Rebelde at Wala na raw Pag-asa ang Binatang Ito; Isang Kaganapan ang Magpapabago ng Kaniyang Buhay

Palubog na ang araw nang gumising si Andres. Nagselpon ng mahigit dalawang oras at nakasalpak ang kaniyang headphones sa tainga upang hindi marinig ang tawag ng inang si Aling Cely na nagbubunganga na naman. Ilang sandali pa ay tumayo siya upang silipin kung may tao pa sa kusina. Nang makitang wala nang tao, tumayo siya at mabilis na kumain upang hindi sila magpang-abot ng ina na alam niyang walang gagawin kundi yawyawan siya.

Pagkatapos kumain, agad siyang naligo, nagpabango, nagbihis para tumambay ulit kung saan man siya ayain ng kaniyang mga tropa. Sa tuwing wala siyang kasama at abala ang mga kaibigan niya, humahanap siya ng sinuman para lang mayroon siyang makasama sa bawat gabi. Parating nag-iinom, naninigarilyo at kung minsan pa nga ay laman ng mga away sa kanilang barangay pati na sa ibang lugar.

Kaya naiinis sa kaniya ang kaniyang buong pamilya at halos itakwil na siya. Nagiging kilala na rin ang ina niya sa mga barangay hall sa iba’t ibang lugar pati na mga presinto. Ilang beses na siyang tinutubos ng kaniyang ina sa tuwing nasasangkot siya sa away pati na mga ilegal na gawain tulad ng pagsusugal. Subalit sa tuwing mangyayari ito, nagpapalamig lamang siya ng isang linggo at hindi lalabas. Pagkaraan lamang ng isang linggong, aarangkada na naman si Andres sa pagiging basagulero.

Suko na ang kaniyang ina at buong pamilya sa kaniya. Ilang taon na rin kasi niya itong ginagawa. Anuman ang mangyari sa kaniya, pakiramdam ni Aling Cely ay handa na siyang mawala ang anak. Sabi nga ng iba, wala nang pag-asang magbago pa ang binatang ito. Salot na raw siya hanggang matapos ang kaniyang buhay. 

Habang ang kaniyang ama naman ay naghahanap buhay sa Saudi, si Andres ay lumalaboy gamit ang perang ipinapadala sa kaniya. Hindi na rin kasi siya binibigyan ng pera ng kaniyang ina. Ngunit dahil siya ay paboritong anak ng kaniyang ama, pasikreto ito kung magpadala sa kaniya.

Isang gabi, habang naglalakad at naninigarilyo si Andres, nakita niya ang mobil ng mga pulis at agad siyang tumakbo palayo. Nakita siya ng mga iyon at hinabol siya. Tumakbo nang mas mabilis pa si Andres habang natatawa pa siya sa kaniyang sitwasyon. Wari ba ginagawa na lamang niyang isang laro ang lahat. Nang makasigurong nakatakas siya mula sa mga pulis, humalakhak nang malakas si Andres at nagsimula nang kontakin ang kaniyang mga katropa. Nakita niyang may inuman ang dating kaibigan na nagpost sa social media at naisipan niyang doon na lamang magpunta.

Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at agad na nagpunta sa inuman na kaniyang nakita. Buong gabi ay uminom siya hanggang sa mawala na siya sa katinuan. Panay ang paninigarilyo at pagsasayaw kasama ang mga bagong kaibigang ngayon lamang niya nakilala. Puno na naman ng kaligayahan at isang masayang kaganapan ang nangyari sa kaniya. Ayos lamang kung hindi siya umuwi, wala siyang pakialam sa sasabihin ng ina.

Kinabukasan, nagising si Andres na ramdam ang pagkalunod. Naalimpungatan siya matapos siyang tapunan ng tubig sa mukha. Pilit niyang ibinubuka ang mga mata subalit wala siyang makita dahil sa piring na nakabalot sa kaniyang mata. Matapang niyang pinagsisigawan ang mga tao sa paligid niya matapos niyang marinig ang nagtatawanang mga lalaki.

Advertisement

¨Sino kayo?! Kilala niyo ba ako?! Hindi niyo ata ako kilala eh! Lagot kayong lahat sa akin!¨ galit na galit niyang sigaw subalit tawanan lamang ang tugon ng mga lalaki sa kaniya.

Nakatali ang kaniyang paa pati na kamay. Nang marindi sa kaniya ang mga lalaki ay nilagyan siya ng busal ng mga ito. Patuloy sa pagsisigaw si Andres hanggang siya ay tuluyang mapagod. Iba ito sa kaniyang naranasan. Kung dati ay natatakbuhan at nakakagalaw siya ngayon ay wala siyang magawa kundi ang matakot at mapaiyak na lamang.

Ilang sandali lamang naramdaman ni Andres ang palo sa kaniyang hita, binti, likod at sampal sa mukha. Isa-isa siyang binugbog at walang pakundangang sinugatan gamit ang matatalim na bagay. Dama niya ang paso sa balat at hapdi ng mga hampas sa kaniya. Dito niya unang nasabi sa sariling bawian na lang siya ng buhay kaysa maramdaman ang ganitong klase ng sakit at paghihirap.

Nang maramdaman niyang malapit na siyang humantong sa dulo, nakakita siya ng liwanag na akala niya´y tuluyan na siyang mamamaalam. Naisip niya sa huling sandali ang kaniyang ina na wala mang ginawa kundi yawyawan siya ngunit hindi siya natitiis sa tuwing kailangan siya nito sa mga presinto. Humagulgol ng iyak si Andres sa kalagitnaan ng sakit. Nagsisisi siyang hindi man lang niya napasalamatan ang ina at hindi siya naging mabuting anak. Hanggang sa isang boses ang kaniyang narinig.

¨Andres! Andres! Gumising ka!” boses ng kaniyang ina habang tinatapik ang kaniyang pisngi, at nagising siya sa kaniyang panaginip. Nang imulat niya ang kaniyang matang lumuluha, agad niyang niyakap nang mahigpit ang ina at walang patid sa pagsabi ng patawad.

Ang panaginip na kaniyang naranasan ay hindi malabong mangyari dahil sa napakarami niyang kaaway sa iba’t ibang lugar. Simula noon, naging mabuting anak na si Andres na halos ayaw mawalay sa kaniyang ina. Ang karanasan kahit na sa panaginip na babawian na siya ng buhay ay paraan lamang ng Diyos upang turuan siya ng leksiyon na magbagong-buhay na dahil hangga´t may buhay at humihinga, may pag-asa pang magbago ang kahit na sino.