Nawawalan na ng Loob ang Lalaki Dahil Wala Siyang Pera Para sa Operasyon ng Kaniyang Anak; Isang Matandang Lalaki ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-Asa
Kabilang si Juanito at ang kaniyang pamilya sa mga mahihirap na nakatira sa iskwater. Ang asawa niyang si Cory ay walang trabaho dahil wala naman itong pinag-aralan gaya niya at masasakitin din ang babae kaya hindi makagawa ng mabibigat na gawain. Mayroon silang tatlong anak na sina Jack, ang kanilang panganay na dose anyos, si Ron na sampung taong gulang at ang bunsong si Dayday na pitong taon. Ang trabaho naman niya ay ang paglalako ng penoy at balut sa tuwing sasapit ang gabi at tubig na nakalagay sa plastik na bote. Ibinebenta niya iyon sa mga pasahero ng bus na bumibiyahe papuntang Monumento. Minsan ay sinusuwerte kung maraming bumibili ng mga paninda niya pero may mga araw na matumal at halos wala siyang kinikita.
Dahil hanggang elementarya lang ang narating niya ay nahihirapan siyang makahanap ng ibang trabaho na magbibigay sa kaniya ng mas malaking kita. Hindi naman tuluy-tuloy ang sideline niya sa pagko-construction sa umaga kaya kulang na kulang pa rin ang naiuuwi niya sa kaniyang mag-iina.
Kahit ang asawa niyang si Cory ay walang magawa, hindi man lang siya nito matulungan sa paghahanapbuhay. Kung mayroon lang sana silang ekstrang budget ay magtitinda-tinda ito ng lutong ulam upang hindi nito naiisip na pabigat ito sa kaniya kaya tinutuon na lang ng babae ang sarili sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.
“Dayday, huwag ka namang makulit na bata ka! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag kang maglalaro sa kalsada at baka mabundol ka ng sasakyan. Marami pa namang mga walang pakundangang drayber ngayon,” wika ng babae sa bunsong anak.
“Sundin mo ang nanay mo, anak. Huwag pasaway at matigas ang ulo ha? Mamaya kapag malaki-laki ang benta ko ay dadalhan ko kayo ng pasalubong,” sabad ni Juanito.
“O, mahal, aalis ka na ba? Ipinagbalot kita ng kaunting kanin at tuyo. Kapag nagutom ka habang naglalako’y kainin mo iyan ha? Sige na, larga na para makarami ka. Ingat ha?” sabi naman ni Cory sa kaniya saka siya hinalikan nito sa pisngi.
“Ang bait talaga ng misis ko kaya labs na labs kita, eh. Sige, lalakad na ako!” sagot niya sa asawa at ginantihan din niya ito ng halik sa labi.
Alas siyete ng gabi, sinimulan niyang maglako ng kaniyang mga panindang penoy at balut sa mga pasahero na sumasakay ng bus. May mga mangilan-ngilan na bumili pero kulang pa iyon para maibili niya ng pasalubong ang mag-iina niya.
Mas lalong lumiit ang pag-asa niya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Agad siyang sumilong sa loob ng istasyon ng bus at nag-antay na tumila ang ulan. Naisip niyang doon na lang magbenta pero tila tumumal ang mga pasahero. Alas diyes na ng gabi at hindi pa nangangalahati ang mga paninda niya. Mukhang magtutuluy-tuloy ang kamalasan niya.
“Kulang pa ang kinita kong ito pambili ng kakainin namin para bukas,” bulong niya sa isip.
Biglang pumasok sa utak niya na kaawa-awa ang mga anak niya kung sakaling hindi niya mapag-aral ang mga ito. Matutulad ang mga ito sa kaniya at sa asawa niya na mangmang. Ayaw niyang danasin pa ng tatlo niyang anak ang sobrang hirap na buhay kaya kailangan niya itong maipasok sa eskwelahan upang balang araw ay umunlad ang mga ito. Ngunit paano niya iyon gagawin? Kulang pa na pangkain nila sa araw-araw ang kinikita niya sa pagtitinda.
Alas tres ng umaga na siya nakauwi sa maliit nilang barung-barong. Mabuti na lang at tulog na ang mga anak niya at hindi na nag-usisa pa kung may pasalubong siyang dala dahil wala siyang bitbit. Maliit na halaga lamang ang kinita niya na gagawan pa niya ng paraan para pagkasiyahin sa pambili nila ng pagkain kinabukasan. Ang misis niyang si Cory ay mahimbing din ang tulog kaya hindi na niya ginising.
Kinaumagahan, dinig na dinig ng mga kapitbahay ang sigaw ni Cory. Humahangos itong pumasok sa barung-barong at ginising siya.
“Juanito, Juanito, ang anak nating si Dayday!” humahagulgol na sabi ng babae.
“Anong nangyari sa anak natin?” nag-aalala niyang tanong habang pupungas-pungas pa sa higaan.
“Nasag*saan si Dayday ng taxi! Puntahan natin siya, bilisan mo! Mabuti na lang at may mga kapitbahay na tumulong at dinala ang anak natin sa ospital. Ang sabi ko’y susunod tayo roon,” saad pa ng asawa.
“A-ano?!”
Napabalikwas ng bangon si Juanito. Kahit hindi pa nakakapagpalit ng damit ay agad nilang tinungo ni Cory ang malapit na pagamutan sa lugar nila kung saan isinugod ang kanilang bunso.
