Sinunod ng Dalaga ang mga Paraan Upang Makalimot sa Lalaking Nang-iwan sa Kaniya; Mahalagang Leksiyon ang Kaniyang Matutuklasan

Ilang sunod na hiwalayan na rin ang naranasan ni Marie bilang isang tipikal na dalaga sa edad na dalawampu’t dalawa. Sa pitong naka-relasyon kasi niya ay walang nanatili sa kaniyang buhay. Lahat ay iniwan siya sa paraang masakit para sa kaniya. Kung hindi panloloko ay iniwan siya nang wala namang dahilan. At para sa kaniya kahit na paulit-ulit na lamang ay masakit pa rin sa bawat pagkakataon.

At ngayon nga ay muli na namang luhaan ang puso ng dalaga. Isang linggo pa lamang kasi mula nang iwan siya ng kaniyang nobyo na pinagtiisan niya ng dalawang taon. Kahit na ilang beses siyang niloko nito at pinagpalit, patuloy niya itong tinatanggap sa bawat pagkakataong babalik ito sa kaniya. Laking pagsisisi niya na ibinuhos na naman niya ang lahat sa isang taong hindi naman siya ang nakikita na papakasalan.

Hindi niya alam kung saan magsisimulang muli. Pakiramdam na naman niya ay gusto na lamang niyang maglaho na parang bula. Kahit na mga malalapit niyang kaibigan ay ayaw niyang samahan. Hanggang sa may makita siyang bidyo na nagtetrending ngayon sa social media. Naglalaman ang bidyo ng limang hakbang upang makalimot sa taong nang-iwan sa iyo.

Unang hakbang na sinabi sa bidyo ay ang pagbura ng lahat ng kanilang mga litrato sa selpon. Pagtanggal raw ito ng lahat ng maaaring makapagpaalala sa kaniya. Kung kaya naman madali niyang tinanggal ang lahat mula sa kanilang mga lumang mensahe, ilang gamit sa kaniyang bahay at maging mga kurtina niya ay pinalitan niya. Pakiramdam niya ay nagbago ang kaniyang paligid.

Pangalawa niyang ginawa ay ang magpaganda ng sarili. Dapat raw ay mapakita niyang hindi na siya ang dating Marie na iniwan at sinaktan ng kaniyang dating nobyo. Kailangan raw na maipakita niyang masaya siya at mas lalo pang gumaganda! Nagpagupit siya ng buhok at nanood ng mga bidyo kung paano ang tamang paggamit ng mga postura. Sa pangalawang hakbang na kaniyang ginawa, pakiramdam niya ay nakakamit na niya ang paglimot sa lahat ng sakit.

Sa pangatlong hakbang ay dapat lamang raw na pumunta siya sa isa o maraming lugar kung saan makakahinga siya nang maluwag. Dagat man o bundok ay makakatulong sa paghilom ng mga sugat sa kaniyang puso. Ilang araw lamang ay agad niyang ginawa iyon. Nasabi niya sa puntong ito matapos siyang umakyat ng bundok, ang ganda ng likha ng Diyos. Unti-unti niyang nabibigyan ng halaga ang sarili at nakikita ang kaniyang halaga.

Sa pang-apat na hakbang ay sinabihan lamang siyang maging abala sa kaniyang trabaho. Huwag raw tatamad-tamad lalo na kung siya rin ang tumutustos sa kaniyang pang araw-araw na pangangailangan. Walang puwang ang pagiging tamad sa taong kailangang mabuhay sa bawat araw. Walang pakundangan si Marie at kinuha ang napakaraming proyekto sa kanilang opisina. Kahit na hating gabi na ay wala siyang tigil sa pagtatrabaho. Hindi na niya nabibigyan ng oras ang pagala-ala sa kaniyang masakit na nakaraan.

Ang huling hakbang ay ang paanyaya sa kaniyang makipagkita na sa ibang lalaki. Kahit na pakiramdam ni Marie ay hindi pa siya gaanong hilom, sinunod niya ang payo ng kaniyang napanood. Sa una niyang mga paglabas sa iba´t ibang lalaki, masaya siyang nakakausap ang mga iyon. Subalit may puwang sa kaniyang puso na hindi niya maintindihan at wala ni isa siyang nakatuluyan.

Advertisement

Sa panghuling hakbang pa na ito siya nahihirapang sundin. Hindi kasi ganoon kadali para kay Marie ang mahulog sa isang lalaki. Kahit na mayaman o gwapo pa ito kung hindi niya tipo, hindi rin niya ito magugustuhan. Ngunit isang lalaki ang pumukaw ng kaniyang atensiyon.

Hindi iyon kagwapuhan at mas lalong hindi ito mayaman. Probinsyano at hindi rin tuwid ang kaniyang pagsasalita ng tagalog. Natuwa siya sa lalaking ito at patuloy niyang kinausap hanggang sa dumating sa puntong nahuhulog na pala siya rito. ‘Di rin naman nagtagal ay naging ganap na silang magkasintahan. 

Sa muling pagkakataon, naniwala na naman si Marie na magkakaroon na siya ng panghabang buhay na makakasama. Subalit isa rin pa lang pagsubok para sa kaniya. Pagkaraan ng pitong buwan nila bilang magkasintahan, unti-unti itong lumalamig sa kaniya. Ramdam na ramdam ni Marie ang kalamigan nito sa kaniya. Pakiramdam niya ay mauulit na naman ang kaniyang sinapit.

Hindi nagkamali ng inakala si Marie. Ang lalaking akala niya ay makakasama na niya habang buhay ay niloko at pinagpalit siya. Muling nawasak ang puso ni Marie na pilit niyang binuo. Sa pangalawang pagkakataon at parehong sitwasyon, nakita niya ang bidyo na nagbibigay ng payo sa paghilom ng sakit sa puso. Itinapon niya ang kaniyang selpon at ipinikit ang mga mata.

Siguro nga’y walang espisipikong hakbang upang maghilom at makalimot. Lahat ng sakit ay maghihilom lamang sa oras na tayo ay nagpatawad. Hindi masasagot ng panibagong karelasyon o magandang itsura at pangangatawan ang paghilom. Palagi itong nasa puso na handang magpatawad kahit na anong bugb*g pa ang nangyari dito.