Hindi Matanggap ng Babaeng Ito na Siya ay Walang Kakayahang Magbuntis; Handa Siyang Magsinungaling Para sa Mister na Mahal

Napapaluha na lang si Trixie habang nagmamaneho matapos niyang marinig ang masamang balita mula sa doktor na wala raw siyang kakayanan na magbuntis. Habang naiisip niya ang magiging malungkot na reaksyon ng kaniyang mister na si Alvin ay lalo siyang nalulungkot at natatakot na baka iwan siya nito.

Tatlong buwan pa lamang silang kasal ngunit walang araw na hindi napalya ng banggit si Alvin kay Trixie na gusto na nito ng anak. Kahit anong subok at gawin nila, hindi siya mabuntis-buntis. Uminom na siya ng mga gamot para lang magdalang-tao subalit bigo pa rin siya. Kaya nang siya ay magpa check-up, lalo siyang nanlumo sa sinabi ng doktor.

Pagkauwi, nadatnan ni Trixie ang kaniyang mister na nagtatrabaho sa kanilang sala. Niyakap niya ito at babanggitin na sana ang nalaman niya. Ngunit nakita niyang nagtitingin ng litrato ng mga gamit ng sanggol ang kaniyang mister.

¨Magandang gumawa na tayo ng kwarto para sa magiging baby natin eh. Tiyak na isang buwan, magkakaroon na ng laman iyang tiyan mo!” pabirong wika nito sa kaniya.

Hindi niya alam ang itutugon ngunit ngumiti na lamang siya at hindi na sinabi pa ang nalaman. Kailangan niyang magdalang-tao. Kailangan dahil iyon lang ang tanging nais ng kaniyang mister. Marami kasi siyang mga kaibigan at kakilala na iniwan o pinagtaksilan ng mga mister nang malaman na hindi nila kayang magbuntis. At ito na siguro ang kinatatakutan niya nang sobra – ang mawala ang pinakamamahal niyang asawa.

Isang araw, nagpasama si Trixie sa isang kaibigan na naghihilot daw. Marami na raw ang nagdalang-tao matapos magpahilot sa matandang babae na iyon. Kahit na hindi kapani-paniwala, kumapit siya sa pamamaraang iyon. Maraming orasyon ang ginawa sa kaniya at itinanong sa kaniya, kapalit ng mga iyon ay malaking halaga. Ngunit wala iyon sa kaniya, ang mahalaga ay magdalang-tao siya.

Dumaan ang ilang buwan ngunit wala pa ring lamang bata ang sinapupunan ni Trixie. Muli siyang pumunta sa matanda dahil nais niyang magalit. Peke raw ito at namemera lamang. Galit na galit niyang sinugod ang matanda. Sa kaniyang paninigaw sa matanda, isang suhestiyon ang binanggit nito.

¨Eh ´di magbuntis ka. Manganak ka nang hindi nakikita ng asawa mo,¨ kalmadong banggit ng matanda sa kaniya.

Advertisement

Napatigil si Trixie matapos marinig iyon. Binigyang linaw ng matanda ang plano na gusto niyang gawin ng babae. Ang kailangan lamang gawin, matapos ang apat na buwan, kailangang lumayo ni Trixie kay Alvin habang nagpapanggap na buntis siya at manganganak sa ibang lugar. Ang matandang babae na raw ang bahala sa paghahanap ng bata na magiging anak nila.

Napaisip nang malalim si Trixie matapos marinig ang paliwanag ng matanda. Hindi man iyon ang kaniyang ninanais subalit wala na siyang ibang pagpipilian pa kundi ang gawin kung ano sinasabi nito. Kaysa naman iwan siya ng mister, mas pipiliin na niyang magsinungaling. Isa pa, ituturing naman talaga niyang anak ang bata. Sadyang ayaw lang niyang isipin ni Alvin na b@og siya at walang silbi.

Tatlong buwan ang nakalipas, sinunod ni Trixie ang bilin ng matanda na huwag ipapaalam kay Alvin na dinadatnan siya buwan buwan. Kahit na mahirap, nagawa niya itong gawin. Isa pa ay ang kumain nang marami upang tumaba siya at magmukhang buntis talaga. Ganoon din ay ang pagkahilig sa iisang pagkain lamang bilang hudyat ng kaniyang paglilihi. At ang huli ay ang magkunwaring naduduwal tuwing umaga.

Isang umaga, kumuha ng pregnancy test si Trixie na positibo na ang nakalagay. Sabik siyang ipakita ito sa kaniyang mister. Pagkauwi ni Alvin agad niya itong ipinakita. Tama nga siya, walang mapaglagyan ang kaligayahan na nasa mukha ng kaniyang mister! Habang nakikita ang masayang mukha na iyon ng asawa, masaya rin ang puso ni Trixie kahit na isa pa itong kasinungalingan.