Naabutan nila ang doktor na tumingin kay Dayday. Sinabi nito na kailangan daw operahan ang bata para mailigtas ang buhay nito. Sa sobrang pag-aalala at pagkatuliro nilang mag-asawa ay hindi na nila maintindihan ang iba pang ipinapaliwanag ng doktor. Ang tumatak lang sa utak nila ay kailangan daw ng malaking halaga para maisagawa ang operasyon. Saang kamay ng Diyos nila kukunin ang malaking halaga ng pera na tuluyang makakapagpagaling sa anak niya?
Habang nagbabantay ang asawa niya sa kanilang anak ay nagtungo siya sa maliit na kapilya ng ospital at doon ay taimtim siyang nanalangin. Humingi siya ng tulong kung ano ang puwede niyang gawin para sa anak, pero ano nga ba? Kaya naisip niyang mamalimos sa kalye at sa mga pasaherong sumasakay sa bus at sa dyip gaya ng mga nakikita niyang pulubi na nagbibigay ng sobre para makahingi ng limos. ‘Di bale nang magmukha siyang kahiya-hiya basta gumaling lang ang anak niya.
Bitbit ang mga sobre at isang sertipiko na hiningi niya sa ospital para magsilbing patunay na maselan ang lagay ng anak niya ay sumakay siya sa mga dyip at bus para upang manghingi ng limos.
“Magandang araw po sa inyo, ako po si Juanito Cruz. Ang bunso ko pong anak ay nasa ospital dahil nasag*saan po ng sasakyan. Maselan po ang kalagayan niya at kailangang sumailalim sa operasyon ngunit wala po kaming pera, kaya kumakatok po ako sa inyong mga puso, kahit magkano lang po, para sa operasyon ng anak ko. Walang-wala lang talaga kami. Parang awa niyo na po,” wika niya sa mga pasahero. ‘Di na nga niya napigilan na maluha sa kinakaharap nila ngayon ng kaniyang pamilya.
May mga mangilan-ngilang nahabag sa kaniya kaya nagbigay ang mga ito ng mga barya. Ilang dyip at bus din ang inakyat niya pero singkwenta pesos lang ang naipon niyang limos. Meron pa ngang isang pasahero na pinagtawanan at ipinahiya pa siya.
“Sinong niloloko mo? Lelang mong panot? Narinig ko na ‘yan, eh! Modus niyo lang ‘yan para makapanghuthot ng pera sa amin. Kunwari ka pang nagsasabi na may sakit ang anak mo, pero ang totoo, ginagamit mo lang ‘yan para makalamang sa kapwa,” sabi ng isang may edad na lalaki.
Totoo nga naman, marami nang gumagawa ng ginagawa niyang paghingi ng tulong na ang hangad ay manloko sa kapwa pero paano naman ang mga gaya niya na totoong nangangailagan?
Alas otso na ng gabi, singkwenta pesos pa rin ang dala niyang pera. Paano na ng operasyon ng anak niya? Wala siyang nagawa kundi ang sumalampak sa semento sa tabi ng kalsada. Napahagulgol na siya sa sobrang sama ng loob at kabiguan.
“Diyos ko, bakit Mo naman kami pinapabayaan? Nasaan Ka ngayong kailangan Ka namin? Nasaan?!” lumuluha niyang sambit na halos mawalan na ng pag-asa.
Nang biglang may kumalabit sa likuran niya. Isang matandang lalaki na may maamong mukha.
“O, bakit ka umiiyak?” nakangiting tanong nito. Nakasuot ng mahabang damit ang matanda na kulay puti. May hawak itong mahabang tungkod.
Hindi nakasagot si Juanito sa tanong nito. Para bang may kung anong kakaiba siyang naramdaman nang matitigan ang nangungusap na mga mata ng matanda. Tuluyan siyang hindi nakapagsalita sa sumunod na sinabi nito.
“Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Hindi Niya kayo pababayaan, hindi Niya pababayaan ang anak mo,” sabi ng matanda at umalis na ito.
Paano nito nalaman ang tungkol sa anak niya? Sinubukan niya itong habulin ngunit bigla na lang itong naglaho. ‘Di niya namalayan ang sasakyang parating, buti na lang at hinintuan siya nito. Laking suwerte naman niya dahil ang sakay ng magandang kotse na muntik nang makas*gasa sa kaniya ay ang kilalang personalidad na tumutulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga mahihirap na gaya niya. Idinulog niya rito ang problema niya at tama nga ang mga nababasa niya tungkol sa mabait na lalaki na mahilig itong tumulong.
Sinamahan siya nito sa ospital kung nasaan ang anak niya at ito ang nagbayad para sa operasyon nito. Binigyan din siya nito ng pera para pambili ng gamot at iba pang pangangailangan. Pinagkaguluhan pa nga ito ng mga doktor, nars at iba pang staff sa ospital at nagpapiktyur, sa sobrang sikat kasi nito ay walang may hindi nakakakilala rito. Sabi nga sa kaniya ng isang nars, napaksuwerte niyang nakilala niya ang mabait at mayamang lalaki na may sarili palang foundation na tumutulong sa mga mahihirap, nagbibigay ng pabahay, trabaho at libreng edukasyon.
Laking tuwa ni Juanito dahil nang gumaling ang anak niyang si Dayday at makalabas ito sa ospital ay siya naman ang binigyan ng trabaho ng lalaki. Ipinasok siya nito bilang staff sa pagawaan ng plastik at binigyan naman ng scholarship ang mga anak niya para makapag-aral.
Sa mga nangyari sa kanila ay muli niyang naalala ang matandang lalaking kumausap sa kaniya sa daan.
“Salamat, maraming salamat po!” sambit niya at saglit na nanalangin.
Hindi niya alam kung sino ang mahiwagang matanda, basta ang alam niya ay isa itong sugo ng Diyos na tinulungan siya para malutas ang kaniyang mga problema.