Inday TrendingInday Trending
Siya na Yata ang Pinakapakialamerang Tita sa Balat ng Lupa; Pati ba Naman sa Pag-aasawa ng Kaniyang Pamangkin ay Nakikisawsaw Siya

Siya na Yata ang Pinakapakialamerang Tita sa Balat ng Lupa; Pati ba Naman sa Pag-aasawa ng Kaniyang Pamangkin ay Nakikisawsaw Siya

“Ano?! Aba, Toto, bakit kayo pumayag na simple lang ang maging kasal ng pamangkin kong si Hazel? Hindi yata tama ’yan!”

Nasa kalagitnaan ng pag-uusap sina Hazel at ang kaniyang nobyo kasama ang kaniyang mga magulang at mga magulang din nito, tungkol sa pagpaplano ng kasal nila. Maayos naman na ang naging usapan, ngunit nagulat ang lahat nang bigla na lang sumulpot mula sa kanilang pintuan ang tiyahin niyang si Melba, ang panganay na kapatid ng kaniyang ama.

Lingid sa kanilang kaalaman ay kanina pa pala ito nakikinig sa usapan nilang mag-anak at tila ba hindi nito nagustuhan ang naging desisyon nila kaya heto at walang pakundangan itong bigla na lang sumulpot at nagtatatalak.

“Huwag kayong pumayag sa simpleng kasal lamang. Aba! Minsan lang ikasal ang isang babae. Hindi n’yo naman kailangang magmadali, Hazel. Pag-ipunin mo muna ’yang nobyo mo. P’wera na lang kung kayo ay may itinatago kaya kayo nagmamadaling magpakasal. Baka ikaw, e, buntis na?” dagdag pa ng kaniyang Tiya Melba na sa pagkakataong ito ay si Hazel naman ang binalingan.

Sa gulat sa tinurang iyon ng kaniyang tiyahin ay napatayo si Hazel sa kaniyang kinauupuan. Pakiramdam niya ay biglang nag-init ang kaniyang ulo. Huminga siya nang malalim bago niya ito kinausap.

“Mawalang galang na ho, Tiya Melba. Pero usapang pampamilya ho ito. Huwag po sanang pati ang kasal ko ay pakikialaman n’yo,” aniya sa mababa ngunit ma-awtoridad na tinig.

Tila nabigla naman ang kaniyang Tiya Melba sa hindi inaasahan niyang pagtugon. Napahawak pa ito sa kaniyang dibdib bago nagmadaling umalis sa kanilang harapan.

Noon pa man ay pakialamera na talaga ang tiyahin nilang ito ngunit pinagpapasensyahan na lamang nila. Wala kasi itong sariling pamilya. Isa itong matandang dalaga dahil halos lahat ng nagiging nobyo nito noon ay hindi nakakatagal sa kaniyang ugali. Ngayon ay talagang napuno na si Hazel. Nakakahiya sa pamilya ng kaniyang nobyo ang mga pinagsasabi nito kanina!

Matapos ang araw na iyon ay naging abala na sina Hazel at ang kaniyang nobyo sa pag-aasikaso ng mga kakailanganin sa nalalapit nilang pagpapakasal. Lingid sa kaalaman nila ay mayroon na palang tsismis na kumakalat tungkol sa kaniya.

Isang araw, nang magpunta si Hazel sa malapit na sari-sari store upang bumili ay bigla na lang siyang kinausap ng tindera, na nagkataon namang ninang niya.

“Hazel, anak, totoo ba ang ibinalita sa amin ng Tiya Melba mo, na kaya lang daw kayo nagmamadaling magpakasal ni Sandro ay dahil ikaw, e, nagdadalang tao na?” takang tanong nito nang pabulong upang walang ibang makarinig sa kanilang usapan.

“Ho?!” bulalas naman ng dalaga. “Hindi ho ako buntis! Si Tiya Melba ho ang nagsabi n’yan?!” tanong niya pa habang unti-unting nabubuhay ang kaniyang galit sa dibdib.

“Oo, hija! Aba’y kalat na kalat na nga rito sa looban ang tungkol diyan, e. Hindi mo ba alam?” Nasapo ng kaniyang ninang ang sariling noo. “Susmiyo talaga ’yang si Mareng Melba’t inatake na naman yata ng toyo!”

Hindi na naririnig pa ni Hazel ang mga sumunod na sinabi ng kaniyang ninang. Agad siyang nagtungo ng barangay upang magreklamo sa paninira ng kaniyang tiyahin bago sila nagpunta sa bahay ng kaniyang Tiya Melba upang komprontahin ito.

“Tiya Melba naman! Bakit ho kayo ganiyan? Buong buhay ho namin, pinakialaman n’yo na ang lahat ng desisyon! Pagkatapos, pati sa kasal ko, kayo pa rin ang gustong masusunod? At dahil hindi ko hinayaang mangyari iyon ay ito ang gagawin n’yo sa akin?!” galit na ani Hazel sa kaniyang tiyahin na hindi naman makaimik ngayon. Biglang nawala ang tapang nito at halos magtago na ito sa likod ng mga kasama niyang tanod!

Pinag-uusapan na ito ng kanilang mga kapitbahay ngayon. Unang-una, dahil sa maling kwentong ipinakalat nito tungkol sa pagbubuntis ‘di umano ni Hazel. Pangalawa ay tungkol sa pagiging pakialamera nito na noon pa man ay nasasaksihan naman na ng kanilang mga kapitbahay!

Nagkaroon ng pag-uusap sa barangay at doon ay humingi ng tawad sa kaniya ang kaniyang Tiya Melba. Napag-usapan din na hindi na dapat maulit ang mga ganitong pangyayari upang iwasan ang pagkakaroon ng gulo. Dahil likas namang mabuting tao si Hazel ay pinatawad na lamang din niya ang tiyahin. Ang mahalaga ay nabigyan niya ito ng leksyon at umaasa siya na hindi naman na muling mauulit pa ang pangyayaring ito.

Advertisement