Ikinahihiya ng Dalaga ang Kaniyang Amang Putol ang Kamay; Nakaaantig pala ang Tunay na Kwento sa Likod ng Kapansanan Nito
Nakasimangot na bumaba ng kotse si Aliana, pagkatapos ay papadyak-padyak na pumasok sa kanilang bahay. Kagagaling lamang niya sa eskuwelahan at tulad noon ay hindi na naman naging maganda ang kaniyang araw. Siya na naman ang tampulan ng tukso ng kaniyang mga kaeskuwela. Paano kasi ay nakita ng mga ito ang kaniyang ama nang dalhin nito ang naiwan niyang lunch box kanina. Hayun tuloy at napahiya siya!
Kilala sa bansag na “Kuya Putol” ang kaniyang ama, dahil putol ang kaliwang kamay nito. Dahil doon ay madalas siyang gawing tampulan ng tukso ng kaniyang mga kaeskuwela!
Pagpasok niya sa kanilang pintuan ay namataan niya ang kaniyang ama na agad na tumayo sa kinauupuan nito upang salubungin siya ng yakap. “Anak, nariyan ka na pala. Halika’t naghanda ang mommy mo ng masarap na merienda—” Ngunit hindi na nagawang tapusin pa ng ama ang sasabihin sa kaniya nang bigla niya itong lampasan at dire-diretso siyang umakyat patungo sa kaniyang silid.
Maya-maya pa, narinig na niya ang marahang mga pagkatok ng kaniyang ina sa pintuan ng kaniyang silid. Siguradong pagagalitan siya nito sa ipinakita niyang kawalan ng paggalang sa ama kanina.
“Aliana, anak, mag-usap tayo,” anang kaniyang ina nang ito ay pagbuksan niya. Pumasok ito sa kaniyang silid at naupo sa kaniyang kama. Nakayuko naman siyang sumunod dito.
“Bakit ginawa mo ’yon kanina sa daddy mo?” mahinahon ngunit seryosong tanong ng kaniyang ina kay Aliana. Lalo naman siyang napayuko. Alam niyang mali ang kaniyang ginawa ngunit talagang napipikon na siya. Ikinahihiya niya ang kaniyang ama, dahil sa kapansanan nito!
“Mommy, lagi na lang po kasi akong tinutukso ng mga kaklase ko dahil kay daddy! Lagi po akong inaapi sa school, dahil nakakahiya siya!” hindi niya napigilang sabihin sa ina na halatang nagulat naman sa kaniyang sinabi.
“Anak, huwag na huwag kang magsasalita nang ganiyan tungkol sa papa mo! Hindi mo alam ang sinasabi mo!” may himig ng galit na anito.
Pumagitna ang katahimikan sa kanilang paligid. Maya-maya pa ay nakita niyang bumuntong-hininga ang kaniyang ina, bago siya nito muling kinausap…
“Aliana, anak, may ikukuwento ako sa iyo tungkol sa kung papaanong naputol ang kamay ng papa mo. Ayaw sana niyang ipaalam sa ’yo ito, ngunit sa nakikita ko’y dapat mo nga talaga itong malaman. Ayaw kong lumaki kang ikinahihiya ang daddy mo, dahil dapat ay ipinagmamalaki mo pa siya…”
Hinayaan ni Aliana na magsalita ang kaniyang ina. Hindi siya sumagot, kahit pa duda siyang mababago ng sasabihin nito ang tingin niya sa kaniyang ama.
“Noong ipanganak kita, hindi naman ganito karangya ang buhay natin, anak. Mahirap lang kami ng papa mo at nagtatrabaho siya sa isang pabrika, habang ako naman ay naglalabada. Kahit na ganoon ay sapat na ’yon sa amin. Masaya naman tayong tatlo noon, pero biglang dumating ang panahong nagkasakit ka nang malubha. Napakatagal mo na noon sa ospital, anak, kaya ang papa mo, halos hindi na natutulog para lang isubsob ang sarili sa pagtatrabaho. Dahil doon ay nangyari ang aksidenteng bumago sa buhay natin…hindi sinasadyang naipit ng makina ang kamay ng papa mo at naputol iyon,” umiiyak na kuwento ng kaniyang ina habang inaalala ang masaklap na nakaraan sa buhay nito at ng kaniyang daddy.
“Pero alam mo ba, imbes na panghinaan ng loob ay ginamit ng daddy mo ang sitwasyon niya para maisalba ang buhay mo. Hinabol niya ang pabrikang pinagtatrabahuhan niya ay nagpabayad siya para sa kaniyang nawalang kamay. Iyon ang ginamit niya pambayad sa ospital at ang natira ay isinugal niya sa negosyo na ngayon ay siya nating ikinabubuhay ngayon at siyang nagbibigay sa ’yo ng karangyaan,” dugtong pa nito na nagpawala naman ng tinig sa lalamunan ni Aliana.
Bigla siyang nakonsensiya sa mga nalaman! Hindi niya inaasahan na dahil pala sa kaniya kaya nangyari iyon sa kaniyang ama! Ang pagkaputol pala ng kamay nito ang siyang naging daan upang magkaroon sila ng magandang buhay, pagkatapos ay ikinahihiya niya iyon dahil lang sa sinasabi ng ibang tao?!
Biglang tumakbo si Aliana pababa sa kinaroroonan ng kaniyang ama at niyakap ito nang mahigpit. Labis ang naging paghingi niya ng tawad para sa mga nasabi niya pati na rin sa ipinakita niya rito kanina. Matapos iyon ay pinatawad naman siya kaagad ng kaniyang ama, at naging mas malapit pa sila sa isa’t isa.
Ngayon, sa tuwing may tutukso sa kaniya tungkol sa kamay ng ama ay ikinukuwento niya sa mga ito kung gaano kadakila ang kwento sa likod ng kapansanan nito. Pagkatapos ay mapapahiya na lamang sila.