
Sobra ang Pagluluksa ng Babae nang Malaman na Hindi Nakaligtas sa Aksidente ang Mister; Magugulantang Siya sa Susunod na Mangyayari
Nagmamadaling pumunta ang magkapatid na Lorlie at Lorea sa bahay ng mag-asawang Marion at Loreto. Nakatatandang kapatid na lalaki nila si Loreto kaya kailangang malaman ng misis nitong si Marion ang nangyari sa mister.
“Diyos ko, paano natin sasabihin kay Ate Marion ang balita?” tanong ni Lorlie na habang ‘di napigil ang pag-iyak.
“Kahit anong mangyari ay dapat niyang malaman ang totoo,” sagot ni Lorea sa bunsong kapatid.
“Ang inaalala ko ay kung paano niya tatanggapin ang nangyari. Kayanin niya kaya?” nag-aalalang tanong pa rin ni Lorlie.
May sakit sa puso ang asawa ni Loreto na si Marion kaya naman ibayong ingat at hinay-hinay ang ginawang pagbabalita ng magkapatid nang makausap nila ang hipag.
“Hindi! Hindi totoo ‘yan!” hagulgol ni Marion nang malaman ang malungkot na balita.
“Totoo ang sinabi namin, Ate Marion. Base sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa gumuhong gusali sa Florida ay halos lahat ng mga taong naroon ay nas*wi dahil sa napakalakas na lindol. Kasama sa mga hindi pinalad na makaligtas ay si Kuya Loreto na doon nagtatrabaho,” hayag ni Lorlie.
“Hindi ako naniniwala! Hindi pa pat*y si Loreto, hindi pa pat*y ang asawa ko!” hagulgol pa rin ni Marion.
“Ayaw din naming maniwala pero kumpirmado nang kasama si kuya sa mga biktima ng lindol,” tugon ni Lorea.
Mas lalong nag-iiyak ang babae.
“Lorea, hindi ko kayang tanggapin ito! Wala na ang Kuya Loreto niyo, wala na!” Patuloy na pag-iyak ni Marion habang hindi na napigilang yakapin ang hipag.
“Tatagan mo ang loob mo, Ate Marion… alalahanin mo ang puso mo,” wika ni Lorlie.
“Wala akong pakialam sa puso ko ngayong hindi ko na makakasama ang asawa ko,” sagot ni Marion.
Nakaramdam ng matinding awa ang magkapatid sa kanilang hipag kahit noong una ay tutol sila sa pagpapakasal ng kanilang nakatatandang kapatid kay Marion dahil malaki ang agwat ng edad nito sa kanilang kapatid. Labing-limang taon ang agwat ng edad ni Marion sa asawa.
“Nag-iisa na ako ngayon,” sambit ni Marion na hindi pa rin tumitigil sa pagluha.
“Narito pa naman kami, eh… hindi ka namin papabayaan,” tugon ni Lorlie.
“At saka iniwan ka man ni Kuya Loreto ay ‘di ka naman magiging kawawa dahil maraming kabuhayan ang mamanahin mo,” sabad ni Lorea.
“Hindi ko kailangan ng kayamanan niya, ang mahalaga’y buhay si Loreto!” sagot ni Marion sa magkapatid.
“Pero, Ate Marion… imposibleng mabuhay pa si Kuya Loreto. Tanggapin mo na lang nang magaan sa loob ang lahat. Kahit kaming mga kapatid niya ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyari at napakasakit pa rin para sa amin na nawalan kami ng kapatid, pero kailangan nating mag-move on para na rin sa ikatatahimik ng kaluluwa ni kuya,” sambit ni Lorlie.
Ngunit hindi kumibo si Marion. Dali-dali itong umakyat sa hagdan patungo sa kuwarto nilang mag-asawa na patuloy pa rin sa pag-iyak at iniwan ang magkapatid sa sala. Nang makapasok sa loob ng kuwarto ay agad na ikinandado ang pinto at magkulong. Sobra namang nabahala sina Lorlie at Lorea.
“Sundan natin siya ate! Baka kung ano ang gawin niya sa sarili!” nag-aalalang sabi ni Lorlie.
“Relax! Hayaan muna natin siya. Sa tingin ko’y kaya niyang dalhin ang sitwasyon. Pabayaan muna natin siyang mapag-isa,” tugon ni Lorea.
“Alam mo, Ate Lorea, ngayon ko lang napatotohanan sa sarili ko na mahal na mahal pala talaga ni Ate Marion si Kuya Loreto. Maling-mali tayo sa panghuhusga natin sa kaniya noon,” nagsisising sabi ni Lorlie.
“Oo nga, eh. Napakasuwerte ni kuya sa kaniya,” pagsang-ayon ni Lorea sa bunsong kapatid.
Samantala, sa kuwarto ay hindi na maririnig ang pag-iyak ni Marion dahil…
“Ang akala ko’y pagsisisihan ko ang pagpapakasal ko sa iyo, Loreto, pero napatunayan kong napakasuwerte ko dahil good provider kang talaga. Lahat ng gustuhin ko’y ibinibigay mo sa akin kahit ang totoo’y sukang-suka ako kapag magkasama tayo, lalo na kapag magkas*ping tayo sa kama. Ngayong wala ka na ay malaya na ako, free body and soul!” tuwang-tuwang sabi ni Marion habang pinagmamasdan ang litrato nilang mag-asawa.
Kaplastikan lang pala ang pagdadalamhati niya sa harap ng kaniyang mga hipag. Ang totoo’y naghuhumiyaw ang kaniyang puso sa sobrang kagalakan sa pagkawala ng asawa.
Kahit kailan ay hindi naman minahal ni Marion si Loreto. Nagpakasal lang siya sa lalaki dahil sa pera kaya nagawa niyang masikmurang makisama rito kahit napakalaki ng agwat ng kanilang edad.
“Magagawa ko na ang lahat ng gugustuhin ko! Akin nang lahat ng kayamanan at mga ari-arian mo, Loreto! Malaya na rin kaming magkita ng dati kong boyfriend, I’m free as a bird! Free!” galak na galak na sabi ni Marion na nagtatalon pa.
Ngunit narinig ni Lorlie ang ingay na nagmula sa itaas at pinanhik ang hipag.
“Ate Marion, buksan mo ang pinto! Ano’ng nangyayari sa iyo?!” nag-aalalang wika ng babae.
Agad na tumigil sa pagsasaya si Marion, inayos ang sarili saka binuksan ang pinto.
“O, Lorlie! Walang nangyayaring masama sa akin! Huwag kang mag-alala at okay lang ako,” wika ni Marion na kunwaring malungkot at nagluluksa.
“Thank God you’re alright! Alam mo naman ang kalagayan mo, Ate Marion… makakasama sa puso mo ang sobrang lungkot o kaya’y sobrang kaligayahan,” sagot ng hipag.
Nang sumapit ang tanghali ay pinag-usapan na ng tatlo ang gagawin sa pagbuburol kay Loreto kapag dumating na ang labi nito ngunit laking gulat nila nang may biglang dumating…
“O, mabuti naman at narito kayo! Ligtas ako! Hindi ako kasama sa mga nas*wi sa lindol. Wala ako sa gusaling iyon nang maganap ang sakuna,” bunyag ni Loreto nang dumating ito dala-dala ang mga bagahe.
Hindi makapaniwala ang tatlo nang malamang buhay pa ang lalaki. Higit na nagulantang si Marion sa pagbalik ng asawa.
“L-Loreto?! H-hindi ka pa….” hindi na naituloy ni Marion ang sasabihin dahil biglang nanikip ang dibdib nito sa sobrang gulat.
Naisugod pa nila sa ospital ang babae ngunit huli na ang lahat. De*d on arrival si Marion.
“Atake sa puso ang ikinas*wi ng iyong misis. Marahil sa sobrang kaligayahan nang makita kayong buhay, Mr. Lacuesta,” sabi ng doktor.
Habang nalulungkot at nagluluksa ang magkapatid na Lorlie at Lorea sa pagkawala ni Marion ay wala namang maramdamang lungkot si Loreto.
“Ang akala mo siguro ay hindi ko malalaman na kayamanan ko lang ang hangad mo kaya mo ako pinakasalan. Alam kong habang nagtatrabaho ako sa ibang bansa ay nakikipagmabutihan ka sa dati mong nobyo. Palihim ko kayong pinaimbestigahan kaya agad kong nalaman ang iyong kataksilan ngunit hindi lang iyon ang natuklasan ko, pinagpaplanuhan niyo rin pala kung paano ako mawawala sa landas ninyo pero hindi kayo nagtagumpay dahil hindi hinayaan ng langit na magwagi kayo sa masama ninyong balak. Nagpapasalamat ako dahil nakaligtas ako sa lindol at ‘di ka nagtagumpay na pagsasaan ang lahat ng aking pinaghirapan. Kahit kailan pala ay hindi mo ako minahal gaya ng pagmamahal ko sa iyo kaya patawarin mo ako at sana’y mapatawad din ako ng Diyos kung kahit isang patak ng luha ay hindi ko sasayangin sa isang tulad mo,” wika ni Loreto sa isip.
Kawawang Marion dahil kahit kailan ay hindi na niya malalaman na hindi siya ipagluluksa ng kanyiang asawa dahil alam na pala nito ang kaniyang tunay na pakay at katauhan.
Dahil matanda na si Loreto ay napag-isipan niyang ipamahagi na ang kaniyang mga kayamanan at ari-arian dahil alam niyang kaunti na lamang ang itatagal niya sa mundo. Hinati niya ang mga ito at ibinigay sa mga kapatid na sina Lorlie at Lorea na totoong nag-alala at nagmamahal sa kaniya. Ang iba ay ipinamahagi niya sa mga mahihirap at nangangailangan at ang sobra ay ibinigay niyang donasyon sa simbahan.