
Hiniling ng Ginang na Mawala ang mga Anak Niya Upang Siya’y Makapagpahinga, Paano Kung Magkatotoo Iyon?
“Diyos ko! Kailan ba tatahimik ang buhay ko? Pagod na pagod na ako kakaalaga sa mga bwisit na batang ‘to, magtrabaho nang wala naman akong naiipong pera, at pumangit dahil sa dami ng mga problemang mayroon ako! Kahit mapayapang pagpapahinga, bigyan niyo naman ako!” reklamo ni Josie, isang umaga nang magising dahil sa pag-aaway ng tatlong maliliit na anak.
“Si kuya kasi, mama, ayaw akong bigyan ng tinapay!” daing ng anak niyang babae habang humihikbi at hinehele ang anak niyang bunso.
“Isa na lang ‘to, eh, hahati ka pa? Hindi ka naman mabubusog dito!” sigaw ng panganay niyang anak na lalaki.
“Ako nga ang nag-aalaga kay bunso, eh, kaya dapat sa akin ‘yan! Ako ang napapagod!” katwiran ng kaniyang anak habang sinusubukang makuha ang tinapay sa kamay ng kapatid.
“Utot mo!” sagot nito saka agad na sinubo ang isang buong tinapay dahilan para mapasigaw ang anak niyang babae at umiyak dahil sa gulat ang bunso niyang anak na talaga nga namang ikinarindi niya.
“Tumahimik na nga kayo! Nakakarindi na kayo! Kung ayaw niyong magbigayan, ito, o, tag-isa kayong kutsilyo! Mags*ksakan na kayo nang mabawasan na ang sakit sa ulo ko!” bulyaw niya sa mga ito saka iniabot ang dalawang kutsilyo. Pagkatapos noon, agad siyang umalis ng kanilang bahay para manigarilyo at matanggal ang kaniyang pagkainis.
Simula nang magkaanak sa murang edad ang ginang na si Josie, hindi na muling natahimik ang buhay niya. Bilang isang ina na mag-isang binubuhay ang kaniyang tatlong anak sa paglalako ng isda, maagang siyang nagigising upang maglako at umaga na rin natutulog dahil sa bunso niyang anak na panay ang ungot.
Ni wala siyang maayos na tulog at walang makain dahil inuuna niyang mapakain ang mga ito. Kapag dumating naman ang araw ng pahinga niya, siya nama’y nagigising sa kambal niyang anak na palaging nag-aaway.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na mainis sa buhay na mayroon siya. Gustuhin man niyang maging mapayapa at tahimik ang buhay niya, hindi niya magawa dahil sa kaniyang mga anak na palaging nakatabi sa kaniya. Minsan niya na ngang hiniling na mawala na ang mga ito, kahit isang araw lang, para magkaroon lang siya ng pahinga at oras sa sarili. Sabi niya pa noon, “Gusto kong masolo ang pinaghihirapan kong pera, makabili ng magagandang damit, at makakain ng masarap nang walang kaagaw, katulad noong dalaga pa ako.”
Nang araw na ‘yon, sinadya niyang magtagal sa paninigarilyo upang matahimik kahit papaano ang diwa niya at nang matantiya niyang magtatanghali na dahil kumukulo na ang tiyan niya, siya rin ay nagpasiya nang umuwi sa kanilang bahay.
“Sana naman nagsaing na ang kambal ko,” sabi niya sa sarili habang naglalakad patungo sa kanilang bahay. Kaya lang, malayo pa lang siya, tanaw na niyang may nagkakagulong mga tao sa kanilang bahay dahilan para siya’y mapatakbo at nang makita niya ang dahilan, siya’y agad na nanlambot.
“Diyos ko! Tumawag kayo ng ambulansya! Ang mga anak ko!” sigaw niya habang pilit na ginigising ang kaniyang mga anak.
“Wala na, Josie, kung napaaga ang pagkakita ko sa dugong umaagos sa pintuan niyo, sana naligtas ko pa ang mga anak mo. Kaso, huli na ang lahat,” sagot ng kanilang kapitbahay na tanod na talagang nagpaguho sa mundo niya.
“Bakit niyo naman sinunod ang payo kong mags*ksakan kayo? Bakit dinamay niyo pa si bunso na wala namang malay? Diyos ko! Bakit naman ganito?!” iyak niya habang pilit na niyayakap ang tatlong anak, “Pahinga kahit isang araw mula sa pagiging makulit niyo ang hiling ko, hindi ang habambuhay na pagpapahinga niyo!” pagsisisi niya.
At dahil nga huli na ang lahat, wala na siyang magawa kung hindi ang ipadala ang mga ito sa punerarya, at iburol ang mga ito.
Ngayong tahimik na ang buhay niya at maaari na niyang magawa kung ano mang gusto niya katulad noong siya’y dalaga pa, dobleng lungkot at sakit ang nararanasan niya na panigurado’y habambuhay niyang dadalhin at pagsisisihan.
“Pasensya na mga anak, kung maibabalik ko lang ang mga araw o kahit oras, hinding-hindi na ako magrereklamo sa mga ingay at pag-aaway niyo. Miss na miss ko na kayo,” sabi niya sa mga anak na ngayo’y lulan na ng tag-iisang puting kabaong.
Maging maingat nawa tayo sa mga panalanging ating hinihiling dahil baka tuparin nga ito ng Maykapal at tayo’y mabuhay sa pagsisisi hanggang sa huli nating hininga.