Muling Nag-usap ang Mag-asawa Matapos ang Matinding Pagsubok sa Kanilang Buhay; Muli Kayang Maibalik ang Sigla ng Kanilang Pag-iibigan o Huli na ang Lahat?
“Ako, ikaw at ang magiging anak natin, tayo ang masayang pamilya na kailanman ay hindi matitibag ng anumang pagsubok! Pangako ‘yan, mahal kong Aira,” marahang saad ni Jerico sa kaniyang misis habang ipinapakita rito ang bagong gawang bahay na kaniyang sorpresa sa misis.
Laking tuwa naman ni Aira at kita sa mga mata nito ang luha dahil sa labis na saya na nararamdaman. Tatlong buwan pa lamang mula nang sila ay ikasal at hanggang ngayon ay hindi nawawala at nauubos ang pag-iibigan nilang dalawa. Pakiramdam pa nga ni Aira ay kung wala lamang trabaho si Jerico, wala na siyang ibang kahati pa sa oras nito.
Habang abala si Jerico sa kaniyang trabaho, nasa bahay lamang si Aira at nag-aasikaso ng kaniyang negosyo na pagtitinda ng mga mababangong kandila. Asensado ang buhay ng mag-asawa at wala nang mahihiling pa – bukod sa pagkakaroon ng anak. Ilang buwan na rin kasi nilang sinusubukan ngunit hindi ito magkaroon ng bunga.
Makalipas lamang ang tatlong buwan, umuwi si Jerico na may malaking sorpresa si Aira. Binuksan ni Jerico ang nakatakip sa lamesa upang tingnan ang pagkain ngunit sa halip na ulam ay isang papel na nagsasabing buntis si Aira ang kaniyang natagpuan. Kasabay pa nito ang yakap ng kaniyang misis mula sa likod nito.
“Aalagaan natin ang magiging anak natin at dito na magsisimula ang tinatamasa nating masayang pamilya,” mangiyakngiyak na wika ni Aira. Tugon naman ng kaniyang mister ay mahigpit na yakap.
Muling nagdaan ang mga araw at ilang mga linggo na abala ang mag-asawa. Isang umaga, labis na ikinabahala ni Aira nang makita niya ang napakaraming dugo na nagmula sa kaniya. Agad siyang nagbihis at dinala ang sarili sa ospital. Habang nagmamaneho, patuloy niyang tinatawagan si Jerico ngunit wala itong tugon.
“Pasensya na, misis, hindi po kumapit ang anak ninyo at kailangan na namin siyang tanggalin dahil makakasama ho sa inyo,” saad ng doktor sa kaniya.
Patuloy sa pag-agos ang mga luha ni Aira sa kaniyang maliit na mukha. Kasabay nito ay ang kaniyang walang tigil na pagtawag kay Jerico. Subalit wala pa rin itong tugon sa kaniya. Ilang sandali lamang ay ipinasok na si Aira sa silid upang siya ay ma-operahan.
Kinagabihan, makikitang tumatakbo si Jerico papasok sa silid kung saan naroon si Aira na tulala at may luha sa mga mata. Lumapit si Jerico sa kaniya at hinaplos ang kamay nito. Ngunit mariin niya itong binawi at hindi man lang makatingin sa asawa.
“Aira, Aira, mahal? Nandito na ako, sorry, ang dami lang talagang ginawa sa opisina,” paliwanag pa ni Jerico. Ngunit kahit na anong gawing paliwanag nito, ayaw nang makinig sa kaniya ni Aira.
Ilang araw ang lumipas at nakauwi na rin si Aira. Dala niya ang mabigat na pakiramdam sa sarili pati na sa mister na pakiramdam niya ay laging wala. Sa unang pagkakataon, ramdam ni Aira na siya lang mag-isa sa buhay niya ngayon at hindi ito ang ipinangako sa kaniya ng mister.
Nagpatuloy ang buhay ng mag-asawa na malamig na ang samahan. Nawalan ng gana si Aira na maging mabuting misis sa kaniyang mister at ganoon rin naman si Jerico sa kaniya. Pareho lamang silang abala sa kani-kanilang mga hanapbuhay.
Isang gabi, nabasa ni Jerico ang mga mensahe ni Aira sa kaniya noong sila ay magkasintahan pa lamang. Muling nagbalik sa kaniya ang matatamis na alaala nila at ang kanilang mga pangako sa isa’t isa. Maagang umuwi si Jerico upang sunduin ang asawa at dalhin sana ito sa paborito nilang kainan noon.
Pagpasok ni Jerico sa kanilang silid, sa halip na saya ay napalitan ng galit ang emosyon sa kaniyang mukha nang makita niya si Aira na may kahalikang ibang lalaki! Sa labis na pagkagulat, mabilis na umalis ng bahay si Jerico. Naiwan si Aira na gulat na gulat matapos mabisto ng kaniyang asawa ang kaniyang panloloko.
Simula nang araw na iyon, hindi na muling nagpakita pa si Jerico kay Aira. Tumigil na rin ito sa kaniyang trabaho sa opisina upang mailayo ang sarili sa misis. Hindi niya lubos maisip na magagawa ito sa kaniya ng asawa gayong wala naman siyang ibang kasalanan kundi ang maging masipag sa pagtatrabaho para sa kanilang dalawa.
Pagkalipas ng mahigit isang buwan, nililinis na ni Aira ang kaniyang damitan nang makita niya ang mga damit ng kanilang magiging anak sana. Dito na patuloy na bumuhos ang mga luha ni Aira- sising sisi sa kaniyang nagawa. Noong araw din na iyon, napagtanto ni Aira ang lubos pala niyang pagmamahal para sa asawa.
Kinabukasan, imbes na siya ay umalis sa bahay, hinanap niya si Jerico at natagpuan niya ito sa bahay ng kaniyang biyenan. Sa una ay biyenan niya mismo ang nagpapalayas sa kaniya dahil sa kaniyang ginawa ngunit nagmakaawa siya upang kaharapin man lang siya ng kaniyang mister.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Lumayas ka na rito at wala ka nang dapat balikan! Manloloko ka!” patuloy na pananaboy nito sa kaniya.
Ngunit ilang sandali lamang ay lumabas na si Jerico at kinaharap siyang muli. Tahimik ang paligid at iniwan sila ng mga tao sa paligid upang makapag-usap ang dalawa. Nagsimula si Aira sa pagluha habang patuloy na humihingi ng tawad.
“Patawad, Jerico. Patawad kasi sinisi kita at hindi ang sarili ko noong nawala ang anak natin. Patawad, Jerico,” patuloy niyang sambit.
Hinawakan ni Jerico ang kaniyang mga kamay at pinunasan ang mga luha nito.
“Araw-araw ay sinisisi ko ang sarili ko sa pagkawala ng anak natin at dahil wala ako sa tabi mo noong ikaw ay nahihirapan. Pero Aira, ang lokohin ako? Hindi ko kayang tanggapin ulit iyon. At kung papatawarin kita, hindi ko na kayang magtiwala ulit sa’yo,” saad ni Jerico habang lumuluha.
“Huli na nating usap ‘to. Patawad,” huling paalam ni Jerico sa kaniyang misis at ibinigay ang kanilang singsing, hudyat ng kaniyang pagbitaw sa kanilang sinumpaang pangako.
Umuwing lumuluha si Aira at nagpatuloy sa pag-eempake ng kaniyang mga gamit. Katulad ni Jerico, kailangan na rin niyang magpatuloy sa kaniyang buhay nang wala sa piling ng asawa. Dahil hindi lahat ng kasalanan ay natutugunan ng isang patawad.