Inday TrendingInday Trending
Animo ‘Bangko’ Kung Ituring ng Kaniyang mga Kapatid ang Dalagang Ito; Malaki naman daw Kasi ang Kita Niya sa Kaniyang Trabaho

Animo ‘Bangko’ Kung Ituring ng Kaniyang mga Kapatid ang Dalagang Ito; Malaki naman daw Kasi ang Kita Niya sa Kaniyang Trabaho

Halos maiyak na si Mildred. Hindi na niya alam kung papaano pa ba-budget-in ang kaniyang sweldo, lalo pa at nabawasan ang kanilang overtime sa trabaho magmula nang magkaroon ng pand*mya. Ang laki rin ng bill nila sa kuriyente, tubig at internet. Kailangan niya pang maglaan ng budget para sa pagkain, lalo pa at malaki ang kanilang pamilya. Nag-aaral pa ang bunso niyang kapatid sa kolehiyo.

Bagsak ang balikat niya nang umuwi siya sa kanilang bahay. Pagpasok niya ay agad na bumungad sa kaniya ang kaniyang mga kapatid na ni hindi man lamang siya nagawang batiin. Si Jhon, ang sumunod sa kaniya, ay naglalaro ng mobile games sa hawak nitong cellphone. Ang ikaapat namang si Shaina ay nagsasayaw sa harap ng camera, suot ang isang maiksing damit at maiksing shorts. Tadtad din ng kolorete ang mukha nito, habang ang bunso nilang si Mike ay nag-aaral sa harap ng kompyuter nito. Siya namang labas ng kaniyang ate sa kuwarto nito, kasunod ang asawa. Mukhang kagigising lamang ng dalawa at naglalampungan pa sa harap nila.

Inilapag niya ang kaniyang gamit sa mesa bago siya nagsimulang maghalungkat ng pagkain sa kaldero. Walang sinaing. Wala ring ulam na niluto at nakatambak sa kanilang lababo ang mga hugasing hindi pa rin nalilinis hanggang ngayon. Makalat din ang buong bahay at nangangamoy ang banyo. Ang ganda-ganda ng bahay nila, pero nagmumukha iyong pangit dahil hindi marunong maglinis ang mga kasama niya sa bahay!

Hindi naiwasang mapamura ni Mildred. “Nasaan ba si mama?!” pahiyaw na tanong niya sa mga kapatid.

“Nagpunta sa kumare niya. Magto-tong-its daw sila, e,” sagot ng bunsong si Mike. “Sorry, ate. Tinatapos ko lang itong thesis ko. Masahihin kita mamaya, pagkatapos nito,” sabi pa sa kaniya ng kapatid na bahagya namang umantig sa puso ni Mildred. Ito lang ang tanging nagbibigay ng malasakit sa kaniya. Masipag din itong mag-aral kaya wala siyang masabi rito.

Nilapitan niya si Mike. “Tapusin mo na ’yan, bunso. Kapag nagawa mo na, mag-empake ka ng mga damit mo. Bukas na bukas ay lilipat na tayo ng bahay,” aniya na mabilis namang nakapag-angat ng mukha ni Mike, ngunit hindi naman na ito nagtanong pa. Mukhang naintindihan agad nito ang nasa isip niya.

“Opo, ate,” anito bago bumalik sa kaniyang ginagawa.

Ang iba namang mga kapatid nila ay tila nanlaki ang mga mata. Lalo na ang ate niya. “Hoy, Mildred, ano’ng lilipat? At bakit? Ano’ng problema mo?!” galit na tanong nito agad.

“Lilipat na kami, dahil napagdesisyonan kong si Mike na lang ang susuportahan ko. Sawa na akong maging bangko n’yo. Sawa na akong suportahan kayo, dahil lalo kayong nagiging batugan!” hindi nakapagpigil na sagot naman niya.

“Aba, at napakahusay mong sumagot, a! Nanunumbat ka na? Ang kapal naman ng mukha mo! Sinasabi ko na nga ba at maramot kang talaga. Noon pa man ay ganiyan ka na, e! Gusto mong solohin ang pera mo? Lakad, layas!” paglilitaniya naman ng kaniyang ate.

Nauwi sa away ang pagtatalo nilang iyon. Magkakakampi sina Jhon, Shaina at ang kaniyang ate na inaakusahang maramot siya. Natigil lang ang mga ito nang bigla silang sigawan ni Mike.

“Manahimik kayo! Totoo naman ang sinasabi ni Ate Mildred! Ang tatamad n’yo naman talaga! Kaya nga minsan, kahit gusto kong magpahinga ay hindi ko rin magawa dahil naiisip kong si Ate Mildred na naman ang gagawa ng mga gawain n’yo! Lahat tayo nakaasa sa kaniya, pero, hindi n’yo man lang masuklian!” galit na ani Mike sa mga ito bago nagsimulang mag-empake.

Kinabukasan ay itinuloy na ni Mildred at Mike ang paglipat ng bahay. Maging ang ina nilang ilang taon ding kinunsinte ang kanilang mga kapatid ay walang nagawa upang sila ay pabalikin. Pinilit ni Mildred na tiisin na lamang ang kaniyang pamilya upang matuto namang tumayo sa sarili nilang mga paa ang mga ito. Hinayaan nilang maranasan nila ang hirap, habang ibinuhos niya ang lahat ng atensyon kay Mike at sa kaniyang sarili.

Ilang beses na nagkumahog ang pamilya ni Mildred na bumalik na sila sa bahay ngunit tiniis niya ang mga ito. Doon nila napagtantong napakahirap pala talaga ng ginagawa ng kanilang breadwinner, kaya naman nagsisi sila sa kanilang mga nagawa noon. Taos-puso silang humingi ng tawad kay Mildred at nagsimulang pag-aralang tumayo sa sarili nilang mga paa.

Hanggang sa dumating ang araw na sila naman ang bumawi sa kaniya. Lalo na nang magkatrabaho si Mike. Kahit anong tanggi niya ay halos ituring siya nitong reyna. Pinatigil siya nito sa trabaho at binigyan ng negosyo na agad namang napalago ni Mildred.

Makalipas lang ang ilang taon, halos pare-pareho na silang matagumpay na magkakapatid. Salamat sa pagbibigay ni Mildred ng leksyon sa kanila.

Advertisement