Nagpasya ang Babaeng Ito na Magbigay ng Libreng Pagkain sa mga Pulubi; Hindi Niya Akalaing Dahil Doon ay Magsisimula ang Pagtutulungan sa Iba’t Ibang Lugar

Pauwi na si Kyla noon galing sa paggo-grocery ng ilang stock niya para sa kaniyang bahay. Bali-balita kasi na may posibilidad na namang magkaroon ng lockdown sa kanilang lugar. Habang pasakay sa kaniyang sasakyan ay naramdaman niyang kinalabit siya ng isang batang pulubi. Agad naman siyang napalingon dito.

Inilahad ng batang pulubi ang kamay sa kaniya bago ito nagsalita. “Ate, barya lang po. Kahit pambili lang po ng biskwit,” sabi nito sa kaniya sa mapaos-paos pang tono ng boses.

Matinding awa ang nadama ni Kyla nang marinig na bigla na lamang kumalam ang sikmura ng naturang batang pulubi habang siya ay kausap. Pakiramdam niya ay pinitik ang kaniyang puso. Hindi niya maiwasang alalahanin ang mga pinagdaanan nilang magkakapatid noon bago pa man sila naging mga propesyonal sa pamamagitan ng pagsisikap na makatapos ng pag-aaral. Ngayon ay may kani-kaniya na silang buhay. Masagana at hindi na katulad noon.

“Halika, totoy, bibili tayo ng makakain mo.” Matapos ilagay ni Kyla ang kaniyang mga ipinamili sa kaniyang sasakyan ay inaya niya ang naturang bata sa pinakamalapit na kainan upang bilhan ito ng makakain. Tuwang-tuwa naman ito nang ibigay niya rito ang mga pagkaing kaniyang binili. Tiyak na maiibsan ang nadarama nitong gutom ngayon.

“Salamat po nang marami, ate. Iyon pong iba sa mga binili n’yo ay iuuwi ko sa amin para makatikim din ang mga kapatid ko,” masayang sabi ng bata na tinugon naman ni Kyla ng isang totoo at magandang ngiti.

“Ilang taon ka na, totoy? Bakit pagala-gala ka rito sa kalsada? Hindi ba’t bawal lumabas ang mga bata?” tanong ni Kyla sa pagitang ng mga pagnguya nito.

“Wala po kasi kaming bahay, ate. Saka, ilang araw na rin po kasi akong hindi kumakain kaya napilitan na po akong mamalimos ulit kahit sabi po ng nanay ko, delikado raw dahil may kumakalat daw na sakit,” tila wala sa loob namang sagot nito habang patuloy sa pagkagat at pagsubo sa mga pagkaing hawak niya.

Natahimik na naman si Kyla sa narinig. Napakatinding awa na ang kaniyang nararamdaman sa bata nang mga sandaling iyon.

Advertisement

“Ilan pa kayang katulad niya ang nagugutom sa mga sandaling ito?” maluha-luha pang tanong niya sa kaniyang sarili habang nagkakaroon siya ng ideya nang mga sandaling iyon.

Nang magpaalam nang uuwi ang bata ay pinabaunan pa ito ni Kyla ng sapat na halaga ng pera upang makabili pa ito ng bigas at iba pang pangangailangan sa bahay na kakasya para sa nagbabadyang dalawang linggong lockdown. Halos tumalon ang puso niya sa tuwa nang sa wakas ay nakita niya ang masayang ngiti sa labi ng bata matapos niyang gawin ’yon.

Nagpasyang bumalik si Kyla sa grocery store matapos umalis ng bata. Doon ay bumili siya ng mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilya, katulad ng bigas, mga ulam na de lata, noodles, toyo, suka, asin at kung anu-ano pa. Nang tanghali ring iyon, pagkauwi niya sa bahay ay inilabas niya ang isang may kalakihang lamesa mula sa kaniyang bahay at doon ay i-d-in-isplay niya ang kaniyang mga ipinamili.

“LIBRENG PAGKAIN PARA SA MGA NANGANGAILANGAN” ayon sa karatulang kaniyang ipinaskil sa labas ng kaniyang bahay, sa itaas ng lamesang pinaglagyan niya ng mga pagkain at groceries. Ito kasi ay ipamimigay niya sa mga katulad ng batang pinakain niya kanina.

Unti-unting napansin iyon ng mga dumaraan kaya naman ang iba ay nagsimula nang kumuha roon ng sapat na pangangailangan nila, samantalang ang iba naman ay mas pinili lamang na kunan iyon ng litrato upang ipakalat ang mabuti at nakatutuwang gawing iyon ni Kyla.

Mabilis na nag-viral ang naturang mga litrato kaya naman mas dumami na ngayon ang lumalapit sa kaniyang maliit na tulong para sa mga kapus-palad. Ang iba ay upang humingi, habang ang iba naman ay upang magbigay at magdagdag ng kanilang kontribusyon.

Nakatutuwang maging sa mga ibang lugar ay tinularan na rin ang gawaing iyon na sinimulan ni Kyla. Hanggang sa halos buong Pilipinas na ang gumagawa ng ganoong klaseng pagtulong upang ang mga kapus-palad ay mabigyan ng pagkakataong maka-survive sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Hindi akalain ni Kyla na ang maliit na kilos niyang iyon ng kabutihan ay magdudulot ng isang malakihang pagtutulungan mula sa mga taong gusto ring magpakita ng good vibes ngayong panahon ng sakuna. Labis na tuwa ang naihatid n’on sa puso ni Kyla, maging sa mga taong nakakakilala sa kaniya.