
Pinagtawanan ng Karamihan ang Kagustuhan ng Dalagang Itong Magpa-promote sa Artista, Hindi naman daw kasi Sikat ang Produkto Niya
“Ano? May sira na ba talaga ang utak mo, bespren? Dito nga sa atin walang tumatangkilik sa mga damit mong gawa sa gantsilyo tapos gusto mo pang ipa-promote ‘yan sa mga artista? Tingin mo ba susuotin nila ‘yan?” sabi ni Flora sa kaniyang matalik na kaibigan nang marinig niya ang binabalak nito.
“Malay mo naman, ‘di ba? Baka lang naman magustuhan nila. Kapag nakita ng mga fans nila na suot nila ang mga damit na binebenta ko, malamang bibili rin sila sa akin,” katwiran ni Joyce habang kinukuhanan ng magandang litrato ang kaniyang mga gawang damit.
“Diyos ko! Sige nga, paano ka makakalapit sa mga artista, ha? Hindi ba’t sandamakmak na personalidad na ang pinadalhan mo ng mensahe sa social media pero ni isa walang sumagot! Kung ako sa’yo, sumama ka na lang sa akin sa ibang bansa! Sumabay ka na sa’kin sa isang buwan!” payo nito sa kaniya saka hinablot ang nililitratuhan niyang damit.
“Ayoko ngang mawalay sa mga mahal ko sa buhay, bespren, kaya titiyagain ko talaga ‘to!” sabi niya saka binawi ang naturang damit.
“O, sige ha, bahala ka. Mabulok ka kasama ng mga damit mong gantsilyo!” sigaw nito sa kaniya saka hinagis sa kaniya ang damit at siya’y biglang nilayasan.
Ginamit sa negosyo ng dalagang ito ang talento niya sa paggagantsilyo upang makagawa ng mga magaganda at nauusong kasuotan ngayon. Nag-umapaw ang kasiyahang naramdaman niyang nang mabenta lahat ng gawa niyang damit sa unang araw niyang pinakilala sa madla ang kaniyang produkto.
Kaya lang, hindi rin iyon nagtagal. Habang tumatagal, paunti-unti na lang ang mga bumibili sa kaniya. Alukin man niya ang ilan sa mga kaanak o kaibigan niya na bumili ng kaniyang produkto, wala ni isa sa mga ito ang tumangkilik at imbis na suportahan siya, sinasabihan pa siya ng mga ito na itigil na ang paggagantsilyo at mangibang bansa na lamang.
Kahit pa ganoon, wala sa bokabularyo niya na isuko ang negosyo niyang ito dahilan para mag-isip siya ng paraan kung paano ito mabebenta at doon na nga pumasok sa isip niya na ipa-promote ito sa mga artistang sikat ngayon na talaga nga namang ikinatawa ng ilan sa kaniyang mga kakilala dahil nga hindi naman sikat at mumurahin lang ang kaniyang mga gawang damit.
Nang araw na ‘yon, kahit na wala rin siyang nakuhang suporta mula sa matalik na kaibigan, tinuloy niya pa rin ang plano niya.
Agad siyang umalis patungo sa isang ahensya ng mga artista sa Maynila bitbit-bitbit ang ilan sa kaniyang mga gawang damit. Mahirap man ang dinanas niya sa trapiko at siksikang mga pampublikong sasakyan, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.
Wika niya pa, “Ngayon pa ba ako susuko kung kailan namuhunan na ako ng lakas, pera, at oras? Kayang-kaya ‘to! Balang araw, sisikat din ang mga produkto ko!”
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakarating sa ahensya ng mga artista. Ngunit dahil nga siya’y isang simpleng tao lang at walang kakilala roon, hindi siya pinapasok ng gwardiya roon para sa kaligtasan ng mga artista. Ngunit hindi pa rin siya sumuko, nagtiyaga siyang maghintay kung may lalabas na artista roon habang sinasabayan niya ito ng mataimtim na panalangin.
Hanggang sa maya maya, may isang dalagang artista ang lumabas at laking tuwa niya nang siya’y pansinin at kausapin nito.
Nang sabihin niya ritong gusto niyang ipa-promote ang mga damit niyang gantsilyo, agad itong natuwa. Sabi pa nito, “Na-miss ko tuloy ang lola ko, lagi niya akong ginagawan ng damit na gantsilyo noong nabuhuhay pa siya. Sige, ako nang bahala rito, papasikatin natin ‘to!” na talaga nga namang ikinatuwa niya.
Narinig pa ng isang artistang kasunod nito ang kanilang usapan at labis na natuwa nang makita ang naggagandahan niyang damit.
“Gusto ko ring i-promote ‘yan, miss, pwede ba?” sabi ng isang sikat na artista.
“Oo naman po! Diyos ko, hulog kayo ng langit!” mangiyakngiyak niyang wika.
Ang dalawang artistang iyon ang nagbigay ingay muli sa kaniyang mga produkto dahil pagka-post na pagka-post ng mga ito ng isang litrato suot-suot ang damit niya, agad siyang dinagsa ng mga taong gustong bumili ng kaparehong damit na suot ng mga ito.
Iyon na ang naging simula upang makilala ang mga produkto niya hanggang sa makapagtayo siya ng isang kumpanya na ang mga empleyado ay ang mga matatanda at may mga kapansanang marunong manggantsilyo.
“Hindi lang pangarap mo ang tinupad mo, Joyce, binigyan mo pa ng pag-asa ang mga taong unti-unting nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Pasensya ka na, ha, kung wala kang suportang nakuha sa akin noon,” sabi ng kaibigan niyang si Flora na ngayo’y katuwang na niya sa pagpapalago ng kaniyang negosyo.
Pinatunayan lamang niya na walang imposible sa taong may pangarap!