Nagpursige ang Binata Upang Makatapos ng Pag-aaral Kahit Ayaw ng Kaniyang Ama; Kayanin Kaya Niya ang Hirap na Pagdaraanan Niya?

Pagod at halatang hinahapo na naman ang noon ay fourth year college student na si Olvie nang siya ay makaupo na rin, sa wakas, sa kaniyang upuan sa kanilang classroom. Uminom si Olvie ng malamig na tubig, mula sa kaniyang lumang baunan na gamit niya pa simula noong first year college siya.

Mahaba-habang lakaran na naman kasi ang kaniyang pinagdaanan dahil nagkulang na naman siya sa kaniyang budget. Hindi na naman kasi sapat ang sinahod niya sa kaniyang part-time job tuwing gabi sa isang fast food chain. Nagkasabay na naman kasi ang ilang mga proyektong kailangan niyang gastusan at ang bayarin niya sa inuupahang dormitoryo, pati na rin ang kuriyente’t tubig. Kinailangan tuloy niyang bawasan ang budget sa kaniyang pagkain at pamasahe.

“Tingnan n’yo si Olvie, guys! Mukha na namang gusgusin. Gaano kalayo na naman kaya ang nilakad niyan, makapasok lang sa eskuwela?”

“Kaya nga. Hindi pa ba napapagod ’yan? Kung ako siguro, walang pera, hindi ko na pipilitin pang mag-college. Nakakapagod kaya!”

Nariyan na naman ang mga impit na hagikhikan ng mga kaklase niyang mapangutya, sa paligid ni Olvie na palagi na lamang umiinsulto sa kaniya sa tuwing makikita siya ng nga ito sa ganoong ayos. Palibhasa ay mga ipinanganak na mayroong pilak na kutsarang nakasubo na sa kanilang mga bibig, ganoon na lamang manghamak ng kapwa ang mga ito.

Ganoon pa man, kailan man ay hindi pinanghinaan ng loob si Olvie dahil lamang sa kanilang mga pnag-iinsulto. Para kasi sa kaniya, mas nakakaawa pa ang mga ito kumpara sa kaniyang kalagayan dahil hanggang ngayong sila ay kolehiyo na ay hindi pa rin mulat sa reyalidad ang mga ito.

Isa pa, si Olvie ay isa sa pinakamahusay na estudyante sa unibersidad na iyon. Bukod sa siya ay masipag, matalino at maaasahan ay talaga namang mataas din ang kaniyang determinasyong magtapos nang may karangalan, sa kabila ng pagiging anak mahirap niya.

Hindi na sana siya gustong pag-aralin ng kaniyang ama noon dahil mahal ang mag-aral ng kolehiyo, ngunit hindi pumayag si Olvie. Kaya naman labag man sa kaniyang kalooban, patakas siyang umalis sa kanilang probinsya upang lumuwas ng Maynila at makipagsapalaran.

Advertisement

Apat na taon na mula nang huling makita ni Olvie ang kaniyang mga magulang at kapatid. Noong una ay nagalit ang kaniyang ama at ina sa ginawa niya ngunit kalaunan ay natanggap din ng mga ito na siya ay may pangarap na dapat at nais niyang tuparin. Dahil doon, regular naman ang komunikasyon nila. Regular ding nagsusuporta si Olvie sa kanila, sa kabila ng kaniyang pangangailangan.

Marami nang pinasok na trabaho ang binata. Basta’t marangal at maayos ang sahod ay pinapatos niya, kahit gaano kahirap. Dahil dito ay madalas siyang maintindihan ng kaniyang mga guro sa tuwing siya ay mahuhuli nang kaunti sa pagpapasa ng kaniyang mga requirements at iba pang proyekto sa eskuwelahan, na sa palagay niya’y siyang dahilan kung bakit marami sa kaniyang mga kaklase ang hindi siya gusto noon pa man.

Pero hindi naman lahat ay galit sa kaniya. Mayroon din naman siyang mga kaibigan na kapwa niya naghihirap din sa buhay at nagsusumikap makapagtapos. Ang mga ito ang kasa-kasama niya sa kaniyan mga paghihirap, maging sa bawat tagumpay na kaniyang nakakamit habang siya ay nag-aaral. Pinili ni Olvie nang maigi ang mga kakaibiganin niya at sinigurado niyang ang mga ito ay katulad niyang may pangarap sa buhay kaya’t hindi siya hahatakin papunta sa masamang landas.

“Malapit na tayong maka-graduate, mga brad! Malapit na nating makamit ang magandang buhay na pinapangarap natin!” minsan ay sabi ni Olvie sa mga kaibigan na naghatid ng ngiti sa kanilang mga labi.

“Basta, walang makakalimot, ha? Magkakaibigan pa rin tayo hanggang sa huli!” sagot naman ng isa.

Ang mga pangarap na nabuo nina Olvie at ng mga kaibigan niyang kapwa mga nagsisikap sa buhay ay unti-unting nabuo, pagkatapos nilang maka-graduate bilang mga enhiniyero. Ang iba, katulad ni Olvie, ay piniling magtrabaho sa ibang bansa, habang ang iba naman ay mas piniling manatili sa Pilipinas at dito’y simulan ang sariling negosyo na kaugnay pa rin ng kanilang propesyon.

Talagang kahanga-hanga ang pagkakaibigang nabuo mula sa mga pangarap at determinasyon. Sapagkat kailanman ay hindi tayo nito ililigaw ng landas, katulad ng dinanas nina Olvie, na ngayon ay nabibigyan na ng maganda at masaganang buhay ang kani-kanilang mga pamilya.