Isang Matandang Pulubi ang Binigyan ng Libreng Sakay ng Padyak Drayber na Ito; Magugulantang Siya sa Misteryong Mararanasan sa Paghahatid Niya Rito
Gabing-gabi na ngunit pauwi pa lamang sa kanila si Joel. Sakay ng kaniyang pedicab ay binabagtas ng padyak drayber na ito ang madilim na daang iyon. Sira na kasi ang mga street lights doon at ilang buwan nang hindi kumikilos ang kanilang lokal na pamahalaan upang ipaayos iyon, sa ’di malamang dahilan.
Ayos lang naman iyon kay Joel dahil sanay na siya. Palagi rin naman kasi siyang nagpapahuli sa pag-uwi. May mga sumasakay pa kasi sa kaniya kahit hatinggabi na, dahil may mga umuuwi pa galing sa kani-kanilang trabaho.
Maya-maya pa, napayakap si Joel sa sarili. Bigla kasing lumamig ang simoy ng hangin, nakasando pa man din siya. Dahil doon ay napahinto rin siya sa pagpadyak. Doon niya namataang may isang matandang pulubi rin palang naglalakad sa ’di kalayuan. Uugod-ugod na ito at halos pasubsob nang naglalakad sa kalsada, kahit madilim. Sa tanglaw ng buwan ay naaaninag din niya ang marumi nitong kasuotan. Naawa tuloy si Joel kaya naman nagmadali siya at tinapatan ang matanda.
“Nanay, sakay na po kayo. Ihahatid ko na po kayo pauwi,” ani Joel. Nilingon naman siya ng matanda. Mukhang nagulat pa ito sa alok niya.
“T-talaga, hijo? Pasasakayin mo ako nang libre d’yan?” turo pa nito sa kaniyang pedicab.
Tumango si Joel. Napakamot pa siya sa ulo. Naisip niya na baka mahirapan ang matanda sa loob ng kaniyang pedicab, lalo pa at may madadaanan silang lubak, papasok sa subdibisyong tinatahak nito. “Opo sana, ’nay, kung ayos lang sa inyo na sumakay sa pedicab. Pasensiya na ho kayo, e, ito lang ho kasi ang sasakyan ko, e,” nahihiya pang aniya.
Doon ngumiti nang pagkalaki-laki ang matanda. Tila ba napakasaya nito. Bahagya pa ngang natakot si Joel dahil sa paraan ng pagngiti nito, ngunit mas minabuti niyang ihatid pa rin ito. Nagtaka pa siya nang pumara ito sa tapat ng pinakamalaking bahay na nakatayo roon sa subdibisyong iyon. Bago lang ang pamilya niya roon kaya naman hindi niya kilala ang may-ari. Inisip na lang niya na baka doon nagtatrabaho ang matanda.
“Dito na ako. Maraming salamat sa kagandahang loob mo, hijo. Nawa’y pagpalain ka ng Panginoon,” sabi ng matanda na agad namang tinanguan ni Joel.
“Wala pong anuman, nanay. Pasok na po kayo.” Hinintay niya pang tuluyan na muna itong makapasok ng bahay bago siya nagpasiyang umuwi na rin.
Kinabukasan, ganoon na lang ang gulat ni Joel nang biglang may kumatok sa kanilang tahanan. Nang pagbuksan niya ito ay nagtaka naman siya nang malamang isang abogado ang bisita nila!
“Ano pong kailangan n’yo sa akin, sir? May n-nagawa po ba akong kasalanan?” kinakabahang tanong niya sa abogado. Napakapit pa nang mahigpit sa kaniyang braso ang kaniyang ina sa takot.
“Naku, wala. Sa totoo lang, narito ako upang ihatid sa ’yo ang balitang ipinamana sa ’yo ni Doniya Alejandra ang buong subdibisyon kung saan ka namamasada ng pedicab. Ipinamana rin niya sa ’yo ang lahat ng kaniyang mga ari-arian at kayamanan, bilang pasasalamat sa kabutihang ipinakita mo sa kaniya, na matagal na niyang hinahangad,” nakabibigla pang sabi nito.
Ipinaliwanag din ng abogado na ang tinutukoy nitong Doniya Alejandra ay ang matandang inihatid niya kagabi nang libre! Isang misteryosong bilin daw kasi ang iniwan nito bago ito mawala…
Si Doniya Alejandra ay binawian ng buhay sa daan, dahil wala ni isa mang huminto para siya ay tulungan nang atakihin siya ng sakit sa puso habang papauwi siya sa kaniyang bahay. Ngunit bago iyon, isang mahigpit na bilin sa kaniyang abogado ang iniwan nito na animo alam nito ang kaniyang kahihinatnan…ayon dito, ang sinumang hihinto sa kaniyang bahay pagkatapos niyang sumakabilang buhay, na animo’y may inihahatid, ay ang siyang magmamana ng lahat ng iiwan niyang kayamanan. Kaya naman mahigpit na binantayan ng abogado ang kilos ng bawat mapaparaan sa tapat ng bahay nito…at si Joel lamang ang tanging huminto na para bang may inihahatid na kung sino.
Usap-usapan din kasi sa lugar na iyon na nagmumulto raw si Doniya Alejandra—na pinaniniwalaang galing sa lahi ng magagaling na albularyo noon—at naghahanap ng maghahatid sa kaniya, ngunit kahit nang siya ay multo na’y wala pa ring nagtatangka at nag-aabot sa kaniya ng tulong, kundi si Joel.
Isang misteryo man ang nangyari kay Joel ay tila napakaganda ng idinulot niyon sa kaniya. Hindi man maipaliwanag ang suwerteng dumapo sa kaniya ay ipinagpapasalamat niya na rin iyon, dahil bukod sa gumanda ang kaniyang buhay, sa wakas ay matatahimik na ang kaluluwa ni Doniya Alejandra.