Todo Hiling Siya ng Regalo sa Nobyo sa Darating na Araw ng mga Puso; Nadismaya pa Siya nang Hindi Nito Maibigay ang Lahat ng Gusto Niya
Sa loob ng halos tatlong dekadang pamumuhay ni Gwen sa mundong ito, ngayon palang siya makakaranas nang may makakasama sa pagdiriwang ng Valentine’s Day. Ngayon lang kasi siya nagkaroon ng kasintahan dahilan upang ganoon na lang siya masabik sa darating na espesyal na araw para sa mga magkasintahan.
Sa katunayan, unang araw palang ng bagong taon, agad na niyang kinukulit ang kaniyang nobyo tungkol sa romantikong paraan ng pagdiriwang na naiisip niya.
“Mahal, sa Valentine’s Day, gusto kong magrenta tayo ng kwarto sa isang hotel sa Tagaytay, ha? Gusto ko ‘yong may swimming pool para maturuan mo rin akong lumangoy!” sabik niyang sabi sa kasintahan habang sila’y kumakain sa isang restawran.
“Walang problema, mahal, pag-iipunan natin ‘yan!” nakangiting sagot nito na labis niyang ikinatuwa.
“Talaga? Magandang ideya ‘yan! Pag-ipunan mo na rin ‘yong regalong gusto kong matanggap, ha?” wika niya pa.
“Ano bang regalo ang gusto mo, mahal?” tanong nito.
“Simple lang naman! Gusto ko lang makatanggap ng bulaklak, tsokolate, at selpon mula sa’yo! Alam mo namang unang beses kong mararanasan na may ka-date sa Valentine’s Day kaya huwag mo akong bibiguin, ha!” masaya niyang wika na ikinakamot nito ng ulo.
“Naku, mahal, kung magrerenta tayo ng kwarto sa Tagaytay tapos medyo mamahalin pa ang gusto mong regalo, baka kulangin ‘yong pera ko. Alam mo namang pinag-iipunan ko rin ‘yong pagpapaopera ko sa mata,” tapat nitong sagot saka pinakita sa kaniya ang matang malabong-malabo na.
“Ganoon ba? E ‘di sige, huwag na lang tayong magdiwang ng araw na ‘yon,” pagtatampo niya kaya agad siya nitong sinuyo at sinabing gagawan ng paraan ang gusto niyang selebrasyon.
Kahit pa alam na niyang nahihirapan na ang kaniyang kasintahan sa pagkalabo ng mga mata nito, patuloy niya pa rin itong ginipit at halos araw-araw na kinukulit tungkol sa mga regalong gusto niyang matanggap.
Tila nagtagumpay naman siya sa kagustuhan niyang ito dahil pagsapit ng pinakahihintay niyang araw, nang magpunta siya sa bahay ng kasintahan, natanggap niya nga ang mga regalong gusto niya mula sa kasintahan.
Mayroon siyang isang kahon ng mamahaling tsokolateng paborito niya, may isang bungkos ng rosas, at isang mamahaling selpon na noon niya pa pangarap na makamtan.
“Diyos ko! Maraming salamat talaga, mahal ko! Lahat talaga ng gusto ko, ginawa mo!” sigaw niya dahil sa sobrang kasiyahan, “Teka, anong oras ba tayo aalis papuntang Tagaytay? Nakapagpareserba ka na ba ng kwarto sa hotel na gusto ko?” tanong niya sa kasintahan.
“Ah, eh, pasensya na, mahal, hindi na talaga kaya ng budget ko. Sa katunayan…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at siya’y agad nang nag-amok.
“Ano ba naman ‘yan?! Ang ganda-ganda ng usapan natin na roon tayo magdidiwang tapos sasabihin mo sa akin ngayong wala ka nang pera?” sigaw niya rito.
Sasagot palang sana ang kasintahan niya nang siya’y biglang sampalin ng kapatid nitong biglang sumulpot sa tabi niya.
“Sino ka sa akala mo, Gwen, para gan’yanin mo ang kapatid ko, ha?! Hindi siya may-ari ng bangko para huthutan mo nang huthutan! Bakit ayaw mong magtrabaho para mabili mo ‘yang mga gusto mo, ha? Iyang kapatid ko, ginastos lahat ng perang inipon niya na para sana sa pagpapaopera ng mata niya para lang mabili ‘yang mga gusto! Anong klaseng kasintahan ka? Ayos lang sa’yong tuluyang mabulag ang nobyo mo basta mabili lang ang mga luho mo?!” sermon nito na talagang nagpagising sa kaniya sa kamaliang ginawa niya.
Wala siyang ibang nasagot doon kung hindi hikbi bunsod ng labis na kahihiyan. Buong akala niya, siya’y ipagtatanggol ng nobyo niya ngunit inawat lang nito ang kapatid saka na siya tuluyang pinauwi ng bahay.
“Galit ka ba sa akin, mahal?” tanong niya rito.
“Hindi, dismayado lang ako sa pagiging makasarili mo,” sagot nito na talagang dumurog ng puso niya.
Iyon ang dahilan para simula nang araw na ‘yon, hindi man siya kausapin ng nobyo, siya’y nagbanat ng buto upang kumita ng pera. Pumasok siya bilang kahera sa isang grocery store, nagbenta siya ng iba niyang mga gamit sa social media at kung anu-ano pang raket ang ginawa niya upang makalikom siya ng pera. Binenta niya rin ang selpong binili nito sa kaniya kaya paglipas ng ilang linggo, siya’y tuluyang nakalikom ng sapat na pera upang ipaopera ang mata ng kasintahan.
“Pasensya na kung natagalan, mahal. Patawarin mo ako sa pagkakasalang ginawa ko sa’yo. Pangako, magbabago na ako, hindi na kita ulit gigipitin pa,” iyak niya sa nobyo.
Sa kabutihang palad, likas ang kabaitang mayroon ang binata at siya’y agad na pinatawad. Tinanggap din nito ang perang binigay niya at agad na nagpaopera na labis niyang ikinatuwa.
Simula noon, natutuhan na niyang magbanat ng buto para sa kaniyang sarili. Inilagay niya na rin sa tamang lugar ang pagiging maluho niya na talagang ikinasaya ng kaniyang kasintahan pati na ng buo nitong pamilya na ngayon ay kasundo na niya.