
Nagpaseksi ang Dalagang Ito upang Siya ang Pagkaguluhan Imbes na ang Pinsang Manang; Magtagumpay Naman Kaya Siya?
“Iba ang ganda ng pinsan mo, ano? Kakapasok lang dito sa trabaho, ang dami na agad manliligaw! Samantalang ikaw, magkakalahating dekada ka na rito, ni isa, wala ka pang natitikm*n!” pang-aasar ni Clara sa katrabaho, isang tanghali nang mapansin niyang pinaliligiran ng mga lalaki nilang katrabaho ang pinsan nitong tahimik na nanananghalian.
“Hoy! Magdahan-dahan ka nga sa mga sinasabi mo! Huwag na huwag mo akong ikukumpara sa manang na ‘yan!” bulyaw ni Cleoneth habang padabog na kinakain ang kaniyang biniling pagkain.
“Manang? Bakit mo namang nasabing manang ‘yan, eh, litaw na litaw ang ganda sa uniporme natin dito sa trabaho!” tugon pa nito dahilan para siya’y lalong mainis.
“Naku, tingnan mo ang itsura niyan kapag wala sa trabaho. Jologs na manamit, hindi pa marunong maglagay ng lipstick! Ako pa nga ang inaabala niyan tuwing umaga para lang magkakulay ang maputlang labi niya!” pasigaw niyang kwento rito na ikinatawa nito.
“Ang bait mo naman palang pinsan!” biro nito sa kaniya saka tinusok-tusok ang kaniyang tagiliran.
“Napipilitan lang ako dahil ayokong magmukha siyang kawawa rito pero kung aagawin niya lahat ng atensyon ng mga kalalakihan dito, hindi ko na siya aayusan!” sabi niya rito sabay irap na lalong ikinatawa nito.
Labis na pinagsisisihan ng dalagang si Cleoneth ang pagdala niya sa kaniyang pinsan sa natagpuan niyang trabaho sa Maynila. Bukod kasi sa ito na ang palaging pinupuri ng kanilang mga boss dahil sa galing nito, agad din nitong nabihag ang puso ng mga katrabaho nilang lalaki na labis niyang ikinaiinis.
Matagal na kasi siyang nagpapaganda at nagpapapansin sa mga lalaking katrabaho at ni isa sa mga ito, walang nagtangkang manligaw o kahit man lang nagkagusto sa kaniya.
Nang araw na ‘yon, habang tahimik na silang kumakain ng kaniyang kaibigan, pumasok sa isip niya ang nalalapit na team building ng kanilang kumpanya dahilan para siya’y mapangisi.
“Tingnan na lang natin kung hindi lumabas ang tunay na ikaw sa team building natin. Panigurado, imbis na magbikini, magleleggings at rash guard ka!” sabi niya sa isip habang masamang tiningnan ang pinsan.
At dahil nga gusto niyang sa kaniya lahat mapunta ang atensyon sa araw na ‘yon, bukod sa hindi na niya inayusan ang pinsan, ginawa niya ang lahat upang maging sexy ang katawan niya. Siya’y labis na nagdiet, nagpaputi, at namili ng mga bikini na kaniyang susuotin.
“Ewan ko na lang kung wala pang magkagusto sa akin kapag suot ko ‘to!” wika niya habang tinitignan ang sarili sa salamin.
Nagpatuloy siya sa pagpapapayat hanggang sa tuluyan nang dumating ang araw ng kanilang team building. Maaga siyang nagtungo sa resort na paggaganapan nito kasama ang kaniyang kaibigan. Laking gulat niya nang makitang naroon na ang kaniyang pinsan na may suot na magandang damit at maikling short na nagpalitaw sa puti at kinis ng hita nito.
“Aba, may gan’yang damit ka pala, ‘no?” taas-kilay niyang sabi rito.
“Ah, eh, bigay lang ‘to no’ng isa nating katrabahong babae. Nakita niya kasi na medyo pangmatanda na raw ang mga damit ko,” sagot nito na ikinailing at ikinatawa niya.
Maya maya pa, nagsidatingan na rin ang iba nilang katrabaho at halos lahat ng ito, windang na windang sa itsura ng kaniyang pinsan dahilan para siya’y magpasiyang magpalit na ng bikini upang siya naman ang pagpiyestahan.
Kaya lang, pagkalabas niya ng banyo suot-suot ang binili niyang bikini na talagang nagbigay hubog sa katawan niya, nagulat siyang nagsisigawan na ang kanilang mga katrabaho sa kubong nirentahan nila.
“Ano bang mayroon? Nagsisimula na ba silang maglaro?” tanong niya sa katrabahong papasok pa lang ng banyo.
“Naku, hindi. Hinamon kasi ni ma’am ‘yong pinsan mo na mag-bikini kapalit ng sampung libo. Sumang-ayon ‘yong pinsan mo kaya nababaliw ang mga lalaki nating katrabaho! Grabe naman kasi ang ganda at sexy no’ng pinsan mo! Pinsan mo ba talaga ‘yon?” sabi pa nito na talaga nga namang ikinainsulto niya dahilan para siya’y muling magpalit ng damit.
Pagkarating niya sa kubong iyon, agad na binalita ng kaniyang pinsan ang nangyari habang inaabutan siya ng limang libong piso na agad niyang tinapon saka ito binalya.
Nakita ito ng kaibigan niya dahilan para mailing sa ginawa niya.
“Kaya walang nagkakagusto sa’yo, eh, ang sama ng ugali mo! Binibigyan ka na ng balato, ayaw mo pa!” sabi nito na talaga nga namang paulit-ulit na tumakbo sa isip niya.
Doon niya napagtanto ang lahat ng ginagawa niya noong pagsusungit sa mga katrabaho nila. Palagi siyang nakasigaw, nagrereklamo, at nangmamaliit ng trabaho ng iba dahilan para ngayo’y maintindihan niya kung bakit walang nagkakagusto sa kaniya.
Kaya naman, simula noon, unti-unti niyang inayos ang pag-uugali niya. Muli niya ring kinaibigan ang pinsan niya at ito’y matiyagang ginabayan sa kanilang trabaho.
Wala mang agad na nagkagusto sa kaniya, labis namang hinangaan ng kaniyang kaibigan at pinsan ang pagbabago sa kaniyang pag-uugali na talaga nga namang mas importante kaysa sa pagkakaroon ng manliligaw.