Inday TrendingInday Trending
Pilit Siyang Pinag-Medisina ng Kaniyang mga Magulang; Hindi Pala Ito ang Gusto Niyang Kurso

Pilit Siyang Pinag-Medisina ng Kaniyang mga Magulang; Hindi Pala Ito ang Gusto Niyang Kurso

Mula sa mayaman at matagumpay na pamilya ang bunso sa apat na magkakapatid na si Ken. May-ari ng isang kilalang kumpanya ng mga damit ang kaniyang mga magulang habang magagaling na doktor naman ang tatlo niyang nakatatandang mga kapatid.

Dahil sa kaniya-kaniyang galing na mayroon ang kaniyang tatlong kapatid na ngayon ay umiingay ang mga pangalan sa larangan ng medisina, ganoon na lang siya kung bigyan ng malaking ekspektasyon ng kaniyang mga magulang.

Sa katunayan, lingid man sa kaniyang kagustuhan na kumuha ng kursong medisina sa kolehiyo, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang pag-aralan ito dahil iyon ang gusto ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

“O, bunso, ikaw na lang ang hindi doktor sa inyong apat na magkakapatid. Dapat maging matagumpay ka ring doktor paglipas ng ilang taon, ha? Huwag mo kaming bibiguin!” sabi ng kaniyang ina, isang araw habang sabay-sabay silang nag-uumagahan kasama ang kaniyang tatlong mga kapatid.

“Opo, mama, makakaasa po kayo!” masaya niyang sagot kahit na puno ng takot ang kaniyang puso.

“May aasahan nga ba sila mama sa’yo, bunso? Baka naman napipilitan ka lang, ha? Kung napipilitan ka lang, mas maiging sabihin mo na para hindi ka…” hindi na natapos ng kapatid niyang panganay ang sasabihin dahil agad nang nagdabog ang kaniyang ina.

“Tumigil ka nga! Hindi kukuhanin ng kapatid mo ang kursong iyan kung napipilitan siya!” saway nito dahilan para siya’y mapatungo na lang at mapailing ang kaniyang mga kapatid.

Dahil sa taas ng ekspektasyong mayroon sa kaniya ang kanilang mga magulang, takot na takot siyang magkamali kahit sa maliit na bagay. Gusto niyang palagi siyang nakakakuha ng mataas na iskor sa kanilang mga pagsusulit, naiinis siya kapag may hindi siya maintindihang leksyon at natataranta siya kapag hindi niya nagagawa kaagad ang kaniyang mga proyekto.

Nagagawa niya naman ang lahat ng kailangan niyang ipasa sa unibersidad kaya lang, pakiramdam niya’y hindi siya natututo. Nagpapasa lang siya upang magkaroon ng mataas na marka ngunit paglipas noon, wala siyang matandaan tungkol sa leksyong pinag-aralan.

Ito ang dahilan upang sa huling taon niya sa unibersidad, nang may binigay sa kanilang surpresang pagsusulit, siya’y hindi nakapasa at hindi nakapagtapos ng pag-aaral ng taong iyon.

Ramdam niya ang pagkadismaya at galit ng kaniyang mga magulang nang malaman iyon. Wala siyang ibang masabi sa mga ito kung hindi ang kaniyang mga luha lalo pa nang sabihin ng kaniyang ina, “Akala ko pa naman ikaw ang pinakamagaling kong anak! Ikaw pala ang tanging anak na hindi ko maipagmamalaki!” na talagang ikinaguho ng mundo niya.

Ilang araw din siyang nagkulong sa sariling silid noon dahil sa kalungkutan nararanasan niya. Hanggang sa isang araw, siya’y sadyain ng kaniyang mga kapatid sa kaniyang silid upang siya’y hatiran ng pagkain.

“Bunso, ayos lang na madapa, ang mahalaga, bumangon ka. Alam kong hindi mo talaga gustong magmedisina katulad namin. Oras na para gawin mo kung anong gusto mo. Kuhanin mo ang kursong malapit sa puso. Maging tutol man sa’yo sila mama, nandito kaming tatlo para suportahan ka,” sabi ng panganay niyang kapatid saka siya niyakap ng mga ito.

Dahil sa payong iyon ng nakakatandang kapatid, siya nga ay muling nag-enrol paglipas ng ilang buwan. Sa pagkakataong iyon, kinuha na niya ang kursong fine arts, ang tanging kursong gusto niya noon pa man. Ang tanging nais ng puso niya.

Dito niya naramdaman kung gaano siya kasabik na mag-aral at ang kagustuhan niyang matuto araw-araw. Ramdam man niyang tutol ang kaniyang mga magulang dito dahil hindi raw siya magiging kasing yaman ng tatlo niyang mga kapatid sa pamamagitan ng kursong ito, ipinagpatuloy niya ito sa tulong ng kaniyang mga kapatid.

Hanggang sa isang araw, siya ay tuluyan nang makapagtapos at nakapagtamo pa ng pinakamataas na karangalan!

Pagkatapos na pagkatapos ng pag-aaral niyang iyon, agad niyang inilabas sa publiko ang lahat ng kaniyang mga likhang painting, drawing, at kung anu-ano pang gawang sining.

Nag-umapaw ang sayang hindi na niya makubli sa puso nang sa loob ng isang araw, ang halos isang daang likha niya ay nabenta niya kaagad at siya’y makalikom ng humigit kumulang isang milyong piso!

“Grabe, bunso! Bagong artist ka palang, gan’yan na agad ang kinita mo?” hindi makapaniwalang tanong ng nanay niyang ngayon ay bigla siyang pinagmalaki sa kanilang buong angkan.

Ginamit niya ang perang iyon upang makapagpatayo siya ng isang museo. Doon niya inilagay ang mga bago niya pang likha na agad din namang nabebenta.

Sa ganoong paraan, tila mas malaki pa ang kinikita niya sa kaniyang mga kapatid na talagang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang at dahil sa tagumpay niyang ito, humingi na rin sa kaniya ng tawad ang mga ito na labis niya ring ikinasaya.

Advertisement