Inday TrendingInday Trending
Naiinis ang Lalaking Ito sa Kaniyang Asawa Dahil Palagi Nitong Kinukuha ang Malaking Porsyento ng Sweldo Niya; Paano kung Magpalit Sila ng Katayuan?

Naiinis ang Lalaking Ito sa Kaniyang Asawa Dahil Palagi Nitong Kinukuha ang Malaking Porsyento ng Sweldo Niya; Paano kung Magpalit Sila ng Katayuan?

Natulala na lamang si James sa kaniyang pitaka. Tanging isang libong piso na lamang ang natira sa kaniya matapos kunin sa kaniya ng kaniyang asawa ang lahat ng sinahod niya ngayong buwan. Ni wala na siyang maipambili man lang ng kaniyang gamit o hindi kaya’y maipanggastos man lamang niya kapag sila ay nagkayayaang magkakabarkada sa inuman.

Napailing siya. Katatapos lamang niyang kumain at padabog niyang inilapag sa lababo ang kaniyang pinagkainang pinggan, mga kobiyertos at baso. Naroon man sa salas ang kaniyang misis at inaalagaan ang kanilang dalawang taong gulang na bunso ay alam niyang narinig nito ang kaniyang pagdadabog. Maya-maya pa, tulad ng kaniyang inaasahan ay sinilip na siya roon ni Mildred.

“Ano’ng problema mo, James? Bakit nagdadabog ka?” tanong sa kaniya ng misis. Nakakunot ang noo nito at halatang galit na kaagad.

“Paano’y iisang libo lang ang itinira mo sa wallet ko. Hindi ka na naawa, Mildred. Lagi na lang ganiyan ang ginagawa mo sa akin,” sagot naman niya. Galit din ang kaniyang tono.

“Aba, at anong gusto mo? Huwag kong kunin ang pera mo? Baka nakakalimutan mong dalawa na ang anak na binubuhay mo, James? Lumalaki na ang gastusin natin habang lumalaki na rin sila. Saan ako kukuha ng ipanggagastos kung hindi ko kukunin ang malaking porsyento ng sahod mo?” agad namang katuwiran ni Mildred ngunit muli iyong sinagot ni James hanggang sa lumaki na nang lumaki ang away nila.

Maya-maya pa ay tila nagsawa na rin si Mildred sa kanilang pagtatalo. Bukod doon ay nakikita nitong sinisilip na sila ng mga anak dahil hindi naman sanay ang mga ito na nakikita silang nag-aaway. Noon pa man ay napakapasensyosa na ni Mildred kay James kahit pa minsan ay hindi ito umaakto nang naaayon sa edad nito.

“Ganito na lang. Ibabalik ko sa ‘yo lahat ng sahod mo ngayon. Wala akong kukunin. Pero ikaw ang mag-budget ng gastusin para dito sa pamilya natin, James,” nanlulumong anang asawa sa kaniya.

Nakaramdam naman ng pitik ng awa si James sa asawa ngunit agad niyang pinalis iyon. Katuwiran niya’y baka mas maging maayos pa ang pamumuhay nila kung siya nga ang mag-aasikaso ng kanilang budget.

Ganoon nga ang nangyari. Ibinalik ni Mildred kay James ang kinse mil na sinahod niya ngayong buwan. Bukod doon ay ibinigay na rin nito sa kaniya ang listahan ng kanilang mga gastusin katulad ng hulog sa bahay, bayad sa tubig at kuriyente, budget para sa groceries, gatas at diapers ng kanilang bunso at iba pang gastusin.

Nang gabing iyon pa lamang ay sinubukan nang tuusin ni James ang lahat ng magagastos niya para sa buwang ito… ngunit halos manlumo siya nang makitang halos kulang pa ang kinse mil na ibinibigay niya sa asawa!

“M-mahal, bakit ganito kalaki ang gastusin natin?” Magkahalong hiya at pagtataka ang tanong niyang iyon sa asawa.

“Ganiyan naman talaga kalaki ang gastos natin, mahal. Kaya nga kinukuha ko halos lahat ng sahod mo. Para may pangdagdag ay nagsa-sideline din ako sa paglalabada o ’di kaya’y pagma-manicure at pedicure sa mga kaibigan ko dito sa bahay para kahit papaano ay mapunan ko ang kulang,” malumanay namang sagot ni Mildred na ikinagulat ni James.

Ang buong akala niya ay naibibigay na niya ang lahat sa kaniyang pamilya, ngunit hindi pala, dahil mas mahirap ang ginagawang trabaho ng kaniyang misis. Bukod sa maayos nitong naaalagaan ang kanilang mga anak, naglalaan pa ito ng oras sa pagdiskarte upang mapunan ang kaniyang pagkukulang. Hindi lang iyon, dahil nagagawa pa rin nitong bigyan siya ng oras at maayos nitong naipadarama ang pagmamahal sa kaniya. Halos wala na itong oras para sa sarili, pagkatapos ay nagagawa pa niyang magreklamo rito dahil sa pera?

Labis na nagsisisi si James nang mga sandaling iyon. Hinarap niya ang kaniyang misis at agad siyang humingi ng patawad.

“Sorry, m-mahal. Hindi ko alam na ganito pala kahirap ang ginagawa mo para sa amin ng mga anak natin. Patawarin mo ako kung naging makasarili ako. Ipinapangako ko sa ’yo na mas magsisipag pa ako para mapunan ko ang pangangailangan n’yo ng mga bata. Mahal na mahal ko kayo,” nalulungkot na aniya bago niya kinuha ang kamay ng asawa at hinagkan ang likod ng mga palad nito. Ipinangako ni James sa kaniyang sarili na hindi na niya uulitin pa ang ginawa niya kanina.

Advertisement