Kinutya ng Kaniyang mga Kaeskuwela ang Babaeng Ito nang Malaman Nilang Nakatira Lamang Siya sa Kubo; Patutunayan Niyang Hindi Hadlang Iyon Upang Siya’y Umangat

“Lian, Gerald, Miguel at Iska, kayo ang inaatasan kong gumawa at mag-report ng gawain sa pagkatuto bilang lima, sa susunod na Lunes. Gusto kong ngayon pa lang ay umpisahan n’yo na ang pagpaplano sa naturang report dahil diyan nakasalalay ang inyong grado para sa ikaapat at huling markahan n’yo ngayong taon. Kapag bumagsak kayo’y mahihirapan kayong maka-graduate ng highschool, naiintindihan ba ninyo?” mariing sabi ni Ginang Melchora, ang guro nina Iska sa asignaturang Araling Panlipunan na kilalang isa sa pinakamahigpit na guro sa kanilang eskuwelahan. Tuloy ay tango lamang ang naisagot niya at ng nasabi niyang mga kagrupo.

Nang umalis si Ginang Melchora matapos nitong iatang ang mga gawain sa bawat grupo sa kanilang klase ay agad silang nag-usap-usap. Una nang nagsalita si Lian.

“Ano ba ’yan, matatapos na tayo’t lahat, pahihirapan pa tayo sa reporting,” nakahalukipkip ang mga brasong reklamo nito.

Nanlulumo namang bumuntong-hininga si Gerald bago ito nagsalita. “Wala na tayong magagawa. Pagplanuhan na lang natin kung kailan at saan tayo gagawa ng report para naman matapos natin ’to agad,” sabi pa nito, kahit halatang wala itong kainte-interes katulad ni Miguel na noon ay nakatutok lamang sa cellphone nito habang naglalaro ng online games at walang pakialam sa kanilang pinag-uusapan.

“Guys, huwag kayong ganiyan. Madali lang naman ang reporting. Kaya naman nating pagtulong-tulungan ito,” singit naman ni Iska upang kahit papaano ay mapagaan niya ang atmospera sa kanilang paligid.

“Nasasabi mo lang ’yan, Iska, dahil matalino ka,” umiismid na ani Lian. “Pero, dahil diyan, sa inyo na lang tayo gumawa ng report. Ayoko sa bahay namin dahil baka malaman pa ni mama na hindi ako marunong,” dagdag pa nito na agad namang sinegundahan ni Gerald at Miguel.

Wala nang nagawa si Iska nang mapagdesisyunan ng kaniyang mga kagrupo na doon na lamang sa kanilang bahay sila gagawa ng kanilang report. May pag-aalinlangan man ay pumayag na lamang din siya.

Ngunit nang marating ng kaniyang mga kaeskuwela ang tahanang tinutuluyan ni Iska, doon pa lang ay alam na niyang hindi na maganda ang impresyon ng mga ito sa kaniya. Alam niya kasing ang mga ito ay pawang may mga kaya sa buhay at hindi normal sa kanila na malamang sa isang maliit na kubo lamang nakatira ang kaniyang pamilya. Dahil doon ay halos hindi sila nakatapos sa kanilang report. Katakut-takot na pangungutya na kasi ang natatanggap ni Iska sa mga ito simula niyon.

Advertisement

“No way! Hinding-hindi na ako babalik sa bahay n’yo, Iska! Kung bahay nga bang matatawag ’yon. My gosh! Paano kayo nakakatagal sa gan’on?” Napayukod na lamang siya sa sinabi ni Lian lalo pa’t dinig iyon ng iba nilang mga kaklase. Bukod doon ay ipinagkalat din nito ang litrato ng kanilang maliit na kubo kaya naman lalo siyang nanlumo.

“Alam mo, Iska, ang mabuti pa, kami na lang nina Lian ang gagawa ng report namin. Magsolo ka na lang. Ayaw na talaga naming bumalik sa bahay n’yo o maging kagrupo ka man lang. Baka mahawa pa kami sa mga virus na nakukuha mo roon sa inyo, e,” sabat naman ni Gerald na halos ikadurog ng puso ni Iska.

Dahil doon ay nagpasya si Iska na solohin na lamang ang kaniyang report dahil mukhang wala nang balak sina Lian, Gerald, at Miguel na isali siya sa kanilang grupo.

Dumating ang araw ng kanilang pagre-report. Nang tawagin ni Ginang Melchora ang kanilang grupo ay tanging si Iska lamang ang tumayo at nagsimulang mag-asikaso ng kaniyang report kaya naman nagtaka ang guro.

“Bakit ikaw lang, Iska? Nasaan ang mga kagrupo mo?” kunot-noong tanong nito, ngunit isa sa kaniyang mga kaklase na ang sumagot dahil napipi si Iska sa tanong na iyon.

“Ma’am, tinanggal po kasi nina Lian si Iska sa grupo dahil nandidiri daw sila’t sa kubo lang nakatira si Iska. ’Tapos hindi sila nakagawa dahil hindi nila inintindi ang report nila habang si Iska naman ay nagsolo,” paliwanag ng isa niyang kaklase na hindi niya inaasahang nakikisimpatya pala sa kaniya.

Sa galit ng guro ay agad niyang ibinagsak sa ikaapat na markahan ang tatlong kagrupo ni Iska habang si Iska naman ay nabigyan ng mataas na grado dahil sa maayos niyang pagre-report.

Matapos siyang maka-graduate sa hayskul ay nagpasyang mag-working student ang dalaga upang makatapos siya sa kolehiyo. Nang muli niyang makadaupang palad sina Lian, Gerlad at Miguel, ay noong nag-a-apply ang mga ito bilang mga empleyado sa sarili niyang kompanya na noon ay unti-unti nang nakikilala sa buong bansa.