
Iniwan Niya ang Kinalakhang Ina Kapalit ng Karangyaan; Madudurog ang Puso Niya sa Kaniyang Malalaman
Nagmadaling lumabas mula sa kwarto ng kaniyang ina si Eric. Bakas ang galit sa kaniyang mga mata. Sa kaniyang kamay ay hawak niya ang isang papel na siyang sumagot sa lahat ng mga katanungan sa isip niya simula nang siya ay magbinata.
Walang permanenteng bahay sina Eric. Bata pa lang ay nasanay na siyang nagpapalipat-lipat sila ng bahay ng kaniyang ina, kasama ang kaniyang lolo at isang kapatid na babae. Minsan ay taon-taon silang lumilipat ng bahay at eskuwelahan at kung minsan naman ay buwan lang ang pagitan. Noong bata pa siya ay ayos lang sa kaniya ang ganoon, lalo pa’t idinadahilan ng kaniyang ina na dahil iyon sa trabaho nito. Isa kasing labandera ang kaniyang ina at ginamit nitong katuwiran na kapag wala na raw nagpapalaba sa lugar na kanilang tinutuluyan ay kailangan nilang lumipat ng bahay upang makakuha ng iba pang kostumer.
Ngunit habang lumalaki si Eric at ang kapatid na si Elyse ay pareho na nilang napagtatantong napakababaw pala ng rason ng kanilang ina, kaya naman dahil doon ay madalas na nilang kontrahin ang desisyon nitong magpalipat-lipat ng tirahan.
Hanggang sa nagpasya ang kanilang ina na dalhin na lamang sila sa isang isla. Doon ay permanente na silang tumira kasama ng iba pang mga mangingisdang kapwa kasamahan ng kanilang lolo noon bago ito nagpunta sa Maynila at nakapag-asawa. Doon na nagdalaga at nagbinata ang magkapatid.
Payak ngunit maayos naman ang pamumuhay ng pamilya nina Eric sa isla, ngunit minsan ay hindi naiiwasang sumagi sa isip niya kung ano kaya ang magiging buhay nila kapag sa Maynila niya hinanap ang kaniyang kapalaran? Noon pa man ay madalas nang pangarapin ni Eric ang isang marangya at magandang buhay. Iyon ang nagtulak sa kaniya upang mag-apply ng iskolarsyip sa isang unibersidad sa Maynila at nang doon siya mag-aral ng kolehiyo.
Hindi nagustuhan ng kaniyang ina ang desisyong iyon ni Eric kaya naman nagkaroon sila ng pagtatalo. Dahil doon ay napilitan si Eric na papuslit na halungkatin sa gamit ng kaniyang ina ang mga requirements na kakailanganin niya para sa unibersidad na kaniyang papasukan… ngunit imbes ay na mga papeles niya ay natagpuan niya mula roon ang isang lumang diyaryo kung saan sinasabi roon na matagal na pala siyang pinaghahahanap ng kaniyang mga tunay na mga magulang!
Hindi niya tunay na ina ang babaeng nagpalaki sa kaniya!
“Ano’ng ibig sabihin nito, ’nay?! Ito ba ang dahilan kaya buong buhay namin ay nagtitiis kami ni Elyse sa taon-taong paglipat ng lugar? Gusto n’yong takasan ang mga magulang ko?” galit na tanong ni Eric sa ina nang ito ay komprontahin niya. Hindi agad ito nakasagot dahil naunahan ng pagbuhos ng mga luha ang emosyon nito.
Akmang aalis na si Eric noon, dala ang kaniyang mga gamit nang magsalita ito. “E-eric… anak kita,” ang umiiyak na anito ngunit hindi na iyon pinansin pa ng binata.
Ipinagpalit ni Eric ang kaniyang ina sa buhay na kayang ibigay ng kaniyang mga tunay na magulang na nang siya ay matagpuan ay laking tuwa’t pasasalamat. Hindi na nila kailangang magtanungan pa tungkol sa mga nangyari dahil mas gusto nilang pamilya na bawiin na lamang sa magagandang memorya ang mga taong nawala sa kanila.
Naging marangya ang buhay ni Eric sa ilang taong pananatili niya sa puder ng mga tunay na magulang. Tuluyan na niyang kinalimutan ang kinalakhang ina na iniwan niya sa isla.
Ngunit isang tawag ang noon ay nagpagimbal sa damdamin ni Eric. Iyon ay ang kapatid niyang si Elyse.
“Kuya… may sakit si nanay,” pambungad na anito sa kaniya. “Pasensiya ka na kung tinawagan kita. Alam kong ayaw mo na kaming makita. Pero ikaw lang ang hinahanap niya, kuya. Sana, kahit man lang bago siya mawala ay mapuntahan mo siya.” Bakas ang sakit sa himig ng kaniyang kapatid.
Dahil hindi nagsasalita si Eric ay muling nagpatuloy si Elyse sa kabilang linya. “Gusto ko lang ding malaman mo, kuya. Hindi ka man dugo’t laman ng nanay, sa kaniya ka pa rin nanggaling. Siya pa rin ang nagdala sa ’yo sa kaniyang sinapupunan bilang isang surrogate mother na noon ay binayaran ng mga magulang mo dahil hindi sila magkaanak. Nagkataon lang na hindi ka kayang iparaya ng nanay kaya inilaban ka niya kahit mahirap.”Matapos sabihin iyon ay ibinaba na ni Elyse ang tawag. Gulat na gulat naman si Eric sa isa na namang rebelasyon sa kaniyang pagkatao! Bigla siyang nagsisi sa ginawa niyang pag-aabandona sa inang siya palang nagsilang sa kaniya!
Napaupo sa paghagulhol si Eric. Matapos ang gabing iyon ay agad siyang nag-book ng flight upang magtungo sa islang kinalakhan nila sa lalong madaling panahon!
Napuno ng luha ang muli nilang pagkikita ng inang ngayon ay nakaratay na dahil sa malubhang sakit. Sinisisi ni Eric ang kaniyang sarili. Kung naging bukas lamang ang kaniyang isip para sa paliwanag nito ay hindi sana nangyari iyon!
Ngunit huli na para sa pagsisisi. Ilang araw lamang matapos silang magkapatawaran ay sumakabilang buhay na ito’t tuluyang nagpahinga. Wala na ang ina ni Eric at habambuhay niya itong dadalhin sa kaniyang konsensya.

Kilalang Mabuting Kasamahan sa Trabaho ang Babaeng Ito; Ngunit Kasabay ng Kaniyang Pinakaaasam na Promosyon ay ang Bigla rin Daw Niyang Pagbabago