Bawat araw na nagdaraan, ingat na ingat si Alvin sa pag-aalaga sa kaniyang misis. Ngunit kailanman, hindi sinama ni Trixie ang asawa sa doktor dahil baka mabuking siyang kasinungalingan ang kaniyang pagbubuntis. Isa pang bagay ang dapat niyang gawin.

Isang umaga, dinatnan ng dalaw si Trixie at ipinakita niyang dinudugo siya. Sakto naman at wala si Alvin ng mga oras na iyon. Nagkunwari si Trixie na isinugod siya sa ospital ng kaniyang kaibigan. Pagkauwing pagkauwi ni Alvin, kumaripas ito ng takbo upang kumustahin ang lagay pareho ng kaniyang misis at ng anak na nasa sinapupunan nito. Dito na inihayag ni Trixie na maselan daw ang kaniyang pagbubuntis kung kaya kailangan ay sa America siya manganak, sa kaibigan nitong doktor na eksperto. Kahit na ayaw sana ni Alvin dahil wala siya doon, wala siyang magawa dahil alam niyang para naman iyon sa kapakanan ng kaniyang mag-ina.

Umayon sa plano ang lahat habang lumilipas ang ilang buwan. Patuloy lang sa pagkukunwari si Trixie hanggang sa araw na sinabi niyang siya ay manganganak na. Ayos na sana ang lahat ngunit isa pa lang sorpresa ang gugulat kay Trixie.

Sa araw na manganganak siya, lumipad papuntang America si Alvin upang saksihan ang kaniyang panganganak. Subalit imbes na makita sa ospital, nasaksihan ni Alvin ang asawa na nakahiga at hindi malaki ang tiyan. Labis itong ikinagulat ni Trixie dahil hindi niya iyon inaasahan. Kasabay ng kaniyang pagkagulat ay ang labis na pagkadismaya ni Alvin sa kaniyang ginawa.

Advertisement

Umuwing luhaan si Trixie ngunit nauna nang umuwi si Alvin. Dahil bayad na ang matanda, natuloy ang pagbibigay ng bata sa kaniya. Habang hawak-hawak ang sanggol sa kaniyang dibdib, naluha siya at pinagsisihan ang lahat ng kasinungalingang ginawa sa kaniyang asawa. Hindi na nadatnan ni Trixie si Alvin nang siya’y bumalik sa kanilang bahay.

Pagkaraan ng anim na buwan, natuto nang sobra si Trixie sa ginawa niyang kasalanan. Labis niyang pinagsisihan ang ginawang panlilinlang kay Alvin. Kung sana’y naging tapat lang siya simula pa noong una ay hindi sana siya iniwan ng pinakamamahal niyang mister. Gabi-gabi ay mataimtim siyang nananalangin sa Maykapal na sana ay mabigyan pa siya ng ikalawang pagkakataon upang maituwid ang kaniyang pagkakamali.

Isang umaga, nagising si Trixie sa iyak ng sanggol na inampon niya. Itinuring na niya itong tunay na anak at talaga namang napamahal na siya rito. Ito na lang din kasi ang tangi niyang kinukuhanan ng lakas upang patuloy na lumaban sa buhay sa kabila ng pagkawasak ng kaniyang puso sa pang-iiwan ng mister. Bumangon siya upang ipagtimpla ng gatas ang bata. Paglabas niya ng kwarto, hindi niya inaasahan ang kaniyang nakita.

Ang mister niya, si Alvin, nakaupo sa kanilang sala. Nakangiti ito at nangingilid ang luha na lumapit sa kaniya.

“Mahal ko, nasaktan ako dahil hindi ko inakalang kaya mong magsinungaling nang ganoon sa akin. Pero kahit anong pilit ang gawin ko, hindi kita magawang limutin. Mahal na mahal kita, at kahit pa hindi mo ako mabigyan ng supling, walang kaso sa akin iyon. At isa pa, nariyan na si baby, at handa akong magpaka-ama sa kaniya… Iyon ay kung tatanggapin mo akong muli,” madamdaming pahayag ni Alvin kay Trixie.

Matamis na ngiti at napakahigpit na yakap naman ang isinagot ni Trixie sa mister, hudyat ng kanilang pag-aayos.

“Maraming salamat po at dininig Niyo ang panalangin ko. Makakaasa po Kayong hinding-hindi ko na ito sasayangin pa,” mahinang panalangin ni Trixie habang pinapanood na masayang nakikipaglaro ang mister sa kanilang anak.

Nang dahil sa mga nangyari ay ipinangako ng mag-asawa na magkakaroon sila ng maayos na komunikasyon upang maagapan ang paglala ng kahit anupamang sitwasyon o problema na kanilang kakaharapin. Bukod sa aral na kanilang natutunan, ang pinakamagandang biyaya pa rin na kanilang natanggap mula sa mga nangyari ay ang sanggol na pangako nila’y palalakihin nila na puno ng pagmamahal at kalinga.