Inday TrendingInday Trending
Ang Buong Akala Niya ay Siya ang May Sala sa Kaniyang Kaibigan nang Mabuntis Siya ng Nobyo Nito; Sa Huli’y Sasambulat ang Katotohanan

Ang Buong Akala Niya ay Siya ang May Sala sa Kaniyang Kaibigan nang Mabuntis Siya ng Nobyo Nito; Sa Huli’y Sasambulat ang Katotohanan

“Congratulations, hija. Tama ang hinala n’yo ng nobyo mo. Buntis ka, 3 weeks na,” agad na sabi ng OB Gyne kay Maribeth matapos siya nitong i-test nang ilang minuto.

Nanlumo siya nang kumpirmahin nito ang hinala nila ni Caloy…

Si Caloy na ama ng kaniyang dinadala, at siya ring lalaking pakakasalan ng kaniyang bestfriend na si Isay!

Matapos nilang magpaalam sa OB Gyne na siyang tumingin sa kalagayan ni Maribeth ay doon na napahagulhol ang dalaga. Hindi niya alam kung papaano sasabihin sa kaniyang best friend na may nangyari sa kanila ng nobyo nito at nagbunga iyon sa kaniyang sinapupunan!

“Caloy, ano’ng gagawin natin? Sigurado akong masasaktan nang sobra si Isay!” Naitakip ni Maribeth ang mga kamay sa sariling mukha habang si Caloy naman ay nanatiling nakatayo sa kaniyang harapan. Naguguluhan.

“Pananagutan kita, Maribeth. Sa ’yo ako may obligasyon. Hindi ko kayo p’wedeng pabayaan ng anak natin,” maya-maya, nang makabawi ay anito sa kaniya. Tila ba may kung ano’ng humaplos sa kaniyang puso nang marinig iyon mula sa binata. Ngunit agad din iyong napalitan ng hiya nang maalala niya ang best friend niyang si Isay.

“Hindi p’wede, Caloy! Ikakasal na kayo ni Isay! Paano na si Isay?!” paulit-ulit pa ring tanong niya. “Paano natin sasabihin kay Isay na isang pagkakamali lang ang nangyari? Parehas tayong nakainom n’on at inakala nating ibang tao ang isa’t isa! Hindi siya maniniwala!” patuloy na hagulhol niya habang hinahampas ang dibdib ni Caloy.

“Maribeth, isipin mo ang sarili mo! Paano kayo ng magiging anak natin kapag ipinagpatuloy ko ang relasyon namin ni Isay?!” napalakas na rin ang tinig ng binata na lalo namang ikinahagulhol ni Maribeth.

Nagtataka siya kung bakit tila napakadali lang para dito na sabihin ang mga katagang ’yon, samantalang ikakasal na ito sa kaniyang bestfriend!

Kahit pa matagal na niyang tinatangi si Caloy sa malayuan, nang malaman niyang ito ang lalaking pakakasalan ng best friend niyang si Isay ay pinilit niyang kalimutan ang binata. Pinilit niyang ibaling sa iba ang kaniyang nararamdaman, ngunit ganito pa ang nangyari sa kanila!

“Ano’ng ibig sabihin nito?”

Napasinghap si Maribeth nang mula sa pagkukubli ay biglang sumulpot sa kanilang harapan si Isay. Hindi agad nakasagot si Maribeth kaya naman si Caloy na ang sumalo ng katanungan.

“Isay, buntis si Maribeth at ako ang ama. Pasensiya ka na, pero hindi na matutuloy ang kasal natin dahil kailangan ako ng magiging anak namin,” ani Caloy na wala man lang kaekspe-ekspresyon sa mukha.

Naluluhang nagtatakbo palayo si Isay sa dalawa at simula noon ay hindi na kinausap pa si Maribeth. Siniraan ni Isay si Maribeth sa iba pa nilang mga kaibigan na naging dahilan ng palaging pag-iisip niya na muntik pang makasama sa kaniyang dinadala.

Dahil doon, napilitan si Caloy na siya ay kausapin na tungkol sa tunay na dahilan kung bakit ganoon lang kabilis para dito na hiwalayan si Isay.

“Maribeth, noon pa man ay alam na ni Isay na ikaw ang gusto ko at hindi siya. Alam din niyang ganoon din ang nararamdaman mo para sa akin. Dahil doon ay ginawa niya ang lahat para ipagkasundo kami ng mga magulang namin para sa negosyo. Nang magpakalasing ako nang gabing iyon ay ikaw ang nasa isip ko, kaya naman nang makita kong ikaw ang babaeng tumabi sa akin sa pagtulog ay hindi na ako nagpigil ng sarili. Mahal kita, Maribeth. Ako ang totoong nagmamahal sa ’yo at hindi si Isay,” mahabang pagsasalaysay ni Caloy sa tunay na mga pangyayari noon na labis namang ikinabigla ni Maribeth.

“Ibig mong sabihin, kahit alam ni Isay na mahal kita, ginawa pa rin niya ’yon?” Tinanguan ni Caloy ang tanong na iyon. “Pero bakit?!” dugtong pa ni Maribeth at dahil doon ay napahagulhol siya.

“Hindi na mahalaga ’yon, Maribeth. Ang mahalaga ngayon ay makasal na tayo sa lalong madaling panahon para wala nang magawa pa si Isay laban sa atin,” sabi pa ng binata habang hinahagkan ang likod ng kaniyang mga palad.

Hindi akalain ni Maribeth na magagawa ni Isay ang lahat ng kaniyang ginawa para lang hindi sila magkatuluyan ni Caloy. Akala niya ay siya ang may kasalanan dito, ngunit kabaliktaran pala niyon ang lahat!

Mabuti na lamang at tadhana na mismo ang kumilos upang sila pa rin ng lalaking minamahal at nagmamahal sa kaniya ang siyang maging panghabambuhay ng isa’t isa. Bagay na ipagpapasalamat ni Maribeth sa Panginoon habang siya ay nabubuhay.

Advertisement