Sa Kabila ng Pagiging Mabuti ng Mag-asawa sa Babaeng Estranghero ay Nagawa pa Silang Pagnakawan Nito; Isang Isyu Pala ang Mabubunyag

Naghahapunan ang mag-asawang Karla at Lito nang mayroong kumatok sa kanilang pinto. Noong una ay hindi pa nila ito marinig ngunit nang tumagal ay napansin din nila ang malakas na kalabog nito sa may pintuan. Naiwan ang kanilang pagkain sa hapag nang bumungad ang isang dalaga na basang-basa dahil sa ulan.

Agad silang rumesponde at unang binigyan ng tuwalya ang dalaga na nanginginig dahil sa lamig. Pagkatapos ay pinagamit nila ito ng banyo at pinahiram ni Karla ng mga damit niya upang may pamalit ito. Ininit nila ang kanilang ulam na sinigang para mainitan ang babaeng sa mga oras na iyon ay naliligo.

Nang matapos na at nakabihis na ang babae habang sila ay kumakain na tatlo, sinimulan ni Karla ang pagtatanong sa dalaga. Ngunit wala itong tugon kundi bigla na lamang itong umiyak sa kanilang harapan. Itinigil ni Karla ang pagtatanong dahil naisip niyang marahil ay masamang nangyari ang naganap sa babaeng ito. Mukha naman kasing inosente at matino ang babae. Maamo ang mukha nito ngunit ang kaniyang pinagtataka ay wala ito ni-isang gamit o bag na dala-dala. Dito niya naisip na baka nanakawan o may mas masama pang nangyari sa babae. Nang tumahan na ang dalaga, sinagot nito ang tanong ni Karla kung ano ang nangyari dito.

¨Salamat po kasi pinagbuksan ninyo ako ng pinto… Ako po si Kristel… Tagaprobinsya po ako at naghahanap ng trabaho nang bigla na lang… may dumakip saking mga lalaki at p-pinagsamantalahan…¨ pautal-utal na sabi ni Kristine habang umiiyak, hindi na nito maituloy ang sasabihin.

Sa sobrang iyak ng dalaga, nagpasiya si Karla na huwag na lang munang magtanong pa. Bilang isang babae, alam niyang masakit iyon at hindi katanggap-tanggap sa pagkatao. Ngayong walang-wala si Kristine, inalok niya itong doon muna tumigil hangga´t siya ay makahanap ng trabaho at makaipon upang makapagsimulang muli.

Walang mapaglagyan ng tuwa at pasasalamat ang dalaga sa mag-asawa. Nangako siyang babayaran niya ang malaking tulong ng mga ito sa kaniya. Hindi man agad-agad ngunit paunti-unti ay makakayanan din niyang suklian ang kabutihang loob na ipinakita ng mga ito.

Ilang linggo pa ang lumipas, malimit banggitin ni Lito na paalisin na ni Karla ang babae dahil baka raw may balak itong masama. Ngunit dahil naiintindihan ni Karla ang sitwasyon ni Kristine, palagi niyang ipinagtatanggol ito sa kaniyang asawa. Aniya, sandaling panahon lang naman hanggang makayanan na ng dalaga na tumayo sa sariling mga paa.

Isang buwan pa ang nakalipas, agad na nakahanap ng trabaho si Kristine. Kaagapay ni Karla ang dalaga sa mga gawaing bahay. Paglilinis, paglalaba, pati pagluluto ay ang dalaga na ang gumagawa. Sa tuwing may pagkakataon din na nakakadaan si Karla sa mall, binibilhan niya ng mga gamit ang dalaga. Nagkasundo ang dalawa na parang magkapatid. Laking tuwa na din ni Karla na dumating sa buhay nila ang babae dahil hindi niya naranasan ang magkaroon ng kapatid.

Advertisement

Pagkaraan ng ilang buwan, nagpaalam si Kristine sa mag-asawa na lilipat na siya ng bahay. Dahil sapat na rin ang kaniyang ipon, sa tingin niya ay kaya na niyang magsolo. Inalok pa siya ni Karla ng isang buwan pa upang maki-angkop sa buhay siyudad ngunit nagpasalamat na lamang si Kristine at hindi na iyon tinanggap pa.

Kinaumagahan, hinanap ni Karla ang almusal ngunit walang almusal siyang nadatnan sa lamesa. Kasunod niyang pinuntahan ang silid ni Kristine subalit nagulat siyang wala ito roon pati na mga gamit nito. Pilit niyang tinatawagan ang babae ngunit hindi ito makontak. Nanlumo si Karla dahil hindi man lang niya ito nakausap bago ito tuluyang umalis. Kahit na address nito ay hindi niya nakuha para man lang mabisita niya paminsan-minsan.

Nag-ayos na si Karla ng umaga na iyon at nang isusuot na niya ang alahas ay wala siyang makita ni-isa. Lahat ng kaniyang mga alahas ay wala na kung saan ito noon nakalagay. Tinanong niya si Lito at hinalughog ang buong bahay ngunit wala siyang nakita kahit na isa. Pinaghalong lungkot at galit ang naramdaman ni Karla nang maisip na kasabay na naglaho si Kristine pati na kaniyang mga alahas. Naalala niya ang mga bagay na sabay nilang ginawa at ang lahat ng kabutihan niya subalit nagawa pa nitong pagnakawan siya.

Ilang araw ang lumipas, nais malaman ni Karla bakit ito nagawa sa kaniya. Ginawa ni Karla ang lahat ng kaniyang makakaya hanggang sa natagpuan niya ang bahay na nilipatan ni Kristine. Hindi niya intensiyon na awayin ang dalaga, ang tanging nais niya ay maliwanagan at mawala ang sakit na dulot ng pagtataksil nito sa kanila.

Nang marating ang bahay ng dalaga, isang nakagugulantang na eksena ang kaniyang nasaksihan. Kitang-kita ng dalawa niyang mga mata na magkayakap sa sofa si Kristine at Lito na kaniyang asawa! Hindi na kailangan pa ni Karla ng eksplanasyon mula sa dalawa at agad siyang lumabas ng silid matapos siyang makita ng dalawa. Agad na kumawala mula sa pagkakalingkis ang dalawa nang makita siya.

Napag-alaman ni Karla na matagal nang kalaguyo ni Lito ang babae. Ang mga kwento ni Kristine ay walang katotohanan. Simula pa lamang sa umpisa ay kasinungalingan na ang lahat. Walang mapaglagyan ng sakit na nadarama si Karla sa mga nangyari. Binigay niya ang buong tiwala hindi lamang sa asawa kundi pati na kay Kristine na itinuring niyang kapatid.

Napagdesisyunan ni Karla na umuwi sa kaniyang mga magulang upang magsimulang muli. Hindi na niya binalikan pa si Lito na hindi man lang humingi ng tawad sa kaniyang pagtataksil. Ipinangako ni Karla sa sarili na hindi kaagad magtitiwala sa kung sino-sino.