Interesado ang Tatlong Lalaki sa Dayuhang Bigla na Lang Sumulpot sa Kanilang Lugar; May Itinatago Pala Itong Malaking Lihim

Usap-usapan ng tatlong lalaki sa Barrio Mahinog ang isang dayuhan sa kanilang lugar.

“Sino ba ang taong ‘yan? Ngayon ko lang nakita rito ‘yan, ah!” sabi ni Lucas.

“Oo nga, pare, eh! Balita ko ampon ‘yan nina Tata Furoy at pangalan niya ay Zandro,” sagot ni Roco.

“Ang laki ng katawan, maskuladung-maskulado. At ang lakas niya, pare… parang hindi tao ‘yan, ah! Saan daw ba nakuha ‘yan nina Tata Furoy?” manghang tanong ni Siso nang makita na bukod sa dalawang sako ng bigas ang pasan ay may bitbit pa itong isang malaking bulugan.

“Hindi ko rin alam, Siso! Nakita na lang daw ‘yan ng anak ni Tata Furoy na si Monica na walang malay sa tabing-dagat, ni hindi nga raw marunong magsalita ‘yan nung una, tinuruan lang nina Tata Furoy tapos ay kinupkop na nila sa kanilang bahay,” tugon ni Roco.

“Paanong hindi marunong magsalita?” tanong ni Lucas.

“Hindi nakakapagsalita na para bang batang paslit na walang kaalam-alam, parang ganoon. Tapos isang linggo lang, marunong na agad magsalita ang lalaking ‘yan,” wika ni Roco.

“Ano kayang katauhan meron ang lalaking ‘yon? Gusto kong malaman ang tungkol sa kanya,” sabad ni Siso.

Advertisement

“Hindi na mahalaga kung ano o sino siya, ang mas mahalaga ay mapapakinabangan natin ang kumag na ‘yan,” nakangising sabi ni Roco.

Nagkatinginan sina Lucas at Siso at alam na alam ang iniisip ni Roco. Agad nilang pinagplanuhan ang balak kay Zandro.

Kinagabihan ay pinuntahan ng tatlong lalaki ang bahay ng mag-anak ni Tata Furoy at tinakot ang mga ito. Tinutukan ng baril ng magkakaibigan ang pamilya ni Tata Furoy.

“Walang sisigaw kundi tot*dasin namin kayong lahat!” pananakot ni Lucas.

“Anong ibig sabihin nito? Anong kasalanan namin sa inyo?!” gulat na tanong ni Tata Furoy.

“Wala kayong kasalanan sa amin, Tata Furoy. Kailangan lang namin si Zandro,” tugon ni Siso.

“Kung ayaw mong masaktan ang mag-ina mo, Tata Furoy, hayaan mong sumama sa amin itong ampon mo!” pagbabanta ni Roco sabay tutok ng baril sa sentido ni Zandro.

“Parang awa na ninyo! H-Huwag niyong kunin si Zandro!” pagmamakaawa ni Monica.

Advertisement

“Wala namang kasalanan sa inyo si Zandro, ah! Maawa kayo sa bata!” pakiusap ni Tata Furoy.

At nagtawanan ang tatlong ungas.

“Bata? Bata pa ba ‘yan, eh, ang laki-laking damulag niyan. Ang laki-laki ng katawan niyan eh!” natatawang sabi ni Roco.

“Tama na, umalis na kayo! Hayaan niyo na sa amin si Zandro, pakiusap!,” sabad naman ng asawa ni Tata Furoy na si Manang Seling.

“Huwag ninyo silang sasaktan. Sasama na ako sa inyo,” wika ni Zandro.

Walang nagawa ang mag-anak ni Tata Furoy nang isinama ng grupo ni Roco si Zandro. Malayo na ang sasakyan na kinalululanan ng lalaki ay umiiyak at sumisigaw pa rin si Monica.

“Ibalik niyo rito si Zandro! Huwag niyo siyang kunin sa amin, maawa kayo sa kanya!”

‘Di nagtagal ay huminto ang sasakyan sa tagong kakahuyan at dinala sa isang masukal na parte ng tatlong lalaki si Zandro. Pinagtanggal nila ito ng damit at siniyasat.

Advertisement

“Talaga palang napakalaki ng katawan ng lalaking ito ‘no! Nakaka-inggit!” wika ni Siso.

“Siso! Hawakan mo ang balat nito… ang tigas! Parang bakal! Hindi yata tao ito, eh!” sabi naman ni Lucas.

“Mapapakinabangan talaga natin ang isang ‘yan, mga pare. Hala, sampolan niyo na ‘yan!” hirit ni Roco.

Sinikmuraan ni Siso ang lalaki pero ‘di man lang nito ininda ang suntok niya.

“Aba, kataka-taka! Ang ibang tao’y namimilipit na sa sakit sa suntok kong iyon, pero hindi man lang siya nasaktan?!” gulat na sambit ng lalaki.

Inundayan naman ng saks@k ni Lucas si Zandro ngunit hindi man lang bumaon ang talim ng panaksak sa katawan nito.

“Diyos ko! May sa dem*nyo yata ang taong ito! Baka imbes na makatulong sa atin ‘yan, eh mapahamak pa tayo!” wika ni Siso.

Kaya isinama nina Roco ang lalaki ay para himukin itong umanib sa kanilang grupo. Sila ay grupo ng mga magnanakaw sa kanilang lugar. Gusto nilang gawing ka-grupo si Zandro nang makita nila ang malaki nitong pangangatawan at lakas na maaari nilang magamit sa masama nilang gawain ngunit sa kanilang nasaksihan ay mukhang mahihirapan silang kumbinsihin ito na sumali sa kanila dahil sa taglay nitong naiibang lakas.

Advertisement

“Para ‘yan lang, eh. Kailangan natin ang taong ‘yan para sa mga raket natin kaya kailangan niyong mapaamo ‘yan!” wika ni Roco sa mga kasama.

“Pero pare, ibang klase ang lalaking ito. Hindi natin siya basta-basta mapapasunod sa gusto natin,” tugon ni Siso.

“Yan lang pinoproblema niyo? Eh, kung dito ko kaya siya pamilipitin. Siguradong taob ‘yan!” tatawa-tawang sabi ni Roco na muling tinutukan ng baril sa noo ang lalaki.

Ngunit mabilis ang kamay ni Zandro na hinablot ang baril kay Roco at parang walang anuman na binali iyon sa harap ng tatlong buhong.

Laking gulat ng magkakaibigan sa ginawa ng lalaki pero muling kumilos si Roco at hinampas nang malakas sa ulo si Zandro ngunit…

“H-hindi man lang siya tinablan!” ‘di makapaniwalang sigaw ni Lucas.

Mayamaya ay si Zandro naman ang kumilos at pinagbubugb*g silang tatlo. Parang manipis na bagay silang iwinasiwas ng lalaki.

“H-hindi siya tao! Impakto ang lalaking ‘yan, impakto!” takot na takot na hiyaw ni Siso.

Advertisement

Gulpi-sarado ang tatlong magnanakaw. Halos mabalian ng buto sina Siso at Lucas. Tinangka namang tumakas ni Roco pero nahuli siya agad ni Zandro at walang awang isinubasob ang mukha sa lupa hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.

Matapos na patahimikin ang tatlong masamang nilalang ay wala pa ring imik na nag-isip nang malalim si Zandro. Mayamaya ay may hinipo siya sa kanyang tagiliran. At buhat doon ay lumantad ang isang buton. Pinisil niya iyon. Bigla’y humulas ang katawang tao ni Zandro at siya ay naging robot.

“Tama sina Tata Furoy… hindi lahat ng tao ay mabait at mapagkakatiwalaan. Ang iba ay mapag-imbot at masasama gaya ng mga taong ito. Malayung-malayo sa pinanggalingan kong planeta. Ibang-iba ang mga tao rito sa mundo. Sayang, gusto ko na sana rito. Madali ko pa namang natutunan ang kanilang lenggwahe at ang kanilang kultura, dapat ay umalis na ako rito at bumalik kung saan ako nagmula, p-pero parang ‘di ko maiiwan sina Tata Furoy at Manang Seling lalung-lalo na si Monica. Napamahal na sila sa akin,” sambit ni Zandro.

Si Zandro ay isang robot na alien na nagmula sa malayong planeta. Naglakbay siya patungo sa mundo para tuklasin kung anong mga uri ng nilalalang ang mga tao. Para ikubli ang tunay niyang anyo ay ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para pagmukhaing tao ang sarili. Nakita siya ni Monica sa tabing-dagat na walang malay dahil sa lakas ng pagbulusok niya mula sa kalawakan papunta sa dagat gamit ang sasakyan nila sa kanyang planeta ay nawalan siya ng ulirat at napadpad sa lugar na iyon. Naging mabait sa kanya si Monica at mga magulang nitong sina Tata Furoy at Manang Seling kaya napamahal na rin siya sa mga ito at itinuring na rin niyang pamilya. Ipinagtapat na rin niya sa mga ito ang tunay niyang katauhan at tinanggap naman siya ng buong puso ng mga taong kumupkop sa kanya.

Ipinagtataka rin niya kung bakit mayroon siyang emosyong nararamdaman. Bakit nakakaramdam siya ng pagmamahal samantalang robot siya, walang puso?

“Marahil ito na ang sinasabi nilang kapangyarihan ng pag-ibig,” bulong ni Zandro sa sarili.

Matapos niyang ipadampot ang grupo ni Roco sa mga awtoridad ay nakapagdesisiyon na siya.

“Z-Zandro?! Mabuti at nagbalik ka! A-anong ginawa nila sa iyo? Masaya kami dahil buhay ka!” salubong ni Monica nang makita siyang parating.

Advertisement

“Huwag na kayong mag-alala at hindi naman ako nasaktan. Tama kayo na hindi lahat ng tao ay mabubuting gaya ninyo. Ang iba ay may maiitim na budhi gaya ng mga nakaharap ko, pero mas pinili ko pa ring manatili sa inyong mundo dahil mahal ko kayo at mahal na mahal kita, Monica,” hayag ni Zandro sabay yakap nang mahigpit sa dalaga.

“Mahal na mahal ka rin namin, Zandro. Ayoko nang umalis ka, dito ka na lang,” pakiusap sa kanya ni Monica.

“Hinding-hindi ko kayo iiwan. Nakahanda akong ipagtanggol kayo sa mga kagaya nilang masasama. Pangako ‘yan!” sagot ni Zandro sa babaeng pinakaiibig niya.

Masayang-masaya naman sina Tata Furoy at Manang Seling sa pag-ibig na nabuo sa pagitan ng kanilang anak at ni Zandro. Mula noon ay namuhay na parang tunay na tao si Zandro sa mundo kasama ang mga taong totoong nagmahal sa kanya kahit na iba pa ang uri niya.