
Sa Sobrang Pagmamahal Niya sa Kaniyang Propesyon ay Hindi na Niya Naisipan Pang Magkaroon ng Sariling Pamilya; Ito ang Kwento ng Isang Ulirang Guro
Si Ginang Leila ay isang mahusay na guro sa isang pampublikong paaralan. Halos buong buhay niya ay iginugol niya sa pagtuturo, na kahit ang sarili niyang kaligayahan ay kaniyang kinalimutan, dahil na rin sa sobrang pagmamahal niya sa kaniyang trabaho.
Ngayon ay mag-lilimampung taong gulang na siya, at nag-iisa sa buhay, dahil tumanda na siyang dalaga sa pagiging guro. Hindi na niya naisip na magpapasok ng sinumang lalaki sa kaniyang buhay dahil katuwiran niya’y mga sagabal lamang ang mga ito sa kaniyang propesyon.
Basta’t ang alam lang niya ay napakasaya niya sa tuwing siya ay nakakapagturo at nakikita niya na natututo ang mga batang tinuturuan niya. Hinding-hindi niya pinagsisihan iyon dahil nakikita niya kung paano niya nababago ang mga buhay ng mga kabataang kaniyang natuturuan.
Hindi man siya nagkaroon ng anak, pinupunuan naman ng mga bata na kaniyang tinuturuang ang kakulangang iyon sa kaniyang buhay, kaya nawaglit na rin sa isip niya ang pag-aasawa dahil kuntento na sa kung anong mayroon siya.
Si Ginang Leila ang isa sa pinakamatagal na guro sa paaralang iyon. Lahat ng mga guro ay talagang minamahal at iginagalang siya. Marami ring mga dating estudyante na bumabalik upang dalawin siya sa eskuwelahan, at ang nakakatuwa pa ay nakikita niyang mga matatagumpay na sila sa kanilang buhay. Kaya sobra ang galak na nararamdaman ni Ginang Leila sa tuwing naiisip niyang naaalala pa pala siya ng mga ito.
Isang sorpresa ang hindi aakalain na mararanasan niya sa tanang buhay niya lalo na sa edad niyang iyon.
“Guys, dali, lapit kayo!” tawag ni Tanya sa kaniyang mga kaklase. Siya ang kanilang class president kaya naman mabilis siyang tinalima ng mga ito.
“Bakit? Ano’ng meron?” tugon naman ng karamihan.
“Guys, hindi ba, teacher’s day bukas? Narinig ko sa faculty, na birthday rin daw ni Ma’am Leila, so please, kailangan ko ng cooperation ninyong lahat para sorpresa natin sa kaniya bukas. Makakaasa ba ‘ko sa inyo?” nakikiusap na ani Tanya.
“Sige ba!” tila nagagalak namang tugon ng kaniyang mga kaklase. “Ano ba’ng dapat naming gawin?”
“Ito nga, guys. Hindi ba, noon, may naikuwento sa atin si Ma’am Leila? Sinabi niya sa atin na masuwerte daw tayo kasi mararanasan at naranasan nating mag-celebrate ng kaarawan natin, lalo na ng debut. Kasi siya, hindi man lang daw niya iyon naranasan noong kabataan niya!” paliwanag ni Tanya sa mga kaklase na agad namang nakuha ang ibig niyang sabihin.
“So, tayo ang magpaparanas n’on sa kaniya, tama ba?”
“Tama kayo! Gagawin nating espesyal ang kaarawan niya bukas kaya simulan na natin ang pagpaplano. Kailangan nating lahat na magtulungan kaya, please, makinig kayong lahat ha?” pakiusap pa ni Tanya sa mga ito.
At nagsimula na nga silang magplano. Sinigurado nila na hindi sila mahahalata ng guro.
Kinabukasan, nagtataka si Ginang Leila kung bakit walang kalaman-laman ang silid-aralan. At lahat ng upuan at mesa ay nakatabi. Miski isang mag-aaral ay wala siyang maapuhap.
Lalabas na sana ang guro upang hanapin ang mga mag-aaral nang bigla siyang nakarinig ng magandang tugtog…
Nagsimulang lumakas ang musika at nagsimula na ring maglabasan isa-isa ang mga mag-aaral na kalalakihan. Bawat isa ay may dala-dalang pulang rosas.
Hindi mapigilan ni Ginang Leila na pangiliran ng luha sa sobrang tuwa.
Napakamot sa ulo ang unang mag-aaral na magsasayaw sa kanilang guro kaya ang nagbabadyang luha na papatak sana sa mga mata ni Ginang Leila ay napalitan ng tawa. Halata kasi sa mukha nito na kinakabahan at nahihiya ito sa kaniya. Nagkatawanan na ang lahat sa tagpong iyon.
Matapos maisayaw ng lahat ang kanilang guro, ang mga kababaihan naman ay naghanda ng mga mensahe at tula para sa kanilang mahal na guro. Mayroon ding naghanda ng kanilang performance number upang pasayahin ito. May sumayaw, kumanta at nagpatawa.
Hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman ni Ginang Leila sa ginawang sorpresa para sa kaniya ng mga mag-aaral.
Habang pinakikinggan niya ang mga mensahe ng mga ito, natuloy na ang pagpatak ng mga luha niya dahil sa tuwa.
Wala man siyang sariling pamilya na maituturing na sa kaniya, natagpuan niya ang pagmamahal na hinahangad sa kaniyang mga mag-aaral. Hindi man sila nagmula sa kaniya’y naging ulirang ikalawang ina naman siya ng mga ito at hindi iyon kayang palitan ng kahit ano sa mundo. Iyon ang pinakatagumpay ng ulirang gurong si Ginang Leila, na nang taon ding iyon ay plano nang magretiro.