Natuwa ang Amerikano sa Magiliw na Batang Ito; Ngunit Naantig ang kaniyang Puso nang Malaman ang Kwento sa Likod ng mga Ngiti Nito

Kakamot-kamot sa ulo ang banyagang si Philip. Napahiwalay siya sa kaniyang mga kasamahan habang namamasyal sila sa mataong lugar na iyon sa isang pamilihan, malapit sa resort kung saan sila tumutuloy ngayon.

Ang problema, hindi alam ni Philip ang daan pabalik sa resort. Bukod doon, hindi pa rin siya ganoon kagaling managalog. Ganoon pa man ay wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi ang magtanung-tanong sa mga taong nakakasalubong niya.

Eksaktong napadaan ang isang batang naglalako ng ilang accessories sa kaniyang harapan. Agad itong tinawag ni Philip. “Bata, p’wede ako magtanong sa iyo?” putol-putol na tanong niya sa paslit kahit halos mapilipit na ang kaniyang dila sa pagsasalita.

“P’wede po, ser. Don’t worry po. I speak a little bit of English,” sagot naman ng bata na ikinagulat ni Philip. Paslit pa lamang kasi ito at mukhang naglalaro lamang sa walo hanggang sampung taon ang edad nito.

“Oh, thank God!” Nakahinga nang malalim si Philip. Sunod ay agad niyang itinanong sa bata ang sakayan papunta sa Casa Felicia Resort.

“Honestly, ser, I don’t know, but we can ask my uncle. He’s a tricycle driver,” sagot naman ng bata. Nabuhayan ng loob si Philip sa sinabi nito at agad silang nagkayayaang puntahan ang tiyuhin ng batang napag-alaman niyang ang pangalan ay Miko. Labing dalawang taong gulang.

Habang naglalakad sila ay magiliw siyang ini-entertain ng bata. Ipinapakita nito sa kaniya ang iba’t ibang mga produkto ng mga kasamahan nilang tindero’t tindera ng souvenirs para sa mga turistang katulad niya. Bukod doon ay itinuturo din nito ang bawat daraanan nila upang kahit papaano ay maging pamilyar na siya sa lugar at nang sa susunod ay hindi na ulit siya maligaw katulad ngayon.

Masayahin ang batang si Miko, bukod pa sa halatang pagiging matalino nito. Iyon nga lang, masiyado itong payat at maliit para sa kaniyag edad kaya naman napagkamalan niyang mas bata pa ito kaysa sa gulang nito ngayon. Halatang kulang ito sa nutrisyon.

Advertisement

Nang marating nila kung nasaan ang uncle na sinasabi nito, laking gulat ni Philip nang bigla na lamang sumulpot sa kanilang harapan ang isang ginang.

“Naku, Miko, saan ka ba namang nanggaling na bata ka? Hindi ba’t sabi ko sa ’yo, huwag ka nang maglako at kami na ang bahala ng papa mo sa mga paninda natin? Nag-alala ako sa ’yo! Anak, pakiusap naman, huwag kang basta na lang umaalis nang walang paalam. Alam mo naman ang kalagayan mo, hindi ba?” halos mangiyak-ngiyak na anang babae na noon ay agad na pinunasan ang pawis ni Miko.

Hindi man matatas managalog ay nakakaintindi naman nang maigi si Philip kaya naman talagang nagtaka siya sa mga sinabi ng sa tingin niya ay ina ng batang tumulong sa kaniya.“Hello po, nanay!” bati ni Philip sa ginang at ipinaliwanag niya rito ang ginawang pagtulong sa kaniya ng anak nito. Pagkatapos iyon ay tinanong niya rin ang ginang kung ano ang ibig sabihin nito sa mga tinuran.

“Naku, ser, may sakit po kasi sa puso ang anak ko. Kaya gan’on na lang po ang takot namin na baka sa paglalako pa siya abutan ng atake’t hindi namin agad maagapan,” maluha-luha pang sabi nito. Ikinagulat iyon ni Philip. Hindi niya akalaing sa likod ng magagandang ngiti ng magiliw na bata ay may itinatago pala itong karamdaman..

Pakiramdam niya ay pinagtagpo talaga sila ng tadhana upang matulungan niya ang bata. Si Philip kasi ay may-ari ng isang kompanya na siyang sumusuporta rin sa isang charity para sa mga batang may malubhang karamdaman. Mga batang sinusubukan nilang dugtungan ang buhay, katulad ni Miko.

Kaya naman matapos niyang makabalik sa kaniyang resort ay agad siyang kumontak sa kanilang charity upang idagdag sa listahan ng kanilang mga tinutulungan ang batang si Miko. Ibinilin niya pa na gusto niyang sa lalong madaling panahon ay magamot na agad ang karamdaman ng bata.

“Maraming salamat po sa lahat ng tulong n’yo sa akin, Sir Philip. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan sa buong buhay ko.” Laking pasasalamat ni Miko sa kaniya matapos ang matagumpay na operasyon nito.

“Naku, talagang hindi mo ako makakalimutan, dahil kapag tuluyan ka nang gumaling ay papasok ka na sa eskuwelahan. Pag-aaralin kita, Miko. At kapag nakatapos ka na, sa company ko naman ikaw magwo-work. Okay ba?” nakangiting saad naman ni Philip na sa pagkakataong ito ay mas matatas nang managalog.