
Nakabuntis ng Ibang Babae ang Nobyong Dapat ay Pakakasalan na Niya; Paano Kung Pati Siya ay Nagdadalantao rin Pala?
“Babe…” Mabigat ang paghinga ni Aldrin nang magkaharap sila ng nobyang si Shana. Nang mga sandaling iyon, alam niyang hindi na lingid sa kaalaman nito ang nangyayari. “B-babe, patawarin mo ako. N-nabuntis ko si Kim…” kinakabahang pag-amin niya sa nobya na noon ay hindi man lang nagpapakita ng emosyon. Si Kim na rin kasi ang unang naghatid ng balita kay Shana.
“Paano mo nagawa sa akin ’to, Aldrin? Ikakasal na tayo, hindi ba?” kalmado, ngunit puno ng hinanakit na tugon naman ng dalaga sa kaniyang limang taon nang nobyo. Ngunit hindi na nagawang sumagot pa ng binata, dahil napayuko na lamang ito.
“Ayaw mong lumaking walang ama ang anak mo, hindi ba?” Tinanguan ni Aldrin ang muling pagtatanong na iyon ni Shana. “Kung gan’on, panagutan mo siya,” mariing dugtong pa ng dalaga bago tinalikuran ang nobyo.
Sinubukan siyang habulin ni Aldrin ngunit mas binilisan lamang ni Shana ang kaniyang paglalakad. Ayaw na niya itong lingunin dahil natatakot siyang baka bumigay agad siya kapag ito ay nakiusap na magkabalikan sila. Tapos na ang lahat para sa kanilang dalawa. Hindi sila para sa isa’t isa. Iyon ang pilit na itinatatak ni Shana sa kaniyang isip habang naglalakad siya papalayo, kahit nanlalabo ang kaniyang mga mata sa pagkahilam sa luhang walang tigil sa pagpatak nang mga sandaling iyon.
Matapos ang araw na iyon ay hindi na muling nagkita pa sina Aldrin at Shana. Mabuti na lamang at nariyan ang mga kaibiyan ng dalaga na handa siyang damayan sa pighating kaniyang nararanasan.
Katulad na lamang ngayon. Maaga pa lamang ay dumalaw na si Lani sa kaniyang inuupahang apartment, dala ang iniluto nitong macaroni salad na kaniyang paborito.
Pagkaabot ni Lani sa kaniya ng naturang pagkain ay agad na binuksan ito ni Shana.
“Lani, ano ba ito?! Bakit ang baho? Hindi ka ba marunong magluto n’yan?” naduduwal na sabi ni Shana sa kaibigan nang masamyo ang laman ng tupper ware na iniabot nito.
“Grabe ka, Shana! Minsan na nga lang ako magluto, ganiyan ka pa!” agad na katuwiran ng kaibigan sabay hablot sa macaroni salad na hawak niya.
Sasagot pa sana si Shana, ngunit bigla siyang nakadama ng pagsusuka. Agad siyang dumiretso sa kaniyang lababo at doon ay inilabas niya ang sama ng kaniyang tiyan.
Pagkabalik ni Shana sa salas kung saan naroon si Lani ay idinadaing na niya ang labis na pagkahilo.
Doon ay nagkaroon na agad sila ng hinala. Buntis siya, at si Aldrin ang ama!
Lumipas ang dalawang taon at maayos na napalaki ni Shana ang anak niyang si Ace, nang wala si Aldrin sa kanilang buhay. Hindi na niya pinagkaabalahan pang sabihin kay Aldrin ang tungkol dito dahil ayaw na niyang masira pa ang pagsasama nito at ni Kim.
Isang araw, habang nagluluto si Shana ng agahan ay may narinig siyang katok sa mula sa pintuan. Agad niya itong binuksan at ganoon na lang ang gulat niya nang makilala kung sino ang kanilang bisita!
“Shana, bago mo ako sampalin o ano man, makinig ka muna sa akin,” panimula ni Kim—ang babaeng umahas sa ama ng kaniyang anak noon! “Patawarin mo ako, Shana… nagsinungaling ako… ang totoo ay hindi si Aldrin ang ama ng dinadala ko noon. Hindi rin totoong nagkaroon kami ng relasyon dahil ikaw ang mahal niya,” mahabang paliwanag nito.
Hindi agad nakasagot si Shana at napatitig lang ito sa kausap.
“Shana, kailangan kayo ni Aldrin ngayon. May malubha siyang karamdaman kaya hindi niya agad nagawang bumalik sa ’yo noon. Alam niya ang tungkol kay Ace. Gusto niya kayong masilayan man lang kahit sa huling pagkakataon!” pagmamakaawa pa ni Kim kay Shana na noon ay nabibigla sa kaniyang mga nalaman!
Ganoon pa man ay nagpasya siyang sumama rito sa ospital upang dalawin ang dating nobyo. Isinama niya ang kanilang anak at ganoon na lang ang galak nito nang sila’y makita!
“Pwede na akong sumuko. Nakita ko na kayo.” Hindi nagustuhan ni Shana ang pagbibitiw ni Aldrin ng ganoong salita sa kaniya kaya naman inagaw niya mula sa yakap nito ang kanilang anak.
“Aldrin, hinding-hindi kita mapapatawad kapag lumaki si Ace nang wala ka. Kaya magpagaling ka riyan. Gawin mo ang lahat para makayanan mo ang sakit na ’yan!” naluluhang banta niya pa sa dating nobyo na ikinagulat nito.
Ngunit dahil sa mga katagang iyon ay tila nabuhayan si Aldrin. Dahil matapos iyon ay talagang nilabanan nito ang sakit nito! Dahil doon, makalipas lamang nag halos dalawang taon ay idineklara na ng doktor na magaling na ito’t maaari na muling mamuhay nang normal!
Katakut-takot na pagbawi ang ginawa ni Aldrin sa kaniyang mag-ina nang siya ay tuluyan nang makalabas ng ospital. Muli niyang niligawan si Shana kung paano niya ito napaibig noon, at madali naman siya nitong binigyan ng bagong pagkakataon.
Sa wakas, ang relasyon nilang nasira dahil sa kasinungalingan ay muli nang nabuo. Samantala, si Kim ay namuhay na rin nang payapa kasama ang kaniyang anak, at malayo sa ngayon ay mag-asawa nang Shana at Aldrin.

Tinangkang Pasukin ng Lalaking Ito ang Bahay ng Isang Mayamang Pamilya nang Sila ay Magbakasyon; Mabangis Pala ang Karmang Agad na Kakagat sa Kaniya Dahil Doon
