Ugali ng Gurong Ito na Perahan ang Kaniyang mga Estudyante; Makakahanap Siya ng Katapat

¨Okay class, sa tuwing may mga pagsusulit tayo hindi libre ang papel kaya magbabayad kayo. Ang walang pambayad, alam niyo na, siyempre walang exam. At kapag walang exam, siyempre walang grado. Naiintindihan niyo ba?” pahayag ni Ginang Cruz sa kaniyang mga estudyante bilang hudyat ng pagsisimula ng taon ng klase. 

Tumugon naman ang lahat sa kaniyang mga bilin. Wala siya halos binanggit tungkol sa mga aaralin kundi ang mga dapat lamang pagkagastusan at kung ano pa ang makukuha niya sa mga ito. Katuwiran niya’y naghahanap buhay lang din siya. Kung ano-ano rin ang binebenta niya kahit na sa oras ng klase. Dahil sa kaniyang ugali na masungit at istrikta, walang sinuman ang nagbalak na kalabanin siya maging kapwa guro man niya at lalo na estudyante.

Lumipas ang mga araw, halos lahat ng klaseng hinahawakan ni Ginang Cruz ay nagrereklamo na sa bigat ng bayarin na hinihingi niya. Kahit na mga maliliit na proyekto lamang ay wagas kung maningil ito. Sa tuwing hindi nakakabayad, ipinapahiya niya ang mga ito. Pinalalabas niyang wala siyang mali at tama ang kaniyang pamamalakad.

Isang araw ng pagsusulit ng mga bata ng isang seksiyon na kaniyang hinahawakan, pumasok siya sa klase na nakasimangot at salubong ang kilay. Mainit kasi ang panahon at isa pa, humihina ang mga binebenta niyang mga alahas sa eskwelahan. Binagsak niya sa lamesa ang limpak-limpak na mga test papers. Humawak siya sa kaniyang ulo matapos umupo at napabuntong hininga na lamang.

¨Oh, isa-isa ang lapit. Maglabas ng tigbebente pesos at kumuha dito ng papel. Sagutan niyo kahit ilang oras, ang mahalaga nakapagtest kayo,¨ wika nito sa mga estudyanteng nakatingin lamang sa kaniya. 

Pagkalipas ng ilang minuto, wala sinuman sa seksiyon na iyon ang tumatayo. Mas lalong kumunot ang noo ni Ginang Cruz at nagsimangot sa klase. Dito na nagsimulang tumaas ang kaniyang boses sa loob ng silid-aralan. Subalit kahit na anong sigaw at pagpapagalit sa mga bata, wala pa ring tumatayo upang magbayad at kumuha ng papel na sasagutan. 

Nagbanta si Ginang Cruz sa lahat na ibabagsak niya ang mga iyon at hindi na siya kailan pa papasok sa seksiyon na iyon. Galit na galit na lumabas ng silid aralan na iyon ang guro. Habang bitbit sa kaniyang kamay ang mabigat at maraming pilas ng papel. Kulang na lamang ay magmura siya sa harap ng klase dahil sa sama ng loob na kaniyang naramdaman.

Nang araw na iyon, lubhang sumama ang pakiramdam ni Ginang Cruz. Sumikip ang kaniyang dibdib dahil sa nangyari at pakiramdam niya ay nabastos siya ng seksiyon na iyon. Hindi dapat ito nangyayari sa kaniya, katuwiran niya sa sarili. Ilang dekada na siyang nagtuturo at wala pa ni-isang gumawa sa kaniya noon. Nagpasiya si Ginang Cruz na mas pahirapan pa ang klase na iyon bilang parusa sa kanilang ginawa.

Advertisement

Araw-araw, walang palya kung magpasulat nang napakahabang aralin si Ginang Cruz sa buong klase. Kasabay pa nito ang tambak na gawain na kaniyang ipinapagawa. Kaliwa’t kanan din ang mga proyekto na kaniyang ipinapagawa sa loob man o sa labas ng klase. Hanggang sa dumating ang araw na hindi niya inaasahan.

Isa-isang hindi na nagpakita ang kaniyang mga estudyante sa seksiyon na iyon. Ang iba ay lumipat ng seksiyon, ang iba ay lumipat ng eskwelahan at mayroon ding tumigil na sa pag-aaral dahil sa hirap na kaniyang ipinapagawa. Subalit para sa kaniya ay wala iyon. Dedma siya matapos ang isang umaga na wala ni isang estudyante ang pumasok sa kaniya.

Isang umaga, habang naglalakad si Ginang Cruz sa gitna ng eskwelahan, napansin niya ang bulung-bulungan sa kaniyang paligid. Ang mga mata ng estudyante, mga kapwa guro pati na mga gwardiya ay umiiwas sa kaniya matapos niyang tingnan ang mga ito na nakatitig sa kaniya. Malakas ang pakiramdam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito. 

Nang pumasok siya sa silid kung saan naroon ang kapwa niya mga guro ay ganoon din ang kaniyang nadatnan. Inis ang nadarama ni Ginang Cruz dahil hindi niya alam ang nangyayari. Maya-maya lamang ay pinatawag siya sa opisina ng principal at doon inihayag sa kaniya ang nangyari na hindi niya nalalaman.

Isang video pala ang nag-viral sa social media kung saan naroon siya at kitang-kita kung paano niya sigawan at ipahiya ang buong klase na kaniyang hinahawakan. Naroon din sa post sumuporta ang mga estudyanteng naghirap sa mga kamay ni Ginang Cruz. Sa mga oras na ito, walang masabi ang guro. Nais man niyang magalit ngunit mas lumalamang ang hiya sa kaniyang sarili.

Pinatawan ng parusa na pagpapatanggal sa pagiging guro si Ginang Cruz matapos lumabas sa imbestigasyon kung paano niya perahan ang mga estudyante niya. Kasama pa nito ay ang paghingi niya ng paumanhin sa lahat ng estudyanteng hinawakan niya. Hiyang-hiya si Ginang Cruz sa kaniyang ginawa. Hindi lamang dahil sa pera kundi dahil hindi siya naging mabuting guro at halimbawa sa lahat ng taong naging parte ng kaniyang buhay.