Nangarap ng Magandang Buhay ang Lalaking Ito Noon Ngunit Agad Iyong Pinutol ng Maaga Niyang Pagkakaroon ng Pamilya; May Pag-asa pa nga bang Matupad Niya Ito?

Lahat ng tao ay may kani-kaniyang pangarap. Ang iba ay mataas habang ang iba naman, kadalasan ay simple lang.

At isa si Harry sa mga nangangarap ng mataas—ang umangat sa buhay—ngunit naputol iyon nang siya ay maagang nagkapamilya. Kaya naman akala niya noon ay hanggang pangarap na lang ang mga ito.

Ngunit hindi naman ito naging handlang upang hindi niya subukan na makamit pa rin ito. Kasama niyang nangangarap ang kaniyang asawang si Sarah. Lahat na siguro ay sinubukan nilang pasukin, maliban na lamang sa masasamang gawain.

Hanggang sa isang araw, naengganyo si Harry na makisosyo sa isang negosyong inendorso lamang sa kaniya ng isa niyang kaibigan. Malaki raw ang kitaan doon kaya naman talagang naengganyo siyang pasukin ito.

Halos naubos na nila ni Sarah ang kanilang ipon at nagkabaon-baon na sila sa utang. Maraming oras at panahon na rin ang iginugol nilang mag-asawa sa negosyong iyon… ngunit hindi pa siguro para sa kanila ang pagkakataong ito.

Makailang beses silang nabigong mag-asawa. Hanggang sa napagod at sumuko na lamang sila at piniling magtayo na lamang ng maliit, ngunit sarili na nilang negosyo upang matustusan ang pang araw araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Makalipas ang limang taon, isang insidente ang hindi akalain ni Harry, na magpapabalik at tutupad ng mga pangarap niya.

Nagpapahinga siya noon galing sa trabaho at nag-ii-scroll sa kaniyang Facebook account na matagal na niyang hindi nabubuksan, nang bigla niyang mapansin ang napakaraming mensahe mula sa dati’y matalik niyang kaibigang si Paulo.

Advertisement

“Pareng Harry, kumusta ka na?”

“Ano’ng balita, pare?”

“Pareng Harry, reply ka naman d’yan.”

Paulit-ulit ang mensaheng iyon sa kaniya ng kaibigan sa nakalipas na mga taon, kaya naman agad siyang nakaramdam ng kyuryosidad. Napansin niya ang Facebook profile ng kaibigan. Nakita niya na may malaking bahay na ito at magara rin ang sasakyan. Lalo pa siyang nagulat nang malamang isa na itong successful businessman ngayon!

“P’re, kumusta? Pasensiya ka na’t ngayon ko lang nabukas iyong account ko.” Nag-reply si Harry sa mga mensahe ni Paulo. Eksakto namang “active” din ito nang mga panahong iyon.

“Ayos lang, p’re! Kumusta? Nasaan ka na nga pala ngayon?” mabilis namang tugon nito.

“P’re, narito ako ngayon sa Laguna.”

“Naku, eksakto! Dito rin ako nakabili ng bagong lupang patatayuan namin ng bahay. Gusto mo bang magkita tayo? May io-offer akong oportunidad sa ’yo,” sabi pa ng kausap ni Harry na agad namang bumuhay sa kaniyang kyuryosidad. Dahil doon ay agad na pumayag si Harry.

Advertisement

Nagkita sila ng dati niyang kaibigan. Napag-usapan nga nila kung papaano at ano ang naging buhay nilang pareho sa loob ng limang taon.  Doon, mas lalong nabuhayan ng pag-asa si Harry na makakamit niya ang kaniyang mga pangarap.

Ipinaalam ni Paulo sa kaniya ang negosyo nitong pagbebenta ng mga produktong gawang lokal na papalit sa ilang mga kagamitang galing pa sa ibang bansa. Papayag si Paulo na siya ay magbukas ng sarili niyang franchise at si Paulo na ang bahala sa lahat!

Ang totoo ay hindi naging madali para kay Harry ang muling pagsabak sa isang negosyo, ngunit itinatak niya sa kaniyang isip na hindi masamang subukang mangarap muli.

Lagi niyang isinasaisip na kapag nagtagumpay naman siya ay kasama niyang giginhawa ang kaniyang asawa at ang mga anak nila, kaya dapat ay gawin niya ang lahat sa pagkakataong ito.

Dahil na rin mahal ni Harry ang kaniyang ginagawa, at likas na talaga sa kaniya ang pagiging masipag at positibo sa buhay,  mabilis siyang natuto at naging magaling sa kaniyang napiling landas. Siyempre, sa tulong pa rin iyon ni Paulo at sa suportang natatanggap niya sa kaniyang pamilya.

Isa’t kalahating taon lang ay isa na sa pinakamalaki at matagumpay ang kanilang franchise! Halos mapantayan niya na nga ang main branch na itinayo ni Paulo, at dahil doon ay masayang-masaya ang kaibigan sa kaniya!

Ngayon, nagbibigay na si Harry ng inspirasyon sa mga nagangarap na nakakaalam ng kaniyang kuwento, at ibinabahagi niya rin ang kaniyang kaalaman sa marami, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga libreng seminars para sa mga baguhang negosyante. Lagi siyang nag-iiwan ng mensahe sa lahat ng nakakausap niyang tao, na mula mismo sa sarili niyang karanasan. Aral na patuloy niyang ipapasa upang mas marami ang makakamit ng kaunlaran.

“Huwag mong hahayaang nakawin ng iba ang mga pangarap mo. Magpatuloy ka lang, dahil palaging hindi huli ang lahat pagdating sa pangarap.”