Kilalang Mabuting Kasamahan sa Trabaho ang Babaeng Ito; Ngunit Kasabay ng Kaniyang Pinakaaasam na Promosyon ay ang Bigla rin Daw Niyang Pagbabago

“Good morning, Mae! Ang aga mo naman. Akala ko, ako na ang pinakamaaga, e!” bati ng isa sa mga kasamahan ni Mae sa trabaho nang maabutan siya nitong nakaupo na sa kaniyang pwesto sa opisina.

“Naku, maigi na ’yong maaga. Trapik kasi masiyado sa dinaraanan ko papunta rito kaya inaagahan ko na ang pasok,” nakangiting sagot naman niya sa kasamahang si Jelly bago niya ibinalik ang tingin sa monitor ng kaniyang computer.

“Sa bagay. Pero, nabalitaan ko mula sa bisor natin na mabango raw ang pangalan mo sa higher office. Mukhang nangangamoy promosyon, a!” panunukso naman ni Jelly na nagpangiti kay Mae.

Ang totoo ay matagal na niyang inaasam na magkaroon ng promosyon kaya naman ginagawa ni Mae ang lahat upang maging kapaki-pakinabang na empleyado. Kailangan niya kasi ng mas mataas na sahod dahil ngayon ay pareho nang nagme-maintenance ang kaniyang mga magulang na may katandaan na rin. Hindi naman kasi maaasahan sa pagsuporta sa kanilang mga gamot ang kaniyang mga kapatid dahil pare-pareho nang may kani-kaniyang pamilya ang mga ito at siya na lamang ang natitirang wala. Sa kaniya tuloy naiwan ang lahat ng responsibilidad na dapat ay pinagtutulungan nilang magkakapatid. Ganoon pa man ay hindi naman nagrereklamo si Mae. Sa katunayan ay gustong-gusto niyang inaalagaan ang kaniyang mga magulang lalo pa at makababawi na siya sa lahat ng pagmamahal ng mga ito sa kaniya.

Kilala si Mae bilang isa sa pinakamabait at palakaibigang empleyado sa kanilang departamento at halos lahat ng kaniyang mga kasamahan doon ay kasundo niya. Ganoon din ang kanilang mga bisor at pati na rin ang kanilang manager na noon ay malapit nang mag-early retirement.

Masipag, magaling at maaasahang empleyado si Mae, kaya naman agad niyang nakamit ang pinakaaasam niyang promosyon… ngunit hindi niya akalaing iyon pa pala ang pagmumulan ng pasakit sa kaniya sa trabaho.

Simula nang ma-promote si Mae bilang bagong manager, doon na niya nasimulang makita at mapansin na tinatangka siyang abusuhin ng kaniyang mga kasamahang dating naging malapit sa kaniya. Siguro ay inaakala ng mga ito na dahil magkakaibigan nga sila noon ay pagbibigyan niya ang lahat ng kanilang mga ginagawang kalokohan.

Dahil doon, ayaw man niya ay kinailangang baguhin ni Mae nang paunti-unti ang pakikitungo niya sa kanila. Nagsimula siyang maging istrikta at magpakita ng tapang sa mga ito na naging dahilan naman upang siya ay kanilang kainisan.

Advertisement

Nawalan siya ng mga kaibigan sa trabaho at halos lahat ay galit na sa kaniya ngayon, pwera na lang kay Jelly na siyang natitira niyang kaibigan na nakakaintindi sa kaniyang sitwasyon.

“Si Mae, mabait? Sus! Pakitang tao lang ’yan sa ’yo, Jelly. Wala na kasi siyang kakampi rito dahil lahat ay nakita na ang tunay na kulay niya simula nang matanggap niya ’yang promotion na ’yan!”

“Oo nga. Naging mayabang ’yang si Mae simula nang ma-promote. Lumayo-layo ka na riyan, Jelly at baka ikaw naman ang isunod niyang pag-initan. Dapat nga gumagawa na tayo ng petition na patalsikin ’yang si Mae dito sa kompanya. Ano kaya kung i-set up natin siya?”

Napapailing si Mae habang nakikinig sa pag-uusap na iyon ng kaniyang mga kasamahang nakaupo sa mesang nasa likod ng kaniyang kinakainang mesa sa canteen. Nang hindi makapagpigil ay hinarap niya ang mga ito at ganoon na lang ang gulat ng dalawang babaeng nambubuyo kay Jelly na kainisan siya at tinaasan niya sila ng isang kilay.

“Alam n’yo bang p’wedeng maging grounds ang pagpaplano ng masama sa boss n’yo para matanggal kayo sa trabaho? Worst, p’wede ko kayong kasuhan ngayon sa mga narinig ko,” matapang na aniya sa kanila na agad namang ikinayuko ng dalawa. Si Jelly naman ay tiningnan siya nang may pagmamakaawa dahil hindi naman ito kasama sa mga nagpaplano ng masama sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, Jelly. Narinig ko lahat at alam kong wala kang kasalanan,” tugon naman niya sa kaibigan na noon ay nakahinga nang maluwag.

Nagsilbing leksyon iyon para sa iba pang mga empleyado upang kahit papaano ay igalang siya ng mga ito kapag siya ay kaharap nila. Pinatawan niya kasi ng suspensyon ang dalawang empleyadong iyon bilang parusa sa ginawa nila.

Hindi naman nagbago si Mae dahil nagyayabang siya sa kaniyang mga kasamahan. Ang totoo ay napilitan lamang siyang magpakita ng tapang upang makaiwas siya sa abusadong mga kaibigan.