Noong Una ay Ikinatutuwa ng Bisor ang Husay sa Pagtatrabaho ng Kaniyang Empleyado; Nagbago ang Ihip ng Hangin Noong Tila Nauungusan na Siya Nito

Napapatango habang nakangiti ang istriktang supervisor ng IT Department sa kompanyang iyon na si Madam Mikaela, nang makitang mahusay ang bagong tanggap nilang empleyadong si Jona, gayong isa lamang itong fresh graduate. Dahil sa kaniyang team napunta ang nasabing dalaga ay umaani rin siya ng papuri mula sa mga nakatataas lalo na at talaga namang maaasahan ito.

Masipag si Jona. Mapagkakatiwalaan din ito at talagang matalino. Bukod doon ay marunong itong makisama kaya naman kahit ang kanilang mga bossing at iba pang empleyado ay talagang hanga rito. Idagdag pa ang maganda nitong mukha at malamodelong katawan na bagama’t madalas purihin ng nakararami, kailan man ay hindi nito ipinagyayabang.

Isang araw, pagpasok ng bisor na si Madam Mikaela sa kanilang kompanya ay naabutan niya ang ilang mga empleyado nila na nagkakape sa lobby ng building nila. Maaga pa naman at hindi pa oras ng trabaho ngunit akmang lalapitan sana ni Madam Mikaela ang mga ito upang sitahin at papanhikin na sa kanilang pwesto. Ngunit bago pa man niya tuluyang magawa iyon ay agad siyang nahinto sa pagsasalita nang marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

“Grabe ’yang si Madam Mikaela, ano? Wala sa lugar ’yong pagiging istrikta!” biglang sabi ng isa na may kasama pang pag-ikot ng mga mata.

“Hay naku, sinabi mo pa! Nakakainis na kaya siya. Samantalang mas magaling nga sa kaniya si Jona, e. Lagi lang naman siyang napupuri ng mga nasa taas dahil nasa team niya ’yong bagong pasok na ’yon. Sa bagay ay magaling naman talaga ’yon. Dapat nga, si Jona na lang ang pumalit diyan kay madam!”

Napamulagat si Madam Mikaela sa kaniyang narinig. Hindi niya akalaing ikukumpara siya ng kaniyang mga empleyado sa isang bagong pasok na fresh graduate!

“Speaking of, alam mo ba, mars? Balita ko, balak daw agad i-promote ng general manager ’yang si Jona nang mabalitaan kung gaano kagaling nga siya. Kapag daw nagpatuloy ito sa pagpapakita ng magandang performance, hindi malayong ilang buwan lang mula ngayon ay mas mataas na kaagad siya sa atin,” dagdag na saad pa ng isa.

Biglang nag-init ang ulo ni Madam Mikaela sa kaniyang narinig. Agad siyang nagpakita sa dalawang empleyadong nagtsi-tsismisan at sinita niya ang mga ito. Mabilis naman silang nagpulasan.

Advertisement

Simula nang araw na iyon ay tila ba nag-iba na ang tingin at pakikitungo ni Madam Mikaela sa pinakamahusay niyang empleyadong si Jona. Palagi na lang mainit ang ulo niya kung ito ay kaniyang kakausapin. Tinatambakan niya ng trabaho ang dalaga at pinahihirapan pa! Ngunit kailan man ay wala siyang narinig ni isa mang reklamo mula rito.

Bagkus ay lalo pa tuloy nakita ng kanilang mga boss ang kasipagan at dedikasyon ni Jona sa kaniyang trabaho!

Dahil doon ay lalong nagngitngit ang insekyorang si Mikaela. Hindi niya alam kung papaano niya lalamangan si Jona bago pa man ito ma-promote.

Nag-isip si Mikaela ng magandang plano. Isasabotahe niya ang magandang performance ni Jona upang pumangit ang imahe nito sa kanilang mga boss. Nang sa ganoon, hindi kailan man matuloy ang nakabadya nang promotion para dito, o kung papalarin siya’y baka matanggal pa ito sa trabaho’t tuluyan nang mawala sa kaniyang landas.

Sinimulan ni Mikaela sa pagkakalat ng maling tsismis sa kompanya ang paninira kay Jona. Pagkatapos ay sinundan niya ito ng pananabotahe sa mga nakaatang na trabaho kay Jona. Pinakialman niya ang mga files na hinahawakan nito at kaniya iyong pinagbubura!

Naging malaking usap-usapan sa opisina ang misteryosong pagkawala ng mga files na iyon ni Jona kaya naman nagkaroon ng masusing imbestigasyon tungkol sa nangyari. Lingid iyon sa kaalaman ni Mikaela dahil tanging ang mga nasa taas lamang ang nakakaalam ng bagay na iyon.

Hindi nagtagal ay agad nilang napatunayan na si Mikaela nga ang siyang naninira kay Jona! Napakalaking kahihiyan ang kaniyang inabot nang agad na kumalat sa buong kompanya ang kaniyang ginawa.

“Hindi namin inakala na sa lahat ay ikaw pa ang gagawa ng ganitong bagay, Miss Mikaela Concepcion! At dahil diyan, tinatanggal na kita sa trabaho!” galit na anang kanilang general manager nang kausapin siya nito matapos maging malinaw ang imbestigasyon!

Advertisement

Sising-sisi si Mikaela. Halos wala siyang mukhang maiharap sa kanila, lalo na kay Jona na kailan man ay wala namang ginawang masama sa kaniya. Nagpakain siya sa kaniyang inggit at insekyoridad kaya naman sa huli ay ikinapahamak niya ito. Isang napakalaking leksyon ang natutunan niya at kaniyang dadalhin sa mahabang panahon.