Sinasamba ng mga Taga-Baryo ang Malaking Punong Ito na Nakakagawa Raw ng Himala; Isang Sakuna ang Titibag sa Kanilang Paniniwala

Muling nagkakagulo sa Sitio Elena dahil pinag-aawayan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na putulin na ang malaking puno. Sinisira na kasi nito ang kalye dahil sa lumalaking ugat na tumitibag sa semento. Kinatatakutan din na baka gumuho ang tulay na nasa malapit lamang kung ipagpapatuloy pang buhayin ang puno. Subalit kahit na anong pilit ng gobyerno, wala silang magawa sa mga residente na gagawin ang lahat para protektahan ang punong nagdala raw ng maraming himala sa kanila.

Dito kasi nila dinadala ang mga may sakit, mga problema sa buhay, at dito rin sila nagmimisa dahil para sa kanila, narito daw ang espiritu na siyang dumidinig ng kanilang mga hinaing at panalangin. Hindi man isang daang porsyento na nasasagot ang kanilang mga panalangin ngunit simula pa noong araw ay ito na ang kinagisnan ng mga taga-baryo. Kung kaya naman handa silang ibigay ang lahat, maski ang kanilang buhay, para lamang protektahan ang nasabing puno. 

Isang araw habang tirik ang araw sa baryo, nakita ng lahat ang makina na siyang magpuputol ng punong kahoy na kanilang sinasamba. Mabilis na nagtipon-tipon ang mga residente. Ang iba ay may hawak na tubig, may mga kaning-baboy at ang iba pa ay may mga patalim na hawak upang itapon sa mga taong ipinadala ng gobyerno na siyang magpuputol ng puno. Dahil dito, walang nagawa ang lilimang tao kundi ang bumalik sa siyudad. Baka rin kasi sila pa ang mapahamak. Kahit na ilang tao ang ipadala ay wala silang magawa sa galit na mga residente. 

Katuwiran ng mga ito, walang ginagawang masama ang puno. Mas may silbi pa nga raw ito sa kanila kaysa sa gobyernong hindi nila maramdaman sa panahong kailangan nila. Kaya naman ganoon na lamang ang kanilang galit sa tuwing may ipapadalang mga tao na magpuputol ng puno. Sa bawat oras ng buong araw, hindi maaaring walang magbabantay kung saan nakatayo ang puno. Kahit na hatinggabi, nagsasalitan ang mga residente na bantayang maigi upang walang makalusot. Lingid sa kaalaman ng lahat ang trahedya na nagbabadya. 

Tirik man ang araw ng tanghali ay bigla na lamang nagdilim ang kalangitan. Lahat ay nangamba dahil haka-haka nila’y nagalit daw ang puno dala ng pamahalaan na nais itong putulin. Kahit na madilim ang langit at kumikidlat nang napakalakas, nagtipon-tipon muli ang mga residente ng baryo kasama ang kanilang mga anak. Kailangan daw nilang manalangin at humingi ng tawad sa puno.

Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ng kanilang pananalangin ay biglang nawala ang dilim sa kalangitan. Natuwa at nagpasalamat nang marami ang mga residente dahil muli na naman daw silang dininig ng puno. Ayos na sana ang lahat at pauwi na ang karamihan nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan at kasabay nito ang malakas na hangin.

Walang nagawa ang mga residente lalo na mga bata kundi ang umuwi at pumasok sa kanilang mga bahay. May mga naiwang matatanda na patuloy na nananalangin sa puno. Habang nasa bahay naman ang mga residente, tinatanaw nila sa kanilang mga bintana ang mga kaganapan na nangyayari sa puno at mga taong naiwan.

Isang nakakagulantang na pangyayari ang nakita ng marami nang ang mga taong nananalangin ay tangayin ng napakalakas na hangin at nasawi sa pagkabagsak ng mga ito! Napuno ng takot ang lahat nang masaksihan iyon. Sa pagkakataong ito, nasaksihan nila mismo ang pagbagsak ng punong kanilang sinasamba. Tinamaan ito nang malakas na kidlat at kasabay nito ay ang pag-ihip ng hangin na siyang tumangay dito pabagsak. 

Advertisement

Ilang minuto pa ang lumipas, maraming mga bahay ang tinangay ng malakas na hangin. Ang iba ay nakisilong sa mga bahay na bato at nagtipon-tipon. Nasaksihan din nila kung paano bumagsak ang tulay na siyang tanging daan palabas ng kanilang baryo. Kahit na tumila ang ulan at kumalma ang hangin, hindi sila makakalabas sa baryo upang lumikas.

Nag-umpisa ng magsisihan ang mga residente. Kung sana ay hinayaan na nilang putulin ang puno ay makakalabas pa sana sila. Kani-kaniyang turuan na ang nangyari hanggang sa isang kulog at kidlat ang muli nilang narinig sa labas. Pakiramdam ng lahat ay niyanig sila at pinaparusahan. Wala silang ibang matakbuhan kundi ang manalangin sa totoong Diyos na hindi puno o anuman.

Taimtim na nanalangin ang lahat sa unang pagkakataon. Kasabay ng pagragasa ng baha dahil sa malakas na buhos ng ulan ay ang luha na bumabagsak mula sa kanilang mata. Dala na ito ng takot at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at maling desisyon. Limang minuto lamang matapos ang kanilang panalangin, biglang tumila ang ulan at nawala ang malakas na ihip ng hangin.

Nang tingnan nila sa labas, unti-unting kinakain ng liwanag ang madilim na kalangitan. Lahat ay nagbunyi nang masaksihan ito. Hindi na importante ang puno para sa kanila. Natutunan nila na ang puno ay isa lamang sa mga mahihiwagang likha ng totoong Maykapal, na siyang dapat ay inaaalayan natin ng panalangin at pagsamba. 

Ilang oras lamang, dumating na ang pamahalaan upang saklolohan ang mga residente ng baryo. Dito nila napag-alaman na sa kanilang baryo lamang nagkaroon ng sakuna at hindi sa ibang baryo na malapit. Sa pagkakataong buhay na nila ang nakataya, dito nila natutunan ang isang mahalagang leksiyon at nagpakilala sa kanila na hindi puno ang dapat sinasamba kundi ang Diyos na siyang nakagagawa ng totoong himala.