng Eskwelahan; Nagulat ang Lahat nang Malaman Nila Kung Bakit

Naglalakad na naman sa gitna ng eskwelahan si Binibining Gonzales habang bitbit nito ang kahon na naglalaman ng lumpiang prito na kaniyang ibinebenta. Kung kahapon ay pansit ang kaniyang inaalok ngayon ay lumpia naman.

Marami rin ang bumibili at tumatangkilik sa mga meryenda na ibinebenta ni Binibinig Gonzales. Bukod kasi sa kaniyang kabaitan, magaling rin talaga siyang guro. Subalit ipinagtataka nang marami na sa kabila ng pagiging guro na may maayos na sahod at walang asawa’t anak na sinusuportahan ay bakit siya palaging nagbebenta ng meryenda na para bang hikahos siya sa araw-araw. 

Maraming mga sabi-sabi na may sinusuportahan daw na lalaki si Binibining Gonzales. Marami kasi ang nakakakita sa kaniya na kumakain sa labas na may kasamang kung sinu-sinong lalaki at ang matindi pa nga raw ay ‘di hamak na mas bata sa kaniya. Subalit ni isa sa mga isyung ito ay hindi pinapakinggan ng binibini. 

Sa kabila ng kaniyang pagiging mabuting guro at paborito ng mga estudyante ay ang inggit naman sa kaniya ng kapwa guro niya. Katunayan, ang mga iyon pa ang nagpapasimula ng samu’t saring tsismis na umiikot sa buong eskwelahan. Dala ito ng matinding inggit dahil para bang hindi natitinag ang binibini kahit na ano pa ang sabihin sa kaniya at ano pa man ang gawing paninira sa kaniya. 

Isang araw, habang bitbit ni Binibining Gonzales ang kahon na may lamang mga kutkutin at kendi, naramdaman niyang hindi siya pinapansin ng kahit na sino. Ang mga estudyante palaging nabili sa kaniya ay hindi na rin siya binibilhan. Kasabay pa nito ang tawanan ng mga tao sa tuwing siya maglalakad sa harap ng mga ito.

Katulad ng nakasanayan, pinilit ng binibini na itaas ang kaniyang noo at ipagmalaki ang marangal niyang ginagawa. Kahit na kahihiyan pa ito sa lahat at mga kapwa guro niya. May mga nagsasabi na hindi raw dapat hinahayaan ang ganitong gawain ni Binibining Gonzales lalo na’t isa siyang guro sa eskwelahan na iyon.

Dumating ang araw na ipinatawag si Binibining Gonzales sa opisina ng principal. Kahit na ito na kaniyang amo ay gusto na rin siyang ipatigil sa kaniyang ginagawa. Hindi raw kasi talaga magandang tignan kahit na saang anggulo ito tingnan. Walang magawa ang binibini kundi sumunod sa utos ng principal. Nalungkot siya maigi at muling nag-isip ng raket na pwede niyang pagkakitaan.

Araw-araw, sa tuwing matatapos ang kaniyang trabaho o pagtuturo, kumukuha ng pwesto si Binibining Gonzales sa tapat ng eskwelahan upang makapagtinda ng kahit na ano. Ayos na sana ang lahat ngunit marami na namang ibinatong isyu sa kaniya na nagtulak sa kanilang principal na pagbawalan siyang muli.

Advertisement

Sa pangalawang pagkakataon, muli na namang nalungkot ang binibini. Hindi niya kasi maisip kung anong mali sa ginagawa niya. Imahe naman niya ang masisira kung iisipin at wala siyang tinatapakan na ibang tao. Sa pagkakataong ito, pati mga estudyante ay naawa na rin sa kaniya.

Dito naisip ng ilan sa kaniyang mga estudyante na imbestigahan ang personal na buhay ng mabuting guro na ito. Ano nga ba ang rason nito bakit gustong gusto nitong kumita ng pera kahit na mayroon na itong trabaho? Nagulantang ang lahat nang sundan nila ang guro.

Pagkatapos ng kaniyang oras sa pagtatrabaho, araw-araw na dumidiretso si Binibining Gonzales sa sementeryo malapit sa eskwelahan. Dito niya ikinatatagpo ang mga batang tinuturuan niyang magsulat at bumasa. Pagkatapos niyang turuan ang mga iyon ay pinapakain niya ang mga ito ng tinapay at juice.

Walang palya itong ginagawa ng binibini. Dito naantig ang puso ng mga estudyante at nagpasiyang makatulong din sa abot ng kanilang makakaya. Lumapit sila kay Binibining Gonzales at inamin na sinusundan nila ito sa bawat araw. Natuwa naman ang binibini dahil nagpresenta pa ang mga estudyanteng iyon na tumulong sa pagtuturo pati na pagpapakain sa mga bata.

Mas sumaya ang mga oras na marami na silang gumagawa ng mabuting bagay na ito. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga estudyante na nagnanais na makatulong din. Mayroon ding mga kapwa niya guro na naghahandog ng kanilang personal na pera upang may maipakain sa mga batang nangangailangan. Hindi namalayan ng binibini na ang maliit niyang gawain noon, ngayon ay unti-unti nang lumalaki at lumalawak. 

Nakarating ang balitang ito sa principal at sa lahat ng mga guro’t estudyante sa buong paaralan. Ngayon, naiintindihan na nila kung bakit negosyante itong si Binibining Gonzales. Humingi ng tawad ang mga guro at nagpasyang tumulong din sa kahit na anong paraan pa. Hindi rin nagtagal, pinarangalan ng mismong principal ang binibini dahil sa kabutihang loob nito. Ang mga batang tinuturuan niya kasi ay ang mga palaboy sa kalye na palaging naglalaro sa sementeryo.

Hindi sagabal sa gawaing mabuti na ito ni Binibining Gonzales ang kahirapan at pagiging abala. Ang alam niya ay isa siyang guro sa loob man o sa labas ng eskwelahan. Hindi man niya hinangad pa ang kasikatan ngunit ang mabubuting loob at gawain ay palaging pinagpapala ng Maykapal.