
Purong Diskriminasyon ang Inabot ng Maitim na Modelo sa Kompanyang Ito; Nang Kunin Siya ng Kompanya ng Kalaban ay Agad Nilang Pinagsisihan Iyon
Dumagundong ang malakas na pagtawa ng HR Manager na beki ng kompanyang pinag-a-apply-an ni Gene bilang isang modelo. Halata sa tono nito na ang pangungutya at pang-iinsulto kaya naman agad na napangiwi ang dalaga.
“Pasensya ka na, pero, seryoso ka ba? Ikaw? Mag-a-appy bilang modelo ng mga damit namin?” sabi pa nito na may himig ng panghahamak. Tango ang itinugon ni Gene at pinilit niyang kalmahin ang sarili at magpakapropesyonal na lamang sa kaharap. Kitang-kita niya nang magpigil ito nang tawa sa kaniyang harapan na hindi man lang din nito pinagkaabalahang itago.
“Girl, sorry pero ang hinahanap namin dito ay maputi. Hindi uso sa amin ’yong motto na, black is beautiful, dahil alam mo ba? Hindi ’yon totoo,” nakangisi pang sabi nito na inilapit ang sariling mukha sa kaniya.
Ngumiti nang matamis si Gene matapos gawin iyon ng kausap bago siya magalang na nagpaalam dito. Lumabas siya mula sa opisina nito at iniwang nakatulala ang kausap dahil sa magandang asal na ipinakita niya sa kabila ng pagiging bastos nito sa kaniya.
Hindi akalain ni Gene na ganitong klaseng diskriminasyon ang matatanggap niya sa pag-uwi niya rito sa ‘Pinas. Minsan na kasi siyang nagtrabaho bilang modelo sa ibang bansa, at maayos naman ang naging trato sa kaniya ng mga tagaroon. Napilitan lamang siyang umuwi upang tuparin ang kaniyang pangarap na maging isang beauty queen at mairepresenta ang Pilipinas sa anumang international beauty pageant. Iyon nga lang, ilang beses na siyang natalo at ngayon nga ay sumusubok ulit siya.
Akala talaga ni Gene ay wala na siyang mapapala sa sariling bansa pagdating sa larangan ng pagandahan, dahil na rin sa diskriminasyong kaniyang natatanggap hinggil sa kulay ng kaniyang balat. Naaalala niya pa nga na minsan na siyang natawag na ulikba at uling ng mga taong nabiyayaan ng mapuputing kutis na siyang basehan ng kagandahan dito sa ‘Pinas.
Mabuti na lamang at isang araw, mayroong isang maliit na kompanya ang tumawag sa kaniya upang kunin siyang modelo ng kanilang mga ilalabas na damit, at agad namang tinanggap ni Gene ang oportunidad na iyon.
“Sir Josh, maraming-maraming salamat po talaga sa pagtanggap sa akin sa kompanya n’yo.” Matapos pumirma ng kontrata ay lubos na nagpasalamat si Gene sa kaniyang boss na si Josh at sa kapatid nitong si Irene. Walang pagsidlan ng kaniyang tuwa ang dalaga nang mga sandaling iyon.
Kasama si Gene sa unti-unting pag-angat ng nasabing kompanya at alam ng lahat na malaki ang ambag niya sa naturang pangyayari. Maganda kasi ang kinalabasan ng kaniyang mga photoshoot dahil talagang magaling siya sa pagmomodelo.
Bukod sa napakagandang oportunidad na iyon, sa muling pagsali niya sa pageant ay nasungkit na rin niya sa wakas ang inaasam na korona! Ngayon ay kaniya nang irerepresinta ang Pilipinas sa Miss World at iyon din ang naging dahilan upang mas lalo pang makilala ang kompanyang siyang unang nagtiwala sa kaniyang kakayahan!
Sa muling pagsabak ni Gene sa pageant, dala ang pangalan ng buong Pilipinas, hindi niya inaasahang muli niyang masusungkit ang korona na siyang lalo pang magiging dahilan ng kaniyang pagsikat! Halos pag-agawan siya ng iba’t ibang kompanya matapos iyon ngunit nanatiling tapat si Gene sa kompanya nina Josh.
Samantala, nang mabalitaan ng kalabang kompanya na siyang unang pinag-apply-an ni Gene bilang modelo ang lahat ay laking pagsisisi ng mga ito. Agad nila siyang tinawagan at sinubukang offer-an ng mas malaki sa kinikita niya kina Josh ngunit talagang ayaw niya na sa mga ito.
Hindi niya akalain na isang araw ay muli niyang makakadaupang palad ang HR Manager ng naturang kompanya na siyang nangutya at uminsulto sa kaniya nang matindi noon. Sinadya kasi siya nito sa kaniyang opisina upang ito mismo ang mag-alok sa kaniya ng proposal na gustong ihain ng pinagtatrabahuhan nitong kompanya.
Halos hindi ito makapagsalita nang maayos habang kausap siya. Ni hindi rin ito makatingin nang diretso sa kaniyang mga mata nang mga sandaling iyon at tila ba mas gusto nitong kainin siya ng lupa.
Sa kabila ng lahat ng ginawa nito ay pinakisamahan niya pa rin ito nang maayos ngunit hindi pa rin niya tinanggap ang kaniyang offer. Umalis itong bagsak ang balikat at sising-sisi sa ginawa nito noon sa kaniya. Isang malaking leksyon para dito na hindi kailan man magtatagumpay ang mga taong mapang-insulto.

Natuwa ang Amerikano sa Magiliw na Batang Ito; Ngunit Naantig ang kaniyang Puso nang Malaman ang Kwento sa Likod ng mga Ngiti Nito
