Tinangkang Pasukin ng Lalaking Ito ang Bahay ng Isang Mayamang Pamilya nang Sila ay Magbakasyon; Mabangis Pala ang Karmang Agad na Kakagat sa Kaniya Dahil Doon

Ibinuga ni Hugo ang usok na hinithit niya mula sa hawak na sigarilyo habang pinagmamasdan sa ’di kalayuan ang isa-isang pagsakay ng mga miyembro ng pamilyang nakatira sa bahay na iyon.

Isang buwan na niyang tinitiktikan ang bahay na ito at binabalak niyang pasukin na iyon ngayon upang pagnakawan. Eksaktong-eksakto dahil ngayon ay aalis ang buong pamilya upang magbakasyon at ilang araw silang tatagal sa kanilang pupuntahan. Ngunit sapat na para kay Hugo ang unang gabi pa lamang na wala ang mga ito sa sariling tahanan upang maisagawa niya ang matagal na niyang binabalak na gawin.

“Tiba-tiba na ako nito mamaya,” nangingiting ani Hugo sa kaniyang sarili sa pagitan ng pagbuga niya sa usok na hatid ng huling paghithit niya sa kaniyang sigarilyo. Ipinagkikiskis niya pa ang kaniyang mga palad, tanda na mamaya lamang ay makakahawak na siya ng malaki-laking halaga na maaari niyang ipangsuporta nang matagal sa kaniyang mga bisyo.

Naghintay ng tamang tiyempo si Hugo. Nang mapansing halos tahimik na ang mga tao sa paligid ng kaniyang tina-target na bahay ay agad na siyang kumilos, kahit siya ay mag-isa lamang. Pinag-aralan na niya ang pagdaan sa bakuran nang hindi nasasaktan sa mga alambreng naroon kaya naman madali lamang sa kaniya na nakapasok sa loob.

Alam ni Hugo na maryroong alagang malaking aso ang mga nakatira sa bahay na iyon, ngunit kailan man ay hindi nila iyon pinakakawalan. Nakakulong lamang ito at ang naturang kulungan ay nakapuwesto lamang sa main entrance.

Matagumpay nang napasok ni Hugo ang bahay. Agad siyang dumiretso sa mga kwarto upang doon ay maghalungkat ng mga bagay na kaniyang pakikinabangan. Isinilid niya ang lahat ng kaniyang mga nakulimbat sa isang malaking itim na bag na kaniyang dala-dala.

Gadgets, alahas, pera at ilang mamahaling gamit ang nakuha niya mula sa loob ng bahay. Nang halos mapuno na niya ang kaniyang lalagyan ay nagpasya na siyang lumabas…

Ngunit hindi inaasahan ni Hugo ang madadatnan niya sa kaniyang paglabas.

Advertisement

Dahil ang tatlong malalaking aso na pagmamay-ari ng pamilyang nakatira sa bahay na iyon ay sinasalubong siya at naglalaway siyang inaabangan!

Napamura si Hugo. Dahil sa matinding pagkataranta ay agad siyang nagtatakbo kaya mabilis pa sa alas kuwatrong hinabol siya ng tatlong aso!

“Tulong! Tulungan n’yo ako!”

Napuno ng mga sigawan at tahulan ang buong kabahayan na siyang nagpagising sa mga kapitbahay ng pamilyang pinagnanakawan ngayon ni Hugo. Agad na tumawag ng pulis ang mga ito.

Ngunit bago pa man dumating ang mga tinawagan nilang pulis, si Hugo, ay nauna nang mahuli ng tatlong Doberman na agad siyang sinakmal sa binti, braso at tagiliran! Duguan si Hugo at gagapang-gapang na humihingi ng saklolo. Hindi niya na alintana na siya ay maaaring makulong kung siya ay mahuhuli ng mga pulis. Ang mahalaga sa kaniya ay makatakas sa mababangis na kagat ng kaniyang pinakamatinding karma, bukod pa sa takot na baka siya ay malagutan ng hininga dahil sa rabies na hatid ng mga ito!

Nang dumating ang mga pulis ay saka lamang siya na-rescue ng mga ito at nadala sa clinic upang magamot. Ngunit matapos iyon ay idiniretso na nila siya sa kulungan upang patawan ng parusang tangkang pagnanakaw sa bahay ng mga Ventura na hindi naman niya naituloy.

Napakabilis ng karma. Pinagsisisihan ni Hugo ang ginawa niyang pagnanakaw na siyang naging dahilan ng kaniyang matinding trauma. Mabuti na nga lamang at hindi na itinuloy ng mga Ventura ang kanilang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya, dahil wala namang nawala sa kanila. Lahat ng gamit na muntik na niyang makulimbat ay nabawi ng mga ito dahil naiwan naman niya ang bag na naglalaman ng mga gamit nila nang siya ay habulin ng tatlong aso. Isa pa, para sa kanila ay higit pa sa ginawa niyang kasalanan ang parusang ipinataw ng kanilang mga alaga’t bantay sa bahay.

Samantala, isang malaking leksyon naman para kay Hugo ang naging pangyayaring iyon sa kaniyang buhay na talaga namang nakapagpagising sa kaniyang matagal nang natutulog na pag-iisip. Dahil sa takot na baka sa susunod ay may mas malala nang mangyari sa kaniya, minabuti niyang simulan na ang pagbabago pagkatapos gumaling ng mga sugat na natamo niya mula sa kagat ng mga asong sa kabutihang palad ay kumpleto naman sa mga turok at bitamina kaya hindi siya nalason sa rabies.