
Iniwan ng Babae ang Pag-aartista nang Siya ay Magkapamilya; Ngunit sa Pagkasira ng Pagsasama Nila ng Asawa, Makabalik pa kaya Siya?
“Kung ganoon ay iiwan mo na talaga ang career mo bilang artista matapos kayong ikasal ng iyong non-showbiz fiance, Emilia?” Itinutok ng interviewer ang mikropono sa bibig ng sikat na sikat na artistang si Emilia at hinintay ang pinakaaabangang sagot nito. Ganoon na lang ang panlulumo ng lahat nang tumugon ang dalaga ng isang nakangiting tango.
“Alam ko na maraming madidismaya sa desisyon kong ito, pero umaasa ako na maiintindihan din nila kung bakit mas pinili kong mamuhay nang tahimik, kasama ang lalaking mahal ko,” muli ay nakangiti pa ring aniya na agad namang sinundanng masigabong palakpakan bago magtapos ang talk show na iyon.
Totoo ang sinabi ni Emilia. Marami ang nadismaya at nalungkot sa kaniyang desisyon dahil nang mga panahong iyon ay kasagsagan pa ng kaniyang kasikatan bilang isang aktres. Pumapalo sa takilya ang halos lahat ng kaniyang mga pelikula at napakatataas ng ratings ng kaniyang mga teleserye na siguradong mami-miss ng kaniyang mga fans. Ngunit ano nga ba ang magagawa nila ngayong nagdesisyon na siyang huminto upang mabuhay kasama ang pinapangarap na binata?
Natupad ang sinabi ni Emilia. Ilang buwan matapos silang ikasal ng ngayon ay asawa na niyang si Kiel ay opisyal na niyang ini-announce ang tuluyan na niyang paglalaho sa telebisyon at mga sinehan. Hindi kasi gusto ng asawa niyang si Kiel ang labis na atensyon. Mas gusto nitong mabuhay nang tahimik at silang dalawa lamang. Kaya naman kahit mabigat sa kaniyang kalooban ay isinuko niya ang pangarap para dito.
Naging maayos at masaya naman ang mga unang taon ng pagsasama nina Emilia at Kiel. Punong-puno iyon ng pagmamahal na nagbunga pa nga at nakabuo ng dalawang magaganda at guwapong paslit na talaga namang kinagiliwan nilang mag-asawa.
Ngunit nagsimulang magbago ang lahat sa kanilang pamilya buhat nang bumalik sa bansa ang unang babaeng minahal ng kaniyang asawang si Kiel. Madalas itong pagmulan ng kanilang away dahil nalaman ni Emilia na pinupuntahan pala ng naturang babae ang kaniyang asawa sa opisina nito at kung minsan ay lumalabas pa ang mga ito nang magkasama.
Lumala nang lumala ang kanilang mga away at unti-unting nararamdaman ni Emilia na nawawala na ang pagmamahal sa kaniya nito. Ganoon din sa kanilang mga anak na halos bihira na nitong bigyan ng atensyon.
Hindi nagtagal ay nauwi sa hiwalayan ang dalawa. Naiwan kay Emilia ang lahat ng responsibilidad sa kanilang mga anak, samantalang nang mga panahong iyon ay wala man lang siyang pinagkakakitaan. Halos hindi niya mahagilap ang kaniyang dating asawa sa tuwing hihingian niya ito ng suporta.
Halos mawalan na ng pag-asa ang dati ay sikat na sikat na artistang si Emilia… hanggang sa maisipan niyang kontakin ang mga dating kaibigan sa showbiz.
Ang buong akala niya, dahil nga siya ay napaglipasan na ng panahon ay wala nang muling tatanggap sa kaniya, lalo pa at marami nang mas sikat na aktres ngayon. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang isang direktor na dati niya ring kaibigan ang nagbigay sa kaniya ng trabaho.
“Ibibigay ko sa ’yo ang role na ito dahil alam ko ang ’yong kakayahan, Emilia. Naniniwala akong kaya mo ito.”
Halos matunaw ang puso niya sa mga katagang iyon ng kaibigan. Lalo pang nadagdagan ang kompiyansa niya sa kaniyang sarili nang halos pagkaguluhan ng mga tao ang muli niyang pagbabalik sa telebisyon makalipas ang ilang taong pananahimik!
Nang magsimula ang kanilang teleserye ay nakapagtala ito ng halos araw-araw na pinakamatataas na ratings na naitala sa kanilang bansa at dahil doon ay muli na namang umingay ang pangalan ni Emilia!
Umangat muli sa kaniyang buhay ang aktres at ngayon ay kayang-kaya na niyang bigyan ng magandang buhay ang dalawa niyang mga supling kahit siya ay mag-isa na lamang na nagtataguyod sa kanila. Sa paglipas ng panahon ay kabi-kabila na rin ang mga lalaking nagpaparamdam ng pag-ibig at pagkagusto sa kaniya.
Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang muling pagbabalik ng kaniyang mister na bigla na lamang naglaho matapos itong mangibang bansa kasama ang kalaguyo nito. Tila bigla itong nauntog at natauhang sila pa rin naman ng kanilang mga anak ang gusto nitong uwian… ngunit huli na para doon. Hindi na ito kayang balikan ni Emilia.
Nagkasundo na lamang ang dating mag-asawa na tanging ang kanilang mga anak na lamang ang magiging koneksyon nila sa isa’t isa. Ipinagpatuloy na rin ni Emilia ang pagtupad ng naudlot niyang mga pangarap na unti-unti ay nakakamit na niya.