
Binalot ng Matinding Inggit ang Dalaga Nang Makitang Swerte ang Pinsan sa Nabingwit Nitong Nobyo; Dahil Ayaw Malamangan ay Aakitin Niya ang Binata
Animo artista kung pagkaguluhan ang dalagang si Lenny na noon ay kababalik lamang sa probinsya. Sa Maynila kasi nakabase ang trabaho nito kaya naman bihira kung umuwi ito sa kanila. Ganoon pa man, hindi naman kailanman pumalya ang pagsusuporta ni Lenny sa pamilya. Sa katunayan nga ay maayos na ngayon ang dati’y isang kahig at isang tukang pang-araw-araw na pamumuhay ng kaniyang ama’t ina at mga kapatid at lahat ng iyon ay dahil sa kasipagan ni Lenny.
Bumaba mula sa isang magarang sasakyan ang isang makisig na lalaki na nakasuot ng unipormeng para sa mga driver at inalalayang lumabas mula roon si Lenny. Sumunod ay ang nobyo nitong halos ikapanlaki naman ng mga mata ng karamihan sa mga kababaihang ngayon ay nakatingin sa kanila. Isa na roon si Desire. Isa sa mga nakababatang pinsan ni Lenny.
“Grabe, napakasuwerte ng Ate Lenny mo, Desire! Akalain mong nakabingwit ng guwapong nobyo sa Maynila?” bakas ang paghangang anang isa sa mga kaibigan ni Desire sa kaniya habang patuloy sila sa pagtitig sa mga bagong dating.
“Hay naku, ’te, sinabi mo pa! Idagdag mo pang hindi lang ito guwapo, kundi mayaman pa! Balita ko’y anak daw ’yan ng may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng Ate Lenny niya, e. Sana, pag nakatapos ako ng pag-aaral, suwertehin din ako,” tila nangangarap nang gising namang sabi pa ng isa nilang kaibigan.
Samantala, tahimik namang nakamasid lang si Desire sa nakatatandang pinsan at sa nobyo nitong halos ayaw na niyang alisan ng tingin. Ang totoo, hindi lamang siya nagsasalita ngunit kanina pa nagngingitngit ang kaniyang kalooban. Itinatanong niya sa kaniyang sarili kung bakit halos lahat yata ng suwerte ay hinakot na ng kaniyang Ate Lenny? Maganda na ito, matalino, matagumpay, at nakabingwit pa ng guwapo at mayamang nobyo!
Kailanman ay hindi nagyabang si Lenny sa kanilang mga kamag-anak. Sa katunayan, marami sa kaniyang mga pinsan ay sinuportahan niya sa pag-aaral at kabilang na roon si Desire na ngayong taon ay magtatapos na ng two-year course sa kolehiyo.
Sa kabila niyon, hindi man lang natinag si Desire sa pag-iisip ng isang masamang balak tungkol sa relasyon ng kaniyang pinsan. May nakikita kasi siyang butas sa mga ito at balak niya itong gamitin upang siya naman ngayon ang makalamang.
Maganda at balingkinitan nga ang kaniyang Ate Lenny, ngunit napakakonserbatibo nito. Hindi katulad niya na halos ihantad na ang buong katawan na may sinabi rin naman pagdating sa pagandahan. Balak niyang gamitin ito upang akitin ang nobyo ni Lenny.
Ilang araw pa lang na naroon sina Lenny ay talaga namang humataw na si Desire sa pagpapakita ng motibo sa nobyo nitong si Jaxon. Madalas ay nagpapakita siya rito na manipis lang ang suot. Magkaiba kasi ang kwartong tinutulugan nito at ni Lenny kaya malaya si Desire na gawin ang mga plano niyang pang-aakit. Alam niyang napapansin iyon ng binata ngunit nagtataka si Desire kung bakit tila hindi ito nagpapakita sa kaniya ng interes.
Kaya naman isang gabi ay nagpasya siyang pasukin na ito sa tinutulugan nitong silid. Desperada na si Desire kaya naman lahat ay gagawin na niya ngayon. Hinintay niyang makatulog muna ang mga tao sa bahay bago niya binuksan ang pintuan ni Jaxon. Walang sindi ang ilaw sa silid kaya naman noon din ay sinimulan niyang alisin ang kaniyang mga saplot sa katawan bago siya humiga sa kama…
Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang biglang bumukas ang ilaw at tumambad sa kaniyang harapan ang galit na mga mukha ng mga kaanak nila ng kaniyang Ate Lenny habang nakatingin sa kaniya! Si Jaxon ay nasa may pintuan noon at iiling-iling habang hawak ang kamay ng kaniyang Ate Lenny na bakas ang hinanakit sa mga mata!
“Noong unang beses na nagpakita ka ng motibo sa nobyo ko, sinabi kaagad niya sa akin, ngunit hindi ako naniwala. Noong ikalawang beses ay lumapit na siya sa mga kamag-anak natin kaya nagpasya kaming bantayan ang bawat kilos mo, Desire. Hindi ko akalain na ibababa mo ang ’yong sarili dahil lang gusto mong maagaw sa akin ang nobyo ko,” naluluhang ani Lenny bago ito nag-walk out na agad namang sinundan ni Jaxon.
Matapos iyon ay nakatikim naman siya ng masasakit na salita mula sa iba pa nilang mga pinsan at isang sampal mula sa kaniyang sariling ina. Matinding kahihiyan ang kaniyang inabot dahil sa sarili niyang kagagawan, at huli na upang pagsisihan niya pa ang kaniyang ginawang kasalanan. Mababa na ang tingin sa kaniya ng kaniyang mga kapamilya at mahihirapan na siyang ibalik sa dati ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya.

Nagpasya ang Babaeng Ito na Magbigay ng Libreng Pagkain sa mga Pulubi; Hindi Niya Akalaing Dahil Doon ay Magsisimula ang Pagtutulungan sa Iba’t Ibang Lugar
